Chapter 5. Ang mga Bisita

7.7K 321 22
                                    

Nakabalik na sila galing sa medical mission at kasalukuyan siyang nagpapahinga sa kuwarto. Nagtagumpay siya ngayon sa kanyang lakad. Nadagdagan na naman niya ang kanyang mga alagad. Ilang araw na lang ang hihintayin niya at maisasakatuparan na niya ang matagal na niyang balak, ang paghigantihan ang mga mamamayan ng Puerto Vicente.

Noong una ay inakala niyang imposible ang kanyang gagawin. Halos lahat ng kanyang naipon at kinita bilang isang doktor ay naubos na sa kahahanap niya ng tamang formula para makalikha ng isang maranhig. Matagal na panahon ang kanyang inubos sa pag-eeksperimento hanggang sa makuha niya ang tamang formula na hinahanap niya. Mabilis itong umepekto dahil mabilis din ang pagdaloy nito papunta sa utak ng isang tao at kahit isang maliit lang na kagat mula sa isang taong apektado nito ay lubhang nakakahawa kaya mabilis na kakalat sa isang lugar na maraming tao.

Sa oras na marating ng virus ang utak ng isang taong apektado, wala ng iisipin ito kundi ang kumain ng tao. Ang kagustuhan nitong kumain ang nagpapagalaw sa katawan nito upang patuloy na puntahan ang pagkain. Kahit na putol -putulin ang ibang parte ng katawan nito hanggat nakakabit pa ang ulo ay magpapatuloy ito sa pagagalaw papunta sa kanyang pagkain. Ang tangi lang makakapigil dito ay ang pagputol ng leeg nito para mahiwalay ang katawan sa ulo.

Ang problema lang niya noon ay tumatagal lang ng dalawang araw ang kanyang mga biktima at pagkatapos ay mamamatay na rin ng tuluyan.

Doon niya nakilala si Aldora, ang magbibigay ng sagot sa kanyang mga problema.

Kagaya niya, si Aldora ay nagmula rin sa Puerto Vicente ngunit hindi ito isang ordinaryong tao.

Isa itong engkantada .

Si Aldora ang hindi niya nakikitang kaibigan ng tumira sila sa gubat ng Puerto Vicente.

Dahil sa taglay nitong kapangyarihan, napanatili nitong buhay ang mga maranhig sa matagal na panahon at nagawa pa niyang pasunurin ang mga ito sa kanyang kagustuhan.


Nagkakilala sila ng minsang nagwala siya dahil sa sunod-sunod na kabiguan na naranasan niya sa pagnanais na makagawa ng maranhig na gagamitin niya sa paghihiganti sa mga Puerto Vicente. Ilang daan na mga daga at kuneho na ang kanyang napatay dahil sa kanyang pag-eksperimento ngunit walang nangyayari sa kanyang mga ginagawa dahil namamatay din agad ang mga ito. Sa sobrang pagkadismaya niya ay pinagbabasag niya ang mga kagamitan sa nagsisilbing laboratoryo sa kanyang bahay. Nagsisigaw siya habang umiiyak at minumura niya ang mga taga Puerto Vicente. Ang akala niya noon ay wala na siyang pag-asang makapaghiganti.

Paglabas niya sa bahay ay nilapitan siya ng isang babae na hindi niya kilala at nag-alok sa kanya ng tulong. Hindi niya ito pinansin noong una ngunit ng malaman niyang taga Puerto Vicente din ito kagaya niya ay nagkainteres siya na kausapin ito. Nagulat siya ng malaman na alam ng babae ang lahat tungkol sa kanya. Alam nito ang buo niyang pagkatao, pati ang mga pinakaiingatan niyang mga lihim ay hindi lingid dito.

Nagpakilala itong isang engkantada na galing din sa Puerto Vicente at kagaya niya, gusto rin nitong maghiganti sa mga tagaroon. Bilang isang doktor, hindi siya naniniwala sa mga ganoong bagay ngunit ng sinabi nito na kaya nitong panatilihing buhay ang mga maranhig na nilikha niya. Isinama niya ito sa loob ng laboratory at hindi siya makapaniwala sa nakita.

Pagkatapos ngang maisalin sa daga ang formula ay agad na nagwala ito at pinagkakagat ang mga daga na kasama sa hawla. Ilang saglit lang at lahat na nga daga sa loob ng hawla ay animo mga hayok sa laman at pilit inaabot ang mga daga sa kabilang hawla na hindi tinurukan ng formula. Inaasahan niyang pagkalipas ng ilang sandali lang ay mamamatay na ang mga ito gaya ng mga nauna niyang eksperimento ngunit pagkatapos itapat ni Aldora ang kanyang mga kamay sa hawla at magsalita ng mga katagang hindi niya maintindihan, nanatiling buhay ang mga daga at hindi namatay taliwas sa inaasahan niyang mangyayari. Lalo pa siyang namangha ng pakawalan ni Aldora ang mga daga at pasunurin ang mga ito sa kanyang mga utos.

Si Joshua Lagalag at ang  Maranhig                  (Book III)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon