NAKALIPAS na ang isang oras at hindi pa rin nakababalik sina Maycee at Pink. Nagsisimula na ring dumilim ang paligid kaya't lalong nakaramdam ng kaba ang kakambal ni Pink na si Blue. Lakad dito, lakad doon. Iyon na lamang ang paulit-ulit niyang ginagawa upang mawala ang kanyang pagkabagot. Ngunit kahit ano pa sigurong gawin niya ay hindi na niya matatakasan pa ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso.
"Diyan lang kayo. Susundan ko sina Ate!" Hindi na nagawa pang pakinggan ni Blue ang mga sasabihin ng kanyang mga kaklase at agaran na niyang nilisan ang mga ito. Isang kawayang aabot lamang ng isang metro ang dala niya upang ipangprotekta sa kanyang sarili laban sa mga masasamang tao na maaari niyang makasalubong, ngunit hindi siya nito napigilan upang iligtas ang kanyang kapatid.
"Blue! Huwag ka nang magpumilit pa! Hintayin na lang natin silang makabalik!" Kontra ni Kirsley, ngunit tila isang bingi si Blue na naglakad pa rin papunta sa mas madilim na parte ng kagubatan.
"Kailangan natin siyang samahan!" Wika ni Luke saka dali-daling tumayo upang sundan ang dalaga. Nagkatinginan pa ang ilan sa kanila ngunit napagdesiyunan ding sumunod nina Kirsley at Teri.
"Nasaan na siya? Nakita niyo ba kung saan siya lumiko?" Sa sobrang bilis ng pagtakbo ni Blue ay hindi na nila ito naabutan pa. Napakamot na lamang ng ulo si Kirsley sa sobrang gulat sa bilis ng mga pangyayari.
"Bumalik na lang tayo sa kanila. Wala na tayong ibang choice. Mahirap nang manghula tayo ng daraanan dahil baka tayo pa ang maligaw. At isa pa, dumidilim na. Hayaan na lang natin ang pasaway na 'yon, hindi natin siya masisisi dahil kapatid niya 'yun." Wika ni Teri. Hindi na nakaangal pa sina Luke at Kirsley kaya't bumalik na lamang sila sa mga kasamahan.
***---***
"Si Blaine ang killer?!" Gulat na gulat na sigaw ni Lawrence nang isiwalat ni Ian sa kanilang apat ang buong katotohanan. Pati ang pagkawala ni Anya ay nabanggit niya na rin sa mga ito.
"Shhh! Kailangan na nating magmadali! Sigurado akong hindi palalampasin ng hayop na 'yon ang bawat balang mayroon siya." Saway ni Ian sa binata. Napatahimik na lamang ito habang patuloy sila sa paghahanap sa dalaga.
Habang unti-unting lumulubog ang araw ay lalong nasasanay ang mga mata nila sa paglalakad sa dilim. Kaunting panahon na lamang ang mayroon sila bago pa man tuluyang mahabol ni Blaine si Lavander, kaya't kailangan na nilang magmadali.
***---***
"Guys, hindi na talaga namin siya nasundan. Ang bilis niyang nawala sa mga paningin namin." Wika ni Kirsley pagdating nila sa kanilang pahingahan.
Wala na siyang natanggap pang sagot sa mga kasamahan dahil ubos na ubos na ang kanilang mga enerhiya at mukhang nagsisimula na silang mawalan ng pag-asang may darating pang tulong para sa kanila. Umupo na lamang sa damuhan sina Kirsley, Luke at Teri upang makapagpahinga na rin.
Tila wala namang paki si Violet sa pagdating ng mga kasamahan dahil hindi na niya nagawa pang pakinggan ang mga sinabi nito. Nanatili siyang nakahiga sa damuhan na tila may malalim na iniisip. Hindi na niya alintana pa kung madumihan man ang suot niyang damit. Si Mia nama'y nakaupo malapit kay Kiko habang tinatanggal ang mga duming nakasiksik sa kanyang mahahabang kuko. At nakatali naman si Kiko at nakatingin lamang sa kawalan. Hindi na rin siya kumikilos nang maayos at pansin na pansin ang malikot na pag-ikot ng kanyang ulo.
"Sa tingin niyo, babalikan pa kaya tayo nina Charlie at Hero? Ang tagal na kasi nila masyado. Nakakaimbyerna na, ha!" Wika ni Mia matapos niyang linisin ang lahat ng kanyang kuko.
"Maghintay na lang tayo. Ilang oras pa lang naman mula nang umalis sila." Si Teri na lamang ang naglakas-loob upang sagutin ang dalaga.
Muling tumahimik ang lahat. Ang tanging maririnig lamang ay ang nasusunog na mga dahon at sanga ng puno na nagsisilbing liwanag nila sa mga oras na iyon. Mabuti na lamang at marunong gumawa ng apoy ang ilan sa kanila kaya't kahit papaano'y may ilaw sila sa gabi.
Lingid sa kaalaman ng lahat ay natanggal na pala ni Kiko ang tali mula sa kanyang likuran at naghihintay na lamang siya ng pagkakataon upang atakihin ang mga kaklase. Inikot niya sa buong paligid ang kanyang mga mata at laking tuwa niya nang mapansin ang eksaktong batong ginamit niya sa pagpatay kay Ryeline. Naroon pa rin ang natuyong dugo ng dalaga at ilang piraso ng laman niya.
"Pulutin mo ang bato at ihampas mo sa ulo ni Mia para makita mo na ang pamilya mo. Dali!" Hindi pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Tila isang demonyo ang bumubulong kay Kiko na patayin ang isa pa niyang kaklase. Ngunit wala siyang magawa laban dito dahil lalo lamang sumasakit ang ulo niya.
Nang mapansin niyang hindi na nakatingin sa kanya ang mga kaklase ay agad siya tumayo upang pulutin ang bato. Wala siya sa sarili nang buong lakas niyang ihampas iyon sa ulo ni Mia. Sa sobrang lakas ng pagtama ng bato sa dalaga ay agad itong tumumba sa damuhan. Hindi pa siya nakuntento at paulit-ulit pa niyang pinaghahampas ang ulo ng dalaga hanggang sa tuluyan na itong magpira-piraso.
"Miaaa!" Hindi agad nakakilos sina Luke, Kirsley, Violet at Teri sa sobrang bilis ng mga pangyayari.
Dali-daling tumakbo si Teri habang bitbit-bitbit ang mahabang kawayan na may matalim na dulo upang sugurin ang binata.
"Tama naaa!" Hindi na siya nito napansin pa kaya't isinaksak niya na iyon sa likod ng binata. Sa sobrang bilis ng pagtakbo niya ay bumaon iyon sa dibdib nito. Unti-unti niyang nabitawan ang malaking bato na kanyang hawak at mabilis namang umagos ang kulay pulang likido mula sa kanyang bibig. Ilang segundo pa ang lumipas at tuluyan na siyang bumagsak sa tabi ng wala nang buhay na si Mia.
Hinihingal na napaupo si Teri sa lupa at hindi na niya napigilan pa ang kanyang emosyon. Sunud-sunod na tumulo ang malalaking patak ng luha mula sa kanyang mata. Magkahalong lungkot at galit ang namutawi sa kanyang puso at ang kahilingan na sana'y isang mahabang bangungot lamang ang lahat ng ito.
BINABASA MO ANG
Death Camp (COMPLETED)
Mystery / ThrillerSomething from your nightmare will come to visit your reality... The hideous killings... The freakish shows... The unimaginable events... Forty-six students from different places... Will unite... To complete the class that has always been different...