PART 1
Inabutan nina Queenie at Diana si Joshua sa tabi ng puno sa gilid ng daan kung saan sila dumadaan papunta sa gubat.
" Alam kong pupunta kayo dito kapag narinig ninyo ang sasabihin ni Adrian," wika nito sa dalawang engkantada.
" Magaling ang pagkakatuklas mosa kasabwat,Josh," sabi naman ni Queenie. " Hindi ko naisip na isang Tagabuhi nga pala ang kalaban natin. Bihasa sila sa paggamit ng ilis-anyo, ang pagpapalit ng kaanyuan hindi lang sa kanilang sarili kundi ng ibang bagay o nilalang na nasa paligid nila."
" Hindi ko rin naisip yun," wika din ni Diana. " May nakita akong babaeng mahaba ang buhok nung minsan na sumama ako kay Dr. Carlos. Ang matandang kausap niya ay ang Tagabuhi ngunit hindi ko nahalata.'
" Nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan si Dr. Carlos kahit na malayo ito sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit may pagkakataon na nagkukulong si Dr. Carlos sa kanyang kuwarto. Ang ibig sabihin ay nasa malayong lugar ang Tagabuhi at hindi na kaya ng kapangyarihan nitong abutin si Dr. Carlos kaya nagtatago siya para hindi makita ng ibang tao.Malaking bahagi ng kanyang kapangyarihan ang ginagamit niya sa ganoong paraan kaya asahan na natin na ngayong hindi na niya kailangang gamitin ito ay mas malakas na Tagabuhi na ang ating makakalaban." paliwanag ni Queenie.
" Makakalaban din natin ang isa pang Tagabuhi na nakalaban ninyo noon." dagdag pa ni Queenie. " Maaaring maghiwa-hiwalay sila upang mas mapalawak pa ang pag-atake kaya kailangan din nating maghiwa-hiwalay. "
" Paano si Angelo?"tanong ni Joshua. " Ligtas kaya siya?"
" Sa tingin ko ay hindi nila gagalawin si Angelo hanggat hindi pa nila tayo natatalo," sagot ni Queenie. " Iniisip nilang magdadalawang-isip tayong umatake kapag hawak nila ang isa sa atin."
" Iyan din ang inaalala ko. Hindi kaya nila saktan si Angelo sa oras na pigilan natin ang paglusob ng mga maranhig?" tanong ni Diana. " hindi kaya nila mahalata na may sandata siyang dalugdug?"
" Maaaring ikinulong nila si Angelo o kaya ay pinababantayan sa mga maranhig habang lumulusob sila. Sa oras na nakaramdam sila ng pagkatalo ay saka nila gagamitin siya laban sa atin." sagot ni Queenie. " Para sa isang engkantado na may mataas na antas ng kapangyarihan, lubhang napakahina ng dalugdug para mahalata niya ito. Hindi nila iisiping may sandata si Angelo."
" Kung ganon ay tayo na," yaya ni Diana. " Kailangang mapigilan sila bago pa sila makababa ng bundok."
" Nagkamali sila ng kinuhang hostage," bulong ni Joshua sa sarili. " Ang dami nilang makukuha, si Angelo pa ang kinuha nila."
" Ako pa!" malakas na sabi ni Angelo ng makitang pasugod ang isang maranhig. " Ako pa talaga ang kakalabanin ninyo ha!"
Hawak na niya ang isang dalugdug at nailagay na ito sa tirador. Bahagya lang siyang umatras at mabilis na inasinta ang pasugod na maranhig.
Boom!
Halos kalahati ng ulo ng maranhig ang sumabog ng tumama dito ang dalugdug.
Nagkikisay itong bumagsak.
Sumingasing ang dalawang kasamahan nito ng makita ang sumabog na ulo ng kanilang kasama.
Magkasabay itong sumugod.
Napaatras si Angelo. Dalawa ang sabay na sumusugod.Tamaan man niya ang isa ay siguradong aabutin siya ng isa pa. Isa lang ang balang hawak niya.
Alin ang uunahin niya?
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
مغامرةPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...