Maaga siyang nagising kinabukasan. Masarap ang naging tulog niya pagkatapos ng isang masaganang hapunan kagabi. Ngayon ay balik-trabaho na naman sila. Magbibigay ng tulong sa mga nangangailangan na mga taga Puerto Vicente. Mabigat sa loob niya gawin ang ginagawa niyang pagtulong sa mga tagarito ngunit ito lang ang tangi niyang paraan para magkaroon ng pagkakataon na maisagawa ang kanyang mga binabalak na hindi nahahalata. Ito rin ang paraan para madagdagan pa ang mga maranhig na sasalakay sa Puerto Vicente pagdating ng tamang oras.
Kung minsan ay kinakabahan din siya sa mga itsura ng mga maranhig kapag nakakaharap niya ang mga ito ng malapitan. Hindi ito nalalayo sa mga zombies na napapanood niya sa mga pelikula. May mga malalaking sugat na nabubulok na sa katawan at mukha at mga hayok na hayok sa karne ng tao. Ang kaibahan lang ng maranhig na ginawa nila, mabibilis at maliliksi ito kumilos. Walang pagkakataong makatakas ang sinumang susugurin ng mga ito.
Bagamat kinakabahan siya, siniguro sa kanya ni Aldora na kaya nitong kontrolin ang kilos ng mga maranhig kaya kampante na rin siya lalo na kapag naroon sa malapit lang si Aldora.
Ganunpaman, kailangan niya pa ring magkaroon ng proteksiyon kahit papaano. Hindi siya nakakasiguro sa maaaring mangyari.
Mula sa ilalim ng kanyang higaan ay kinuha niya ang isang baril at isinilid sa isang bag.
Pagkatapos maiayos ang ibang gamit para sa medical mission ay bumaba na siya para mag-almusal kasama ng iba.
Habang nag-aalmusal ay tinanong ni Dr. Robert sina Joshua kung sasama sila sa medical mission. Napagkasunduan ng magkakaibigan na sasama sila ngunit pagkatapos kumain ay palihim na nilapitan ni Aling Rose si Adrian at sinabihang huwag sumama. Masyado daw delikado ang magpunta sa lugar na malapit sa gubat dahil sa maranhig.
" Tumulong ka na lang sa Tatay mo sa mga gawain dito. Napakaraming gagawin diyan." sabi ni Aling Rose sa anak. " huwag kang sasama doon sa kanila kundi malilintikan ka sa akin."
Kinausap ni Adrian ang mga kaibigan na hindi na siya sasama. Napagkasunduan nina Joshua at Angelo na huwag na ring sumama muna para tulungan si Adrian sa mga gagawin nito.
" Paano yan, hindi sasama ang mga boys." sabi ni Dra. Rowena. " How about you, girls?"
" Sasama po kami." sagot ni Queenie. Kailangan nilang makalapit sa gubat upang malaman kung totoong may naninirahang engkantada dito.
Pagkatapos maisakay ang mga gamit sa mga sasakyan ay umalis na ang mga doktor kasama sina Queenie at Diana.
" Umpisahan na natin ang gagawin mo Adrian para mabawasan na." sabi ni Angelo. " Hindi tayo makakagala niyan kapag lagi kang maraming gagawin."
" Sige, " sagot ni Adrian. " Tulungan natin si Tatay na magpakain ng mga hayop dito sa farm. Mangunguha din tayo ng mga itlog ng manok sa mini-poultry doon sa likuran. "
Inabutan ng tatlo si Mang Abeng na nagpapatuka ng mga manok at itik sa likurang bahagi ng bahay. Tumulong si Joshua sa pagpapatuka ng manok samantalang si Adrian at Angelo ay nanguha na ng mga itlog sa katabing kulungan.
" Matagal na po kayong nagtatrabaho dito?" tanong ni Joshua kay Mang Abeng habang nagpapatuka sila ng mga manok. " Tagarito din po kayo sa Puerto Vicente?"
" Taal akong tagarito. Dito na ako ipinanganak at pati ang mga magulang ko ay tagarito din."
"Ganun po ba. Si Dr. Robert po taal ding tagarito?" tanong uli ni Joshua.
" Hindi. " sagot ni Mang Abeng. " Ilang taon pa lang siyang naninirahan dito. Nakabili siya ng mga lupa dito at pinatayuan niya nitong bahay. Tuwing umuuwi siya galing Amerika ay dito siya tumutuloy."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
PrzygodowePaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...