Chapter Thirty - He's Back

450 13 2
                                    

"MABUTI na lang at nadala ninyo kaagad siya rito dahil kung hindi ay paniguradong patay na siya sa mga oras na ito. Muntikan nang maapektuhan ang puso at isip niya, maraming salamat sa tulong ninyong dalawa at paniguradong may gantimpalang maibibigay para sa inyo ang nasa itaas." Wika ng doktora paglabas nito ng emergency room.

"Sana pera ang tinutukoy niya..." Bulong ni Kenneth, pagkasabi niya noon ay agad siyang siniko ni Richard sa kanyang tagiliran.

"Huwag kang maingay. Masisira plano natin niyan, e." Pasimple niyang sabi sa kasama. Agad na ring nagpaalam sa kanila ang doktora at nagdire-diretso na ito sa isa pang kuwarto.

"E paano 'yan, maghihintay pa tayo na puntahan 'yan ng mga magulang niya?" Wika ni Kenneth.

"Pare, wala tayong choice. Ideya mo 'tong lahat, hindi ba? Maghintay na lang tayo sa grasya." Seryosong sabi ni Richard.

"At saka, papunta na rin naman daw 'yung tito niya. Paniguradong matutuwa 'yon na tinulungan natin ang pamangkin niya." Dagdag pa niya. Umupo na sila papunta sa isang pahabang upuan malapit sa emergency room.

Maya-maya pa'y isang lalaking nakakulay pulang longsleeves ang nagpalinga-linga sa kanilang harapan. Tila mayroon itong hinahanap ngunit hindi nila iyon matiyak. Nasa singkuwenta na rin siguro ang edad nito at katamtaman lamang ang tangkad. Seryoso ang mukha nito at mukhang hindi marunong magbiro.

"Ah, boss? May hinahanap po ba kayo?" Lakas-loob na sambit ni Kenneth. Tiningnan siya nito nang masama, kaya't nakaramdam siya ng kaunting kaba.

"Si Blaine Randy Tagle ba ang binatang nasa loob nitong emergency room?" Tanong nito.

"Kung siya man po iyong lalaking nalason, oo. Nasa loob po siya ng emergency room. At kami nga po pala 'yung tumawag sa inyo. Nakita po namin ang number niyo sa wallet niya." Sagot ni Kenneth.

"Salamat sa inyo. Tanggapin ninyo itong maliit na halaga kapalit ng pagtulong ninyo sa pamangkin ko..." Wika nito habang may kinukuha mula sa kanyang bulsa. Agad na nagkatinginan ang dalawang binata. Mukhang nagkatotoo nga ang plano ni Kenneth.

Iniabot na kay Richard ang makapal na tig-iisang libong piso. Nakatupi lamang ito sa gitna at mukhang bago pa ang mga perang ito. Tama rin pala ang tantiya nila na mula sa isang mayamang pamilya ang binatang tinulungan nila. Makatatakas na sila sa mga kasamaang ginawa nila at maninirahan na sila sa ibang bansa.

"Pasensiya na kayo, limampung libong piso lamang iyan, hindi pa sapat na kabayaran sa buhay ng pamangkin ko. Pero kung kailangan pa ninyo ng pera, tawagan niyo lamang ulit ako. Maraming salamat ulit sa inyo." Kahit na bakas ang saya sa mukha nito ay hindi pa rin mawala ang pagiging malalim ng boses nito na nagbibigay sa kanya ng impresyong nakakatakot.

"Hindi po, sapat na po ito. Salamat po. Siguro po ay maaari na po kaming makaalis?" Nahihiyang sabi ni Kenneth. Nakangiti pa siya habang nagsasalita.

"Sige, ako na ang bahala sa kanya. Gusto niyo pa bang ipahatid ko kayo sa driver ko?" Wika ng tiyuhin ni Blaine.

"Ay, hindi na po! Malaki na po itong tulong sa mga pamilya namin. Pasensiya na po at hindi na namin ito tinanggihan. Sige po, aalis na kami." Wika ni Kenneth at agad na silang umalis sa ospital.

Nang mawala na sa paningin ng nagpakilalang tito ni Blaine ang dalawang lalaki ay muling nagbalik ang seryoso at nakakatakot nitong awra. Umupo siya sa mahabang upuan na kanina'y inuupuan ng dalawa.

"Mga mukhang pera..." Sambit niya sa kanyang sarili. Isa siya sa mga tauhan ng binata at hindi niya ito kaanu-ano. Binayaran lamang siya ng binata upang magsilbing mata niya sa mga magulang ng mga kaklase niya habang nasa camping pa siya. Nasuwertehan lamang at nasa wallet nito ang kanyang phone number.

"Kailangan mong magpagaling, boss. Hindi maaaring mabalewala ang lahat ng pinaghirapan mo." Bulong niyang muli sa kanyang sarili.

***---***

"Hindi ko alam kung tama ba 'tong iniisip ko, pero parang gusto kong balikan si Blaine..." Wika ni Ian. Kasalukuyan sila ngayong naglalakad at hinahanap na rin nila ang iba pa nilang mga kaklase.

"Huwag mo ngang sabihin 'yan, Ian! Demonyo siya at tama lang na nangyari sa kanya 'yon!" Sigaw ni Lavander, ngunit hindi na siya pinatulan pa ng binata.

"No, na-misinterpret mo lang ang sinabi ko. Gusto ko siyang balikan dahil gusto kong makasiguro na patay na siya." Pagpapaliwanag ni Ian.

"Sang-ayon ako sa sinabi mong iyan. Kahit alam kong nakamamatay ang mga butong iyon, hindi pa rin ako dapat makampante dahil matagal mamatay ang masamang damo." Dagdag ni Kit.

"Alam niyo, kayong dalawa, sana kanina ninyo pa 'yan sinabi! Siguro hindi pa nasayang ang natitira nating lakas 'di ba?" Naiinis na sambit ni Lavander.

"Kumalma ka nga! Ngayon lang kami nakapag-isip nang maayos matapos ang ilang oras, okay?!" Hindi na nakapagpigil pa si Kit at nabulyawan na niya ang dalaga. Hindi na ito nakaimik pa at inirapan na lamang siya nito.

Agad nang naglakad pabalik ang tatlo upang balikan ang katawan ni Blaine na iniwan nilang nakabulagta sa damuhan. Lingid sa kaalaman nilang tatlo na wala na roon ang binata at dalawang lalaki ang tumulong dito.

***---***

"Bilangin ang mga natirang kasama,
Magtipon kayo't idalangin na sana,
Sana matapos na ang lahat ng lungkot,
Matigil na pati ang galit at poot.

Kulay pulang dugo na sa 'ki'y nagmantsa,
Sa isipa'y nag-iwan na rin ng marka,
Bigyang kapayapaa't katiwasan,
Upang 'di na bangungot ang kahinatnan.

Tumakbo ka na at ikaw ay magtago,
Panatilihing sarado ang 'yong pinto,
Dahil 'pag ako ang nakahanap sa 'yo,
Tiyak na sa impyerno ang hantungan mo."

Sa loob ng isang silid ng ospital, nagpapahinga ang wala pa ring malay na si Blaine. Sa tabi ng kanyang kama ay nakayuko naman ang nagbabantay sa kanyang nagpakilala bilang "tito" niya.

Nabasag ang katahimikan sa apat na sulok ng silid nang bigla na lamang magmulat ang mga mata ng binata. Kasabay nito ang paghinga niya nang malalim. Gulat na gulat ang lalaki sa kanyang natunghayan.

Ilang segundo matapos iyon ay tila nililibot ni Blaine ang kanyang mga mata sa paligid. Iniisip niya kung paano siya nakarating sa lugar na iyon at kung ano ang totoong nangyari sa kanya.

"Itutuloy pa ba natin ang plano, boss?" Bungad sa kanya ng lalaking nagbabantay sa kanya. Natagalan bago nakasagot si Blaine dahil hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari.

"Oo, Peter. Tatapusin ko ang nasimulan ko at wala pa ring makapipigil sa akin! Papatayin ko silang lahat! At sisiguraduhin kong mas maalab ang impyernong ipararanas ko sa kanila!" Sambit ni Blaine na animo'y sinapian na ng demonyo at hayok na hayok makapatay ng tao.

Ilang sandali pa ay napaisip bigla si Blaine. Inalala niya ang bawat eksenang naganap kanina lamang. Doon na lamang niya naisip na ang kakaibang lasa ng saging na nakain niya ang dahilan kung bakit siya muntikan nang mamatay.

"S-si Kit... Si Kit ang hayop na dahilan kung bakit muntikan na akong mamatay!" Bulalas niya. Nakikinig naman sa kanya ang kanang kamay niyang si Peter.

"At siya ang uunahin ko! Siya ang unang makararanas ng mas masiklab kong paghihiganti!" Ubod ng lakas na sigaw niya.

Author's Note:

So, ito na nga! Ang Chapter Thirty! Sobrang tagal ko nang walang update. Pero nung nakita ko 'yung bagong rank (#89 in Mystery/Thriller) ng story na 'to, ginanahan akong mag-update. Haha! Musta naman ang chapter na itu?

Death Camp (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon