ikapito

3 1 0
                                    


Naging masaya, makulay at makabuluhan ang bakasyon ng binata. Bagaman hindi pa lubos ang kaligayahan niya, dahil sa hindi tuluyang pagtugon ng dalaga sa kanyang damdamin, mas kuntento at kampante siya ngayong babalik sa trabaho sa ibang bansa. Ramdam ng binatang, kahit paano, malaki ang naging tulong niya para unti-unting makabangon ang dalaga. Bakit nga ba kapag masaya ka'y napakadali ng mga araw. Parang kailan lang noong umuwi siya para magbakasyon, bukas ay aalis na naman siya. Parang napakadali ng tatlong buwan. Tatlong buwan na, babalik-balikan niya, para kumpletuhin muli ang panibagong isang taong kontrata. Chief Mechanic ang binata ng mga makinarya sa isang progresibong kumpanyang nagpoproduce ng mga gatas at kesong idinidistribute sa iba't ibang panig ng mundo. Tapos ng kursong Mechanical Engineering ang binata at isa sa nanguna sa board at sa buong batch nila.

May padespedida ang mga kapatid ng binata para sa kanya. Ganoon naman sila sa tuwing aalis ang binata, sa kagustuhan na rin ng ina. Dito sa condo ng binata ginawa ang despedida para malapit na ang maging byahe papunta sa airport. Kumpleto ang pamilya nila. Kahit si Krizzie ay narito. Masaya na sana ang binata pero bago magsimula ang pagtitipon ay dumating si Krizzie at sinabing hindi makakarating si Julianna dahil may sakit ang ina nito. Iyon pa naman ang kaisa-isang piping hiling ng binata bago siya umalis, ang makapiling magdamag ang dalaga. Maaga kasi ang flight niya. Gusto sana niyang mayakap man lang ito bago siya umalis. Gustung-gustong magpaalam ng binata na sasaglitan nito ang dalaga pero hindi pumayag ang ina nitong si Nay Rosing. Walang nagawa ang binata kundi ang magmukmok sa isang tabi. Kaya hindi niya napansin ng lapitan siya nina Krizzie at Marco at may iabot na cellphone sa kanya.

Nagtatanong itong tumingin sa magnobyo bago kinuha ang cellphone. "Hello, ... " hindi natapos ng binata ang sasabihin dahil sa narinig na tinig sa kabilang linya.

"Asher, sorry hindi ako nakarating. Nilagnat kasi si Mama. Hindi ko siya maiwan. Nandito naman si Tati, kaya lang ... "

"It's okay, Liana. At least, nakausap kita bago ako umalis. Iniwan ko iyong laptop ko kay Krizzie para ibigay sa iyo. Promise me, mag-uusap tayo sa skype or facetime or sa messenger. Hintayin mo ako ha. Hihintayin mo ako, di ba?" Animo batang samo ng binata sa dalaga.

"Oo, sinabi mo eh! Mag-iingat ka doon ha? Saka sana, bawasan mo ang mga fling mo. Bahala ka, baka makarma ka." Biro din ng dalaga.

Marami pa silang napag-usapan na akala mo magkatabi lang sila. "Sige na, magpahinga ka kahit saglit lang," taboy ng dalagang nalulungkot sa pag-alis ng binata.

Nasanay na kasi siyang araw-araw itong kasama. Lagi itong nakaalalay sa kanya. Palagi din siya nitong sinusundo sa trabaho. Lagi siyang ipinapasyal kung saan-saan, kapag may pagkakataon. Minsa'y kasama pa nila ang magnobyo. Hindi na nga niya iniinda ang sakit ng paghihiwalay nila ng dating nobyong nabalitaan niyang ikakasal na rin.

"Gusto pa kitang makausap eh. Mamimiss kita." ungot ng binata.

"Mamimiss din naman kita. Basta promise, magbibehave ka doon ha," pumipiyok na bilin ng dalaga.

"Liana, ... ?"

"Sige na, bye!" Paalam ng dalaga saka inioff ang cellphone.

"Bakit hindi mo siya puntahan?" Tanong ng ina ng dalaga.

Hindi naman malubha ang sakit nito, simpleng lagnat, sipon at ubo lang, pero iyon ang ginawang dahilan ng dalaga upang hindi pumunta sa despedida ng binata.

"Mama, ... naguguluhan po ako. "

"Itanggi mo man o hindi pero namimiss mo na siya. Nasanay ka na sa presensya nya, di ba? Nahuhulog na ang loob mo sa kanya."

She's GoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon