Buong lakas na ikinumpas nina Takoy at Tibod ang kanilang mga kamay pababa upang ibagsak ang malaking puno pababa upang bumagsak ito kina Joshua at Angelo.
Napayuko na lang at napapikit si Angelo, hinihintay na bumagsak ang puno sa kanila.
Napapitlag si Joshua at hindi nabitawan ang palaso ng makita niyang umuga ang puno at tila hahampas na sa kanila. Hinintay na lang niya tumama ito sa kanila.
Hindi ito nangyari.
Huminto ang puno sa pagbagsak ilang pulgada na lang ang layo sa kanilang ulunan.
" Pakawalan mo na ang puno, Tibod." sabi ni Takoy. " Lumambot na naman ang puso mo para sa mga mababang-uri."
" Hindi ko pinipigilan." sagot ni Tibod. " Itinutulak ko pa nga pababa."
"Nagagalit ako kapag sinisira ng mga tao ang kalikasan ngunit nas nasusuklam ako kapag engkantado ang gumawa nito!"
Napaangat ang ulo ni Angelo ng marinig ang pamilyar na boses.
Si Diana!
" Haaay salamat. Akala ko tigok na tayo." sabi ni Angelo kay Joshua.
" Huwag ka munang pakasiguro. Nasa itaas pa natin ang puno." sagot ni Joshua na pilit humahanap ng puwang upang makita sina Takoy at Tibod.
Nagulat man sa nakita, hindi nasindak sina Takoy at Tibod kaya Diana. Alam nilang ito na ang tinutukoy ni Aldora na isang Arbore na gustong umagaw sa kaniyang teritoryo.
" Hindi kami natatakot sa 'yo Arbore!" sigaw ni Takoy. " Subukan mong sugurin kami at bibitawan namin itong puno. May mga mababang-uri sa ilalim nito at alam kong hindi ka papayag na mapahamak sila."
Itinapat ni Diana ang kamay upang hatakin ang puno palayo sa ulunan ng mga kaibigan. Bahagyang umangat ito ng kaunti.
Pilit itong pinigilan nina Takoy at Tibod. Lalo pa nilang ikinumpas ang mga kamay pababa upang bumagsak ang puno kina Joshua.
Bumalik ang kaba ni Angelo ng makitang taas-baba ang puno sa uluhan nila. Kapag tinalo ng dalawa ang kapangyarihan ni Diana, siguradong babagsakan sila ng puno.
Ang bahagyang paggalaw ng puno ang nakitang pagkakataon ni Joshua. Nasilip niya sina Takoy at Tibod na nakikipagtagisan ng kapangyarihan kay Diana. Agad niyang inumang ang pana kay Takoy at pinakawalan ang isang palaso.
Abala si Takoy sa pakikipagtagisan kay Diana kaya huli na ng makita niya ang palaso galing kay Joshua. Bagamat nagulat, nagawa pa rin niyang mailagan ito sa huling sandali.
Ang bahagyang pagkalingat ni Takoy ang kailangan ni Diana. Nawala ang konsentrasyon nito sa puno dahil sa ginawang pag-ilag at si Tibod na lang ang natirang tumutulak nito.
Naramdaman ni Diana ang pagkabawas ng kapangyarihan na pumipigil sa kanya upang hatakin ang puno.
" Patawarin mo ako Anahaw," sabi ni Diana na ang tinutukoy ay ang puno." ngunit kailangan kong gantihan ang mga bumunot sa 'yo."
Pagkasabi nito ay buong lakas niyang hinatak ang puno at buong lakas itong ibinalibag sa dalawang Tagabuhi.
Tumilapon sina Takoy at Tibod ng tumama ang malaking puno sa kanilang dalawa. Gumugulong silang bumagsak sa lupa kasunod ang malaking puno na ibinalibag sa kanila ni Diana.
Mabilis na ikinumpas ni Takoy ang kamay ng makitang magugulungan sila ng puno. Umangat ang gumugulong na puno na parang tumama sa isang malaking bato at lumagpas sa ulunan ng dalawang Tagabuhi.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
PertualanganPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...