Habang nakaupo sa isang nakausling ugat ng isang puno sa pinakamataas na bahagi ng bundok ay tanaw ni Aldora ang buong Puerto Vicente. Palapit na ang takipsilim at sa bandang kanluran ay makikita na ang papalubog na araw.
Naalala niya ang kanyang kabataan kung saan dito rin siya namamalagi tuwing lulubog ang araw.
Kayganda ng tanawin noon.
Makikita mo mula sa itaas ng bundok ang mga ibon na lumilipad pauwi na sa kani-kanilang mga pugad. Makikita ang mga paniki na nagsisimula ng maglabasan upang maghanap ng makakain na mga bungangkahoy sa kagubatan.
Kaygandang panoorin ang unti-unting paglukob ng karimlan sa malawak na kagubatan hanggang sa tuluyang dumilim at ang mga maiingay na ibon ay tatahimik na upang magpahinga sa magdamag. Sa kanilang pananahimik ay papalit naman ang mga huni ng mga ibon at mga hayop na sa gabi naman lumalabas.
Pagdating ng umaga ay ang mga panggabing mga hayop at ibon naman ang mananahimik at papalit sa kanila ang mas maiingay na mga hayop at ibon na pang-umaga.
Ganoon ang buhay noon sa kagubatan, tuloy-tuloy ang ikot.
Mula sa pagtubo ng isang buto, hanggang sa pagiging isang puno nito at magkaroon ng maraming bunga, mga bunga na may panibagong mga buto, buto na magiging panibagong puno. Mga puno na lalong magpapayabong ng kagubatan.
Ang pagpapayabong ng kagubatan ay hindi lang gawain ng mga puno at halaman. Katulong nila sa gawaing ito ang mga hayop, mga ibon at mga kulisap sa gubat. Ang mga ibon at paniki ang nagkakalat ng mga buto sa kagubatan at ang mga uod at kulisap naman ang nagsisilbing pagkain ng mga ibon. Pati ang mga hayop na kumakain ng kapwa nila hayop gaya ng mga ahas ay tumutulong din sa pagpapayabong ng buhay sa kagubatan. Kinakain ng mga hayop na ito ang mga sakitin at mahihina upang hindi lumaganap ang sakit at maiiwan lamang ang mga malalakas at malulusog upang magparami pa ng mas magandang lahi. Dahil din sa mga hayop na ito, nalilimitahan ang sobrang pagdami ng ibang mga mapinsalang hayop gaya ng mga daga.
Nagtutulungan ang mga hayop, mga halaman at mga puno para panatilihing buhay at mayabong ang kagubatan. Sa isang kagubatang gaya nito na balanse ang pag-ikot ng buhay, isang masaya at kuntentong pamumuhay ang dulot sa kanila na mga engkantada.
Napapangiti si Aldora sa tuwing maaalala ang masasayang sandali nilang mga engkantada dito sa Puerto Vicente. Ang pakikipaghabulan sa mga ibon, ang pagligo sa malinaw na batis, at kahit ang simpleng kuwentuhan lang nilang magkakaibigan sa itaas ng bundok habang hinihintay ang paglubog ng araw.
Tuloy-tuloyang balanseng pag-ikot ng buhay sa kagubatan hanggang pumasok ang isang hindi inaanyayahang bisita.
Ang mga tao.
Ayon sa kanyang mga magulang, may mga taong banyaga na sinakop ang Puerto Vicente noon at nais pumasok sa kagubatan upang putulin ang mga puno. Nagawa itong hadlangan ng mga engkantado sa pamumuno ng kanyang lolo na isang makapangyarihang Tagabuhi, isang uri ng engkantado na kayang bumuhay ng mga patay.
Natakot ang mga mananakop at hindi na ginalaw ang kagubatan ng Puerto Vicente. Ilang pang mga mananakop ang nagtangkang sirain ang gubat ngunit lahat ay nagawang pigilan ng kanyang lolo gamit ang mga maranhig, mga binuhay niyang mga patay.
Mula noon ay hindi na uli ginalaw ng mga tao ang gubat. Namuhay ang mga engkantado ng mapayapa at tahimik hanggang dumating ang araw na ayaw na niyang maalala.
Maliit na diwata pa lang siya noon at nasaksihan nila mula sa bundok ang pagkakagulo sa Puerto Vicente. Nagkakagulo ang mga tao at nakita nilang isa sa pinakamalaking bahay ang nasusunog. Akala nila ay simpleng sunog lamang ang naganap ngunit ang sunog na iyon ay nasundan pa ng isa pa, at isa pa uli hanggang sa napansin nilang nasunog ang lahat ng malalaking bahay sa Puerto Vicente.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
AventuraPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...