Inabutan ni Queenie na takot na takot na na tumatakbo ang dalawang mangangahoy habang hinahabol ng mga maranhig.
Akma na sanang susugod si Queenie upang tulungan ang dalawa ng mapansin niya ang dalawa pang maranhig na lumiligid sa kabilang bahagi upang salubungin ang tumatakbong mga mangangahoy.
Napatigil si Queenie dahil sa nakita. Hindi likas sa mga maranhig ang mag-isip ng paraan kung paano mahuhuli ang kanilang bibiktimahin.
Basta na lang nila ito hinahabol hanggang sa abutan nila ito.
Iisa lang ang ibig sabihin ng kanyang nakita.
May nag-uutos sa mga maranhig sa kanilang gagawin.
Nagkubli si Queenie sa likod ng isang puno at pinagmasdan ang paligid.
Kasunod ng mga maranhig na humahabol sa dalawang tao ay nakita niya si Takoy at iba pang mga maranhig na kasama nito.
Nakilala agad ni Queenie si Takoy. Ito ang enkantadong nakalaban nina Joshua. Ang Tagabuhi na nagpunta dito upang tulungan ang kanyang kalahi na naninirahan dito.
Tama nga si Diana. Sa halip na matakot sa kanila ay hindi ito umalis at nanatiling tumutulong sa kaniyang kalahi at ngayon ay hayagan ng umaatake sa mga tao. Dumagdag pa ito sa kanilang mga magiging kalaban.
Nag-isip si Queenie ng paraan kung paano matutulungan ang dalawang taong hinahabol ng mga maranhig na hindi siya mapapansin ng Tagabuhi.
Kailangan niyang makagawa ng mabilis na paraan. Malapit ng abutan ang dalawa at sigurado siyang lalapain ito ng mga humahabol na maranhig at sa sandaling mangyari iyon, madadagdagn na naman ang mga maranhig ng Tagabuhi.
Bahagyang umatras si Angelo ng makitang mabilis na sumusugod ang mga maranhig habang dinudukot ang bulsa.
Dahil sa mabilis na pagsugod ng mga maranhig ay nagdalawang isip siya kung haharapin ba ang mga ito o tatakbo na lang para makaligtas.
Hindi niya itinuloy ang pagdukot at sa halip ay kinapa na lang ang bulsa at nagbabakasakaling may makapang nakaumbok doon.
Wala.
Wala talaga ang mga dalugdug.
Mabilis na pumihit si Angelo at kumaripas na ng takbo kasunod ang mga humahabol na maranhig.
Habang tumatakbo ay naalala niya ang sinabi ni Queenie kaninang nagsasanay sila.
Kailangan niyang maniwala na nasa kanya ang dalugdug.
Parang napakadali lang gawin ngunit sa sitwasyong ganito kung saan nakataya na ang kanyang buhay, hinid niya maiwasan ang magduda sa sarili.
Paano kung hinarap niya ang mga maranhig at pagkatapos ay hindi lumitaw ang dalugdug?
Sigurado siyang pinapapak na siya ngayon ng mga maranhig.
Kapag ganito naman na inisip niyang wala ang dalugdug at tumakbo naman siya, makakaiwas siya ng panandalian sa tiyak na kapahamakan.
Ngunit hanggang kailan?
Kapag napagod siya ay sigurado siyang aabutan siya ng mga ito.
Panandalian lang ang kanyang kaligtasan at parehas lang ang kanyang magiging kapalaran kung hinarap niya ang mga ito.
Ang maging biktima ng mga maranhig.
" Parang na delay lang ang kamatayan ko dito sa ginawa kong pagtakbo. Pagod ka na, patay ka pa!" wika ni Angelo sa sarili. " Kung haharapin ko ang mga ito at lumabas ang dalugdug, patay sila. Kapag hindi lumabas, yari ako."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Maranhig (Book III)
AventuraPaano mo papatayin ang isang patay na? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Joshua at Angelo sa lugar kung saan ang kanilang makakalaban ay mga buhay na patay! Pinaghalong, adventure, fantasy and suspense kaya siguradong magugustuhan ninyo...