~Gapo POV~
Nakangiting napapailing nalang ako habang nagmamaneho. Sinusulyapan ko siya sa Rearview mirror. Hindi kasi maipinta ang mukha ng kasama kong nakaupo sa backseat at nakahalukipkip. Nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Ramdam ko yung inis niya sakin.
Parang lumuwa yung mata niya kanina nang makita ako. Pinigil ko lang talaga na huwag matawa. Hindi niya kasi alam na ako ang kinuha ng Dad niya na maging PA. Kailangan ko kasi talaga ng trabaho lalo na at natanggal ako bilang Lifeguard sa resort... at alam kong siya rin ang dahilan nun.
Si Nay Remy ang nagrekomenda sakin kay Sir Albert. Akala ko nga nung una napakastrikto niya pero nung nakausap ko na siya, nakagaanan ko kaagad ng loob. Nung una, nag-alangan pa ako kung tatanggapin ko yung trabaho, pero sa tuwing naaalala ko siyang nagsusungit sakin, napa-OO ako. Ewan ko ba.
Simple lang naman ang gagawin ko. Driver slash PA slash Bodyguard. Irereport ko lahat ng gagawin niya sa Daddy niya at kung saan siya nagpupupunta. Tinanggap ko na ang trabaho dahil narin sa kapalit nun...
~flashback~
Papunta na ako sa Mansion ng mga Sandoval-Williams para makausap si Sir Albert tungkol dun sa inaalok niyang trabaho. Nagpapasalamat talaga ako kay Nay Remy. Kung hindi dahil sa kanya, wala parin akong trabaho hanggang ngayon.
Habang naglalakad ako ay may humintong puting sasakyan. Unti-unting bumukas ang bintana at dumungaw ang isang lalaki na may asul na mga mata. Si Sir Albert.
"Magandang araw ho..." Nakangiti kong bati sa kanya.
"Magandang araw rin sayo. Ikaw siguro si Gapo." Seryosong tugon niya.
"Ako nga ho." Tipid kong sagot.
"Sumakay kana. Marami tayong dapat pag-usapan." Bumaba ang driver at pinagbuksan ako. Naiilang man ay sumakay na ako at katabi ko pa si Sir Albert.
Tahimik lang kami hanggang makarating sa Mansion nila. Masaya akong sinalubong ni Nay Remy ng yakap. Dumiretso narin kami ni Sir Albert sa may veranda nila. Magkaharap kaming nakaupo sa pabilog na mesa.
"Mukhang matagal na kayong magkakilala ni Manang Remy ah." Pahayag niya. Kahit medyo may edad na siya ay hindi parin nawawala ang gandang lalaki niya.
Nakuha niya ang mga mata ng kanyang ama... pero sa ugali??? Malabo ata.
"Matagal na po. Bata palang ako, kilala ko na si Nanay Remy. Palagi ko po siyang binibisita dito. At kapag maganda po ang huli namin eh dinadalhan ko po siya ng mga sariwang isda. Pangingisda po kasi ang hanapbuhay namin." Kwento ko.
Napakunot-noo siya. "Ilang taon kana ba? Hindi kaba nag-aaral??"
"Bente napo ako. Nakapagtapos po ako ng highschool pero hindi napo ako nakapag college dahil narin po sa hirap ng buhay. Tinulungan ko nalang po ang mga magulang ko sa pagtatrabaho para maituloy ng mga kapatid ko yung pag-aaral nila." Isang pilit na ngiti ang ibinigay ko sa kanya.
Hindi naman ako nagsisisi na huminto ako sa pag-aaral kasi alam kong makakatulong ako sa pamilya ko lalo na sa mga kapatid ko.
"Wala ka bang balak bumalik sa pag-aaral??"
"Syempre meron po. Nag-iipon lang po ako para maituloy ko yung pag-aaral ko. Mahihirapan po sina Inay at Itay pag nagsabay-sabay kami. Pag nakapag-ipon nako, saka napo ako mag-aaral." Paliwanag ko.
Sandaling namayani ang katahimikan. Nakatitig lang siya sakin na parang kinikilatis ako at napatango pa ng tatlong beses.
"Very well... Nabanggit ka sakin ni Manang Remy at alam kong nangangailangan ka ng trabaho ngayon." Medyo naging seryoso ang mukha niya. "Gusto kitang kuning PA ng anak ko."
BINABASA MO ANG
Vencamino Elizalde Series: The Lost Heir
RomanceNamulat na si Gapo sa simpleng buhay. Makulit, maloko, pero mahal ang kanyang pamilya. Ang tanging pangarap lang niya ay makapagtapos at matulungan ang kanyang mga magulang. Sa murang edad batak na ang katawan sa trabaho at papasukin ang anumang rak...