KALAHATING oras na mula nang iwan nina Lavander sina Blue at Blaine upang makapag-usap. Ginamit nila ang mga oras na iyon upang hanapin pa kung mayroon pang natitira sa kanilang section. Ngunit nabigo silang makahanap ng kahit na isa man lang sa mga ito.
Habang naglalakad sila pabalik sa dalawang kaklase ay bigla nakaramdam ng paninikip ng dibdib si Lavander. Para sa kanya'y isa itong senyales na may hindi magandang nangyayari.
"Kailangan na nating magmadali. May hindi ako magandang nararamdaman..." Diretso niyang sabi sa mga kasama. Inunahan na niya ang mga ito sa paglalakad kaya't mas lalong nagmadali ang mga ito.
Nang makabalik na sila sa eksaktong lugar kung saan nila iniwan ang dalaga ay laking gulat nila nang makitang wala na itong buhay. Wala na rin si Blaine at ang tanging naroon na lang ay ang bangkay ni Blue at ang lubid na ginamit upang ipangtali kay Blaine.
Unang kinabahan si Lawrence. Hindi niya kasi sinabi sa mga kasamahan na palihim niyang ibinigay kay Blue ang baril na nakuha nila kay Blaine upang maipangdepensa nito kung sakali mang may gawing hindi kanais-nais ang binata sa kanya. Dali-dali niyang pinuntahan ang bangkay ni Blue upang hanapin dito ang baril.
"Lawrence, a-anong hinahanap mo?" Malungkot na tanong ni Ashley habang iniiwasang tingnan ang bangkay ni Blue.
"'Yung baril! Ibinigay ko kay Blue 'yung baril!" Halos manikip ang dibdib nilang lahat ng isigaw iyon ng binata.
"Kailangan na nating makaalis dito!" Bulalas ni Lavander. Hindi naman agad nakakilos ang lahat kaya't mabilis na lumabas si Blaine na nakikinig lamang sa usapan ng mga kaklase.
"Hello, classmates!" Sigaw ni Blaine saka itinutok sa mga kaklase ang baril. Hindi na nagawa pang makakilos ng mga ito at ang tanging ginawa na lang nila ay ang itaas ang dalawa nilang kamay.
Mangiyak-ngiyak sina Elinah at Ashley habang pinagmamasdan sila ni Blaine. Ngunit hindi napangunahan ng takot si Ashley kaya't sinubukan niyang tumakbo. Ibinuhos na niya ang lahat ng lakas niya sa pagtakbo.
"Sinabihan ba kitang tumakbo?!" Sigaw ni Blaine at sinubukan na niyang paputukan ang dalaga. Mabuti na lamang at maraming mga puno roon at hindi na niya natamaan pa ang dalaga.
Naiwan sina Lavander, Alexandre, Lawrence, at Elinah. Gustuhin man nilang tumakbo pero masyado nang malapit si Blaine sa kanila at nakatuon na ang atensyon nito sa kanilang apat.
"Sige, subukan niyong tumakbo. Kapag hindi ko kayo natamaan, e di... Magaling! Pero kung minalas ka... Sorry na lang!" Sa sinabing iyon ni Blaine ay nagkatinginan silang apat. Wala nang may balak pang tumakbo dahil ang tanging nakikita na lamang nila sa mata ng bawat isa ay takot.
Pero lingid sa kaalaman nila na may balak palang tumakas si Alexandre. Dali-dali siyang tumakbo papalayo sa mga kaklase ngunit ilang hakbang pa lamang siya nang matamaan siya ng bala ni Blaine sa kanyang batok. Agad siyang bumagsak sa lupa at tumama pa ang ulo niya sa isang malaking batong nasa gitna ng kanyang dinaraanan.
"Alex!" Tila isang batang naagawan ng kendi na umiyak si Elinah nang makita niya ang nangyari sa binata. Hinawakan siya ni Lavander sa balikat upang pakalmahin.
"Huwag ka nang umiyak, Elinah. May hangganan din ang lahat ng 'to." Sambit ni Lavander habang nakatingin nang masama kay Blaine. Nginitian pa siya nito at sa kanya naman niya itinutok ang baril.
"May nagbabalak pa ba sa inyong tumakas?" Wika ni Blaine habang nakatutok na sa tatlo ang baril. Walang nangahas na magsalita sa kanila.
Nang tuluyan nang makalapit si Blaine sa kanila ay itinutok na niya sa ulo ni Lavander ang baril. Inilapat niya iyon sa noo ng dalaga upang takutin ito.
"Ano, Lavander? Gusto mo na bang sumunod kay Ian?" Nang-iinis na tanong ni Blaine. Napapikit na lamang ang dalaga. Kung anuman ang kahitnan nito ay sigurado siyang nakaplano ang lahat. Alam niyang mayroong mas magandang plano ang Diyos para sa kanila.
"O, baka naman gusto mo nang mauna... Lawrence?" Sambit ni Blaine. Pagkatapos ay sa binata naman niya itinutok ang baril. Gaya ni Lavander ay napapikit na lang din siya. Kung ito na nga ang katapusan niya ay handa siyang tanggapin ito nang buong puso.
"Pero mas gusto kong unahin ka, Elinah. Hindi ba't tuwang-tuwa ako sa 'yo?" Wikang muli ni Blaine at kay Elinah naman niya itinutok ang baril. Hindi napigilan ng dalaga ang kanyang mga luha kaya't napaiyak na lamang siya. Tuwang-tuwa naman si Blaine habang pinagmamasdan ang pagdurusa ng mga kaklase.
Kailangan nang kumilos nina Lavander at Lawrence habang wala pa ang atensyon nito sa kanila. Isa lamang ito at tatlo sila. Tiyak na wala itong laban kapag napagtulungan na nila ito.
Nagkatinginan sina Lavander at Lawrence habang umiiyak si Elinah. Nakatuon ang atensyon ni Blaine sa pag-iyak ni Elinah kaya tiyak na kapag inatake nila ito'y siguradong wala itong laban.
"Lord, Kayo na pong bahala sa akin..." Iyon na lamang ang ipinagdasal ni Lawrence bago niya tuluyang nilapitan si Blaine upang makipag-agawan ng baril dito.
Sinuntok ni Blaine sa likod si Lawrence nang paulit-ulit ngunit hindi ito nagpatinag. Hindi pa rin ito bumitaw sa baril at ito naman ang tumuhod sa sikmura niya. Nakaramdam siya ng sakit ngunit kailangan niyang maging matatag kung ayaw niyang mabalewala ang lahat ng paghihirap niya.
Hindi rin nagpapigil si Lavander at nilabas na niya ang lahat ng galit niya sa binata. Lumapit na rin siya sa dalawa at tumulong sa pagsuntok at pagsampal sa binata.
"Para ito sa ginawa mo kay Ian!" Halos lumabas ang litid niya sa sobrang pagsigaw. Nawala ang pagkahinhin ng dalaga at sinuntok niya sa mukha si Blaine. Hindi na ito nakapalag pa dahil hawak-hawak ni Lawrence ang dalawa niyang braso at nakikipag-agawan pa rin ito para sa baril.
"Ito naman ay para sa buong section natin!" Isang suntok ulit sa mukha ang iginawad ni Lavander sa binata.
"At ito namang huli ay para sa kapalpakan ng plano mong mapatay kaming lahat!" Bumwelo pa ang dalaga at huminga nang malalim bago niya buong puwersang sinuntok sa mukha ang binata. Nang dahil sa ginawa niyang iyon ay nakaramdam na ng hilo ang binata kaya't nabitawan na niya ang baril. Mabilis iyong pinulot ni Lawrence.
Nang mabitawan na nila ang binata ay kitang-kita nila ang pagkahilo nito. Nakayuko itong naglakad nang pagewang-gewang. Ang hindi nila alam ay palihim na nitong kinukuha ang kutsilyong nasa kanyang tagiliran.
Nanlaki ang mga mata ni Lawrence nang makita niya iyon at awtomatiko siyang napahawak sa baril. Itinutok niya iyon kay Blaine at nang hugutin na iyon ng binata ay saka lamang niya kinalabit ang gatilyo ng baril. Tinamaan sa dibdib si Blaine. Unti-unting lumabas ang dugo sa kanyang bibig. At ilang saglit pa'y bumagsak na siya sa lupa at binawian ng buhay.
Dali-daling tumakbo si Lavander papunta kay Lawrence upang kunin ang baril. Itinutok niya iyon sa ulo ng binata at pinaputok iyong muli.
"Nadala na ako..." Sambit niya bago niya tuluyang binitawan ang baril. Hinihingal siyang napaupo sa damuhan habang nakangiti naman siyang pinagmamasdan nina Lawrence at Elinah.
BINABASA MO ANG
Death Camp (COMPLETED)
Mystery / ThrillerSomething from your nightmare will come to visit your reality... The hideous killings... The freakish shows... The unimaginable events... Forty-six students from different places... Will unite... To complete the class that has always been different...