Chapter Eleven - Wicked

544 23 6
                                    

MALAYO na rin ang nalakad nina Quico at Trent kaya naisip muna nila maupo sa isang parte ng gubat. Patuloy sa pagtulo ang pawis ng dalawa kahit pa man malamig ang lawiswis ng hangin. Dala marahil ito ng pagod at pangamba na baka kung ano na ang mangyari sa kanilang mga kasama kapag hindi pa nila ito nabalaan.

"Trent, tara na!" Yaya ni Quico sa kasama ngunit hindi siya nito pinansin at nanatili lamang ito na kalmado habang nakaupo at nakasandal sa isang mataas na puno. Nakangiti ito habang nakatingin sa malayo.

"Quico, alam mo ba na ang tagal kong hinintay 'tong pagkakataon na 'to?" Wika ng binata saka tiningnan ang kasama. Namuo ang pagtataka sa mukha ni Quico. Hindi niya maintindihan ang nais sabihin ni Trent.

"Ano ba, Trent! Hindi tayo talo!" Biglang napangisi si Quico sa sinabi ng kasama pero agad ding naglaho ang ngiting nakapinta sa kanyang mga labi at napalitan ng nakakatakot na ekspresyon.

"May kakilala ka bang marunong mag-edit ng grades? Masyado kasing mababa ang mga nakuha ko last year at nangangamba ako dahil baka malaman ito ng buong campus. Ayaw kong masira ang image ko sa school at pati na rin sa pamilya ko." Wika ni Trent na nagpabago sa panagano ni Quico. Muling nagbalik ang lahat ng mga nangyari sa nakaraan niya. Parang napunta siyang muli sa eksaktong sitwasyon na kinalalagyan niya noong araw na iyon.

***---***

"Mr. Rodrigo, pwede bang huwag ka munang lumabas ng classroom natin just for ten minutes? May nakalimutan kasi akong kunin sa library, e. Pero don't worry, saglit lang 'to." Wika ng gurong nagngangalang Ms. Remedios. Hindi na nito hinintay pa ang sagot ng estudyante at dali-dali nang lumabas ng silid.

Break time na at nasaktuhang natagalan si Quico sa pag-aayos ng kanyang gamit kaya't siya na lamang ang naiwan sa kanilang classroom. Sa unang isang minuto ay natapos na siya sa pagliligpit niya ng kanyang mga gamit. Nang makapag-ayos siya ay naglakad siya papunta sa pinto at binuksan niya ito nang bahagya. Sumilip-silip pa siya sa kaliwa't kanan na tila may pinagtataguan. Nang makitang walang tao sa paligid ay agad niyang sinimulan ang kanyang plano.

Nilapitan niya ang desk ng guro habang nakatitig sa laptop na nakapatong sa ibabaw nito. Noong una'y tila nagdadalawang-isip pa siya kung gagawin niya ang kanyang binabalak ngunit maya-maya pa'y binuksan niya na ito saka pinakialaman ang files na nakalagay rito.

Ang hindi niya alam ay saktong pabalik ng silid ang isa sa mga kaklase niya. Si Trent Quintos. Bubuksan na sana niya ang pinto nang makita niya sa bintana ang ginagawa ng kaklase. Nanlaki ang kanyang mata at nanatili nakadungaw sa bintana. Kitang-kita niya ang pangingialam nito sa mga numerong nakalagay sa screen. Pumasok sa isip niya na pigilan ang kaklase ngunit nanatili siyang tahimik habang pinapanood ang ginagawang pandaraya ng kaklase.

Maya-maya pa ay natapos na si Quico sa ginagawa niya at muli niyang ibinalik sa dating puwesto nito ang laptop ng guro. Nang makita ito ni Trent ay naglakad na siya sa pinto at kinatok ito.

Nagulat pa si Quico pero agad din niya itong pinagbuksan. Kunwari'y walang alam si Trent at diretso na lamang na pumasok sa silid saka kinuha ang naiwang gamit at umalis.

