Ikalima

5 1 0
                                    


Maagang bumangon ang dalaga kinabukasan. Napansin niyang mahimbing pa ang tulog ng ina, kaya dahan-dahan ang naging pagkilos niya. Isinangag niya ang tirang kanin kagabi at nagprito ng itlog. Nang kumulo ang ininit na tubig, isinalin ito ng dalaga sa thermos saka dinala sa hapag kainan. Kasalukuyang inihahanda ng dalaga ang mga plato ng bumaba ang ina galing sa kwarto sa ikalawang palapag. Nakaligo na at bihis na rin ito.

"'Ma, gigisingin ko na po sana kayo. Kain na po tayo. Hindi po ba kayo pupunta sa palengke?" Wika ng dalaga.

Napuna kasi ng dalaga, na iba ang suot nito kumpara sa pangkaraniwan nitong isinusuot kapag magtitinda.

"Hindi. Tumawag ako kay Trining at ibinilin kong siya na muna ang bahala sa mga paninda namin." Kaibigang matalik ng ina ang tinutukoy nito, "sinabi kong sasama ako sa iyo sa paghahanap ng malilipatan natin. Sa takbo ng pangyayari, hindi ko na gugustuhing magtagal pa dito. Minahal ko ang lugar na ito, dahil dito kami nagsimula ng Papa mo, pero kung isa ito sa magiging dahilan ng pagiging miserable ng buhay nang nag-iisa kong anak ... " seryosong wika nitong medyo pumiyok pa, kaya hindi na natapos ang sinasabi.

Niyakap naman ng dalaga ang ina saka bumulong,

"Magiging maayos din ang lahat, Mama." Usal ng dalaga sa malungkot na tinig.

"Naku, ke aga-aga. Tama na nga ang drama. Kumain na tayo at ng makaalis na agad tayo. Kung papalarin tayo, baka bukas lang eh makalipat na tayo." Pabale-walang turan ni Rebecca.

Nàgsimula na silang kumain. Nang makatapos, itinaboy ni Rebecca ang dalagang mag-ayos na at inako na niya ang pagliligpit ng pinagkainan nila palibhasa'y nakaayos na ito. Agad namang sumunod ang dalaga sa utos ng ina.

Minadali ng dalaga ang pagligo at pagbibihis. Pababa na siya ng marinig na may kausap ito. Kinabahan ang dalaga dahil baka may kaaway na naman ito. Laking gulat ng dalaga ng mabungaran si Gideon sa kanilang munting sala. Ito pala ang kausap ng ina. Bagaman nakahinga ng maluwag ang dalaga, ipinagtaka niya kung bakit ke aga-aga'y naririto ang binata ni Nanay Rosing.

"Gideon Asher, anong ginagawa mo dito ng ganito kaaga?" Seryosong tanong ng dalaga.

Hindi naman siya galit, manapa'y nagtataka kung bakit ito napasugod ng ganito kaaga.

"I've texted and called you last night, pero wala kang paramdam. Akala ko'y kung ano nang nangyari sa inyo ni Tita." Kunut noo namang sagot nito sa dalaga.

"Pasensya na, nakasilent pala ang cellphone ko." Hinging paumanhin ng dalaga ng bisitahin ang cp nya. "Bakit ka nga nandito? May problema ba?"

"Wala nga. Nag-alala lang ako sa inyo. Tama ang desisyon ninyong lumipat na lang ng tirahan." Seryosong sagot ng binata.

"Anak, sasamahan daw niya tayong maghanap ng malilipatan. Naikwento ko kasi ang napagdesisyunan natin kagabi. Kung wala daw tayong magustuhan sa mga titingnan natin, iniaalok niya iyung apartment nila malapit sa palengke. Naisip kong mas okay na iyon kaysa kung sa ibang lugar pa tayo hahanap. Ganoon din naman ang magiging byahe mo kung sakali. Mas mapapalapit pa ang byahe mo. Mas kombinyente sa ating dalawa."

Hindi nakakibo ang dalaga. Ang totoo, gusto niya iyon para sa ina dahil hindi na ito mahihirapan sa pagparoo't parito sa palengke. Alam naman ng dalagang pag-aari ng pamilya ng binata ang paupahang iyon pero .... nakakahiya although, magbabayad naman sila ng renta pero, ewan nga ba ng dalaga. Mula kagabing mapag-usapan nilang mag-ina si Gideon, noon lang napaglimi ng dalaga ang lahat ng ginagawa ng binata para sa kanya.

"Anak, iyon naman eh kung wala lang tayong mahahanap, ...." Naramdaman yata ng ina ang pag-aatubili ng dalaga kaya biglang bawi ito sa nasabi kanina.

She's GoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon