Matapos makababa sa trak at magpasalamat sa driver ay naglakad na ang magkaibigan patungo sa lugar kung saan pumupunta si Dra. Rowena.
" Buti na lang nakasakay tayo sa trak ng tubo na yun. Kung hindi, malamang wala pa tayo sa kalahati ng pupuntahan natin." sabi ni Angelo.
" Oo nga e.Kailangan lang natin makabalik mamaya. Sabi ng mga nakasabay natin kanina sa trak, babalik pa daw uli sila. Kailangang abangan natin uli sila para may masakyan tayo pauwi." sagot ni Joshua.
" Bakit kasi hindi na lang tayo nagpahatid kay Mang Lito?"
" Kung ihahatid tayo, malalaman nila sa kung saan tayo pupunta. Baka magtaka ang mga iyon bakit tayo bumalik dito."
" Sabi ko nga , tama na hindi tayo nagpahatid.Kaya lang kapag hindi tayo nakabalik agad, yari tayo. Sa layo nitong pinuntahan natin, gagabihin tayo sa kalalakad pauwi."
" Sisilipin lang natin yung kubo na sinasabi mo, tapos balik na tayo. Titingnan lang natin kung doon nga nakatira yung matanda. Malay mo may makita tayo na makapagbibigay sa atin ng kasagutan sa mga hinahanap natin."
" Sige, sinabi mo e. Medyo malayo pa tayo. Doon pa tayo sa kabila ng burol na 'yan. "sabi ni Angelo sabay turo sa isang maliit na burol sa unahan.
" Pagbaba ba natin makikita na agad yung kubo na sinasabi mo?"
" Oo, yun pa nga ang isang iniisip ko. Pababa pa lang tayo sa burol, kita na tayo agad sa bintana ng kubo kapag may tao sa loob."
" Huwag tayong dumaan diyan sa burol. Mas mabuti siguro kung iikot tayo sa kabila." sabi ni Joshua.
" Puwede rin." sagot ni Angelo." Kapag diyan tayo dumaan, tingin ko dun tayo babagsak sa pinagkuhanan ko ng mga prutas. Kaya lang kapag dineretso natin 'to, medyo malayo lalakarin natin. Kapag gusto mo medyo malapit, aakyatin nating 'yung bangin na yan."
" Dito na lang tayo sa kakahuyan dumaan." sagot ni Joshua. " Iikot tayo sa gilid ng burol."
Lumihis ang dalawa ng daan at tinahak ang gilid ng burol. Ilang sandali pa ay napasok nila ang kakahuyan na nasa gilid ng burol.
" Gubat na yata 'tong pinasok natin." sabi ni Angelo habang hinahawi ang masukal na daanan.
Ilang sandali pa ay narating nila ang isang hinawan na lugar kung saan tila sinadyang linisin ang isang parte ng gubat. Sa gitna ng hinawan na parte ay nakatayo ang isang kubo.
" Josh, may bahay. Hindi 'yan yung pinuntahan namin." bulong ni Angelo.
" Lapitan natin pero huwag kang gagawa ng ingay." sabi naman ni Joshua.
Dahan-dahang lumapit ang dalawa sa kubo. Habang lumalapit ay naamoy ng dalawa ang mabahong amoy na nanggagaling sa loob ng kubo.
" Amoy patay na daga." sabi no Angelo habang nagtatakip ng ilong. " Mukhang may patay na hayop sa loob."
Habang lumalapit ay patindi ng patindi ang kanilang naaamoy. Pagkalapit sa kubo ay nakiramdam muna ang dalawa. Nang matiyak nila na walang tao ay lumapit na ang dalawa sa pintuan ng kubo. Dahan-dahang binuksan ni Joshua ang pintuan nito.
Lalong lumakas ang nakakasulasok na amoy na nanggagaling sa loob.
Halos magkasabay ang dalawa na naglabas ng panyo at itinakip sa kanilang ilong. Tuluyang binuksan ni Joshua ang pintuan ngunit hindi muna sila pumasok. Hinayaan nilang sumingaw ang mabahong amoy. Nang nabawasan na ang tindi ng amoy ay pumasok na ang dalawa sa loob ng kubo. Tumambad sa kanila ang pinanggagalingan ng amoy sa loob ng kubo, mga patay na mga ibon at manok na nakalagay sa loob ng mga hawla. Ang iba ay tuyo na habang ang iba naman ay nabubulok at inuuod na.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
AventuraPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...