***---***

"Ano na, Quico? Hinahabol ka na ng nakaraan, tatakbo ka ba o magpapataya ka na?" Nakangiti pa si Trent habang pinagmamasdan ang walang emosyon na mukha ng binata.

Nakaramdam ng pamamanhid ng katawan si Quico at tila naging bato na napako sa kanyang kinatatayuan.

"83 is my final average last year pero hindi man lang sumagi sa isip ko na gawin kung ano ang ginawa mo last year. Siguro ito na ang tamang oras para malaman ito ng laha-" Hindi na natapos pa si Trent sa kanyang sasabihin dahil bigla sumingit si Quico.

"No! H-hindi mo dapat gawin 'yan! B-babayaran kita, k-kahit magkano basta 'wag mong gawin 'yan!" Wika ni Quico habang magkadikit ang kanyang dalawang palad.

"Mayaman din ako, Quico. Hindi ko kailangan ng pera mo." Direktang wika niya sa kasama. Tumayo na siya at naglakad papalayo, pero muling nagsalita si Quico kaya't napatigil siya.

"Gagawin ko ang kahit ano, huwag mo lang sabihin 'yan kahit kanino!" Wika ni Quico na nagpangiti kay Trent. Hinarap niya ang binata saka nagsalita.

"Kahit ano?"

"O-oo! Gagawin ko, kahit ano!"

"Kahit patayin mo man ang sarili mo sa harap ng mga kaklase natin?" Tumalikod nang muli si Trent at kasunod nito ang malakas na pagtawa niya. Hindi na nakapagpigil pa si Quico at agad niyang sinunggaban ang kaklase. Natumba ito sa lupa ngunit nanatili pa rin itong nakangiti. Nakahanda na ang kanyang kamay upang suntukin ang kaklase pero pinigilan niya ang kanyang sarili.

"Ituloy mo, Mr. Rodrigo! Pero siguraduhin mong mapapatay mo ako, kung hindi..." Hindi na niya tinapos ang kanyang sasabihin para mabitin ang kaklase.

"Ginawa ko 'yon para sa pamilya ko!" Galit na sigaw ni Quico.

"Para sa pamilya mo? O para sa sarili mo?" Hirit pa ni Trent.

"Kung ganoon nga, papatayin na lang kita! Mas mabuti pang mabawasan ang mundo ng mga walang kuwentang taong katulad mo kaysa may makaalam ng sikreto ko!" Hindi na nakapagsalita pa si Trent dahil agad siyang pinagsusuntok ni Quico sa mukha nang walang humpay.

Saglit na tumigil si Quico at hinayaang makapagsalita ang binata. Dumura lamang ito sa tabi at tumingin nang masama kay Quico habang nakangiti.

"Ako ba talaga ang walang kuwenta, o ikaw?" Tanong ni Trent kay Quico. Naasar lamang ito kaya't sinuntok siya nito muli sa kanyang mukha.

Sa sobrang init ng bakbakan nila ay hindi na nila napansin ang dalawang lalaki na papalapit sa kanilang dalawa. Ang isa ay nakasuot ng maskara na may disenyo ng isang daga samantalang ang isa namang nakasuot ng may disenyong agila.

Hindi na nakalaban pa ang dalawa nang bigla silang lagyan ng sako sa kanilang mga ulo. Pagkatapos nito ay may kinuha ang dalawa na syringe sa kanilang bulsa at agad itong tinarak sa braso nina Quico at Trent, dahilan para manghina ang mga ito at mawalan ng malay.

Kumuha rin ng lubid ang mga lalaki at itinali sa leeg ng dalawang binata. Hindi pa sila nakuntento at pati ang mga kamay at paa ng dalawa ay itinali rin. Habang wala pang nakakapansin ay binuhat na ng dalawang lalaki sina Quico at Trent saka dinala sa isang lihim na lugar.

Death Camp (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon