una

3 1 0
                                    


Witty, Articulate, Smart. Ito ang mga katangian ng dalaga na naiungos niya sa mga kapwa aplikante. Hindi na binalikan ng dalaga ang final interview sa BGC, pakiramdam niya, bagaman kayang kaya niya iyong ipasa, matatalo naman siya sa gastos at pagod, kung sakaling doon siya mamamasukan. Isa pa, para sa dalaga mas established na itong kumpanya na nasa Makati. Pabor din sa kanya na dito sa Makati mamasukan, dahil isang sakay lang buhat sa kanila, samantalang kailangan niyang magtatlong sakay kung sa BGC siya magtatrabaho.

Walang isang buwan pagkagraduate ng dalaga, nagkatrabaho na siya. Ang nobyo ay doon sa sarili nilang kumpanya nagtrabaho.

Bago sila grumadweyt, pinagtalunan din nila kung saan mag-a-apply ng trabaho ang dalaga. Ang gusto ni Joel, ay doon sa kumpanya ng pamilya nila mag-apply ang dalaga, para daw lagi pa rin silang magkasama, pero mariin itong tinutulan ng dalaga. Katwiran ng dalaga, gusto niyang maestablish ang sariling kakayahan, na hindi niya mapapatunayan kung sa kumpanya ng nobyo magtatrabaho. Syempre hindi papayag ang binata na kung saan lang ipwesto ang dalaga. At iyon ang ayaw mangyari ng dalaga. Hindi na idinagdag ng dalaga, na baka lalo lang siyang insultuhin ng pamilya nito.

__________________

Parang kailan lang, mag-i-isang taon na ang dalaga sa kanyang pinapasukang kumpanya. Naging routine na rin ng dalagang kapag araw ng sabado at linggo o kung wala siyang pasok sa trabaho, tumutulong siya sa kanyang ina sa pagtitinda nito sa palengke. Medyo maalwan na rin kahit paano ang buhay nilang mag-ina. Nauunti-unti na niya ang mga utang nila. Utang na, malaki ang naitulong sa pag-aaral ng dalaga. Naisip niya, kapag nalinis na niya ang utang nila, saka niya ipagpupundar ng sariling  bahay at lupa ang ina. Kung mayroon man sigurong ipinag-aalala ang dalaga sa ngayon, iyon ay ang pagdalang ng pagkikita nila ng nobyo. Ang dating tatlong beses isang linggo ay nauwi sa minsan na lang sa isang linggo. Minsan nga eh hindi pa. At ang gabi-gabing pagtatawagan ay swerte nang maging tuwing ikalawang araw. Aaminin ng dalagang sobra na siyang nangungulila sa nobyo. Iniisip na lang niya, na mas lumalaki ang resposibilidad nito, upang mapagtakpan ang namumuong pagtatampo sa binata. Kaya naman sa tuwing magkakapanahon ito sa kanya'y wala siyang pagsidlan ng tuwa, tulad ng isang araw ng sabado na iyon.

"Ma, hindi po ba kayo magtitinda?" Tanong ng dalaga ng makita ang inang may kinukutingting sa kanilang kusina.

"Naku, napakyaw na agad ang mga paninda ko. Mas maliit nga lang ang kinita ko pero hindi naman ako pagod gaya kung ako ang magtitinda."

"Aba mas okay po ang ganoon, Ma. Hayaan po ninyo, kapag nakabayad na tayo sa mga utang natin, dito na lang kayo sa bahay magtindahan. At iyong pwesto ninyo sa palengke ay pauupahan na lang natin. Konting tiis na lang po Mama ko, maiaahon ko rin po kayo sa hirap." Pangako ng dalaga sa ina. Saka yumakap ditong tila naglalambing. 

Natouch naman ang ina sa sinabi ng anak. Sa isip niya, salat man sila sa yaman, napakaswerte naman niya sa kaisa-isang anak.

"Kumain na po kayo, Ma?" Tanong dalaga.

"Hindi pa, hinihintay nga kita at nang magkasalo naman tayo." Sagot nito sa dalaga.

"Uy, si Mama ... simpleng banat lang." Tumatawang biro ng dalaga.

Madalas kasing nag-o-overtime ang dalaga kaya kung hindi tulog na ang ina pag-uwi niya, madalas na nakakain na ito.

"Ano bang pinagsasasabi mo? Maghain ka na at tayo'y kumain na." Natatawa ring balik ng ina.

Patapos nang kumain ang mag-ina ng tumunog ang cellphone ng dalaga. Nag-excuse ito sa ina,  saka may pagmamadaling sinagot ito.

"Hello Joe," sabik na bulong ng dalaga, para pa ngang gusto nitong maluha ng marinig ang boses ng binata sa kabilang linya. Bale ba'y kulang dalawang buwan nang hindi sila nagkikitang magnobyo.

She's GoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon