Nakailang ikot na si Adrian sa lugar kung saan niya iniwanan si Diana ngunit hindi niya ito makita.
" Saan kaya nagpunta ang babaeng iyon?" nagkakamot ang ulong tanong ni Adrian sa sarili. " Saglit ko lang iniwan, nawala na agad."
Habang naghihintay kay Adrian ay dalawang lalaki ang napansin ni Diana na paparating at tila doon dadaan malapit sa kanyang kinaroroonan. Mabilis siyang humawak sa isang puno at agad na naglaho.
Malayo pa lang ang dalawa ay dinig na niya ang kanilang pag-uusap.
" Bakit daw tayo pinababalik dun sa kubo?" tanong ng isang lalaki.
" Halinhinan tayong magbabantay sa lumang mapa." sagot ng isa pang lalaking kasama nito. " Bilin ni Ka Dencio ay huwag iiwanan na walang bantay ang pinagtataguan ng mapa."
" Bakit hindi nila dalhin na lang ang mapa para wala na tayong babantayan?''
" Hindi nga daw puwede. Kapag nakuha sa kanila ang mapa, lagot tayo pare-pareho, samantalang kapag nandoon sa kubo ang mapa, ligtas ito doon. Wala namang mag-aakala na sa isang maliit na kubo lang nakatago ang isang napaka-importanteng bagay."
" Sabagay tama ka pare. Kapag may nangyari doon sa mga lider natin, nasa atin pa rin ang mapa. Saka may sasabihin pa daw si Ka Dencio tungkol sa pangalawang mapa."
" Hindi pa sigurado 'yun. May hinala pa lang sila na isa sa mga nakatira ngayon sa malaking bahay ay isa ring kamag-anak ng Kuatro Mayores. Maaaring nasa kanya ang isa pang mapa."
" Mahusay talaga si Ka Dencio. Akala ko noon, habambuhay na tayong kakaba-kaba na baka isang araw ay may dumating na totoong may-ari ng ating mga lupa at palayasin na tayo dito. Ngayong isa-isa na nating nakukuha ang mga mapa, kahit papano ay nakakatulog na ako ng mahimbing sa gabi."
" Dapat lang na makuha ni Ka Dencio ang lahat ng mga lumang mapa. Sabi ng tatay ko, tayo ang sumasagot sa lahat ng gastusin ni Ka Dencio mula noon pa. Sayang naman ang mga pinaghirapan natin kung mauuwi lang sa wala."
Nang makalampas ang dalawang lalaki ay lumitaw si Diana sa tabi ng isang puno malapit sa dinaanan ng dalawa.
Narinig niya ang pinag-usapan ng dalawa at tiyak niyang ang binabanggit na mapa ay ang lumang mapa ng Puerto Vicente.
Hindi kaya ang mga taong iyon ang may kinalaman sa pagkamatay ni doktora?
Sino si Ka Dencio?
Iisa lang ang paraan para masagot ang kanyang mga katanungan.
Mabilis na sinundan ni Diana ang dalawang lalaki.
Pabalik na sina Angelo mula sa pagkuha ng dalugdug. Hindi nito maitago ang sobrang sayang nararamdaman dahil sa kanilang nakuha.
" Josh, ito lang pala ang sinasabi nilang dalugdug," sabi nito habang hawak ang ilang piraso. " Meron sa amin nito pero hindi dalugdug ang tawag, at hindi rin sumasabog."
" Sabi nga ni Queenie, dito lang sa Bundok Mari-it makikita ang ganyang klase ng dalugdug." sagot ni Joshua. " Ano pala tawag ninyo diyan?"
" Tawag sa amin nito ay kalumbibit," sagot ni Angelo. " Ganitong-ganito ang itsura. Tinutuhog pa namin ang mga buto at ginagawang kuwintas. Kapag natuyo kasi ito ay makintab na parang pinakinis na kahoy. Dadamihan ko nga sana ang kukuhanin kaya lang medyo mahirap na sa bandang dulo kasi matinik yung mga sanga."
" Hindi naman kailangan damihan kasi aradayon naman ang lalagyan natin, "sagot ni Joshua. " kahit ilang piraso lang puwede na."
" Sabagay, tama ka." sagot ni Angelo. " kapag dinamihan mo ang ilalagay dito sa supot, masyadong bubukol. Mahirap ibulsa at masyadong halatain. Problema ko pa kung saan ako kukuha ng tirador para magamit ito."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
AventuraPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...