Papasok na sa school si Joshua nang mapansin niyang nag-uumpukan ang mga estudyante sa tabi ng bakod ng school . Parang may tinitingnan ang mga ito at kapansin-pansin na ang karamihan ng naroon ay may takip na panyo sa ilong.
Napansin ni Joshua ang isa sa mga kakalase niya na naroon din at kasamang nag-uusyoso. Lumapit siya dito at tinanong ito tungkol sa bagay na pinagkakaguluhan ng mga tao doon.
" Vincent," bati ni Joshua sa kaklase, " ano ang nandiyan? "
" Aso, pare. Nilapa ng kapwa aso. Wakwak ang tiyan." sagot nito.
Hindi na sumilip si Joshua sa tinitingnan ng mga kapwa estudyante. Dumiretso na siya sa loob ng campus. Magkikita silang magkakaibigan ngayon sa canteen para pag-usapan ang plano nilang bakasyon.
Inabutan niya si Mario sa canteen habang kumakain ito.
" Mar, kumusta? " bati ni Joshua. "Tuloy ba tayo kina Adrian?"
Bago pa nakasagot si Mario ay biglang humahangos na dumating si Angelo at hinatak si Joshua sa isang tabi.
" Nakita mo ba yung aso sa labas? " hinihingal pa nitong tanong kay Joshua.
" Hindi" sagot ni Joshua, " pero sinabi ni Vincent wakwak daw ang tiyan. Nilapa yata ng kapwa aso."
" Hindi pare, hindi aso yung gumawa nun." Sabi ni Angelo. " Pangalawang beses na 'yan at nakita ko mismo yung patay na aso. Parang hiniwa ang tiyan. Nakakita na ko ng ganyang klaseng pagkawakwak ng tiyan."
" Saan? " tanong ni Joshua.
" Sa Bundok Mari-it. " sagot ni Angelo."Pinatay ng bang-aw yung unggoy na tumutulong sa akin. " Wakwak din ang tiyan kagaya ng aso sa labas. Ganun din ang nangyari sa naunang aso."
" Alangan namang may naligaw na bang-aw dito" sagot naman ni Joshua. " Makikita agad yun ng mga tao bago pa makapambiktima."
" Ano ka ba pare, hindi bang-aw yun." Sabi ni Angelo." pero sigurado ako na gawa ng maligno yun o masamang elemento."
Hindi kumibo si Joshua sa sinabi ng kaibigan. Alam niyang may katotohanan ang sinasabi ni Angelo. Kailangan niyang makausap si Pitta o si Danara tungkol dito.
" Hoy, ano ba kayo! " tawag sa kanila ni Mario. " Ba't diyan kayo nagbubulungan? Hindi lang ako makakasama sa bakasyon ninyo out of place na agad ako? "
Bumalik ang dalawa sa kinauupuan ni Mario.
" Akala ko ba sasama ka Mar? " tanong ni Angelo. " nung nakaraang nag-usap tayo sabi mo sasama ka."
" Kailangan ng katulong sa bukid e." malungkot na sagot ni Mario. " Ayaw pumayag ni erpats."
" Akala ko ba may katulong na kayo? " tanong uli ni Angelo. " Ano na nangyari kay Hakso? "
" Racso," pagtatama ni Joshua. " yung hacksaw lagari para sa bakal yun."
" Wala na si Racso," sagot ni Mario. " Umalis na kaya balik na uli ako sa dating trabaho pag bakasyon. Plowing the bukid."
Nakahinga nang maluwag si Joshua nang marinig na wala na si Racso kina Mario. Kinakabahan siya sa maaaring mangyari kapag patuloy ito sa pagtira sa bahay ng kaibigan. Balak niya kausapin si Queenie tungkol dito ngunit ngayong umalis na ito, nawala na ang kanyang pag-aalala para sa pamilya ni Mario.
" Kasi naman walang suweldo kaya siguro umalis." sabi naman ni Angelo. " Ikaw ba naman magtrabaho ng walang bayad."
" Siya naman may gusto nun," sagot ni Mario. " gusto niya daw magsilbi sa bahay ng mga taong kaibigan ng bayani ng Talisay kaya ayaw magpabayad. Kahit papano ay inaabutan din naman ng nanay ko ng pambili niya ng mga gusto niya. Nagtataka na lang kami bakit biglang umalis ng walang paalam."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
AventuraPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...