Umuwi ako sa probinsya namin para hanapin si Dianne.
Ginalugad ko na ang kung saan saang lupalop dito sa Alabang na pwedeng puntahan ni Dianne. Nagtanong na rin ako at pumunta sa Makati office ng firm para magpaalam sa bosses ko na hindi ko alam kung kailan talaga ako babalik.
Nawawala si Dianne at Amelia.
Hinding hindi mawawala si Dianne ng basta basta na lang. Hinding hindi siya mawawala na hindi nagpapaalam sa nanay at tiyuhin niya. Hinding hindi mawawala si Dianne at hindi magpapaalam sa pinagtatrabahuan niya.
Isa lang ang pwedeng nangyari. Si Mark...
"Attorney! Long time no see! Kamusta na? Saan ka na nagtatrabaho? Gwapong gwapo ka na oh." Sabi ni Mang Ino, isa sa mga dati kong suki na tricycle driver pagkalabas ko ng airport.
"Mang Ino, pakihatid na lang po ako sa amin." Pumasok ako sa tricycle at ipinasok din ang maleta ko.
"Attorney! Alam mo, proud na proud kami sayo. Akalain mo, nung pumasa ka ng bar, nagpagawa ng tarpaulin at nilagay sa school niyo. Sayang, hindi ka umuwi. Hindi mo nakita."
Tahimik lang akong naghintay na maihatid ako ni Mang Ino sa bahay namin. Ayaw kong pumutok ang balita sa mga tricycle driver na nawawala si Dianne. Ako ang nagdala sa kanya sa Metro Manila. Nakatira kami sa isang bahay. Responsibilidad ko siya.
"Attorney, sa uulitin. Dalasan mo sana ang pag-uwi. Proud na proud kami sayo."
Hindi ko na sinagot si Mang Ino. Sa ibang pagkakataon, maaaring nakipagkwentuhan pa ako sa kanya tungkol sa trabaho ko, tungkol sa buhay namin ni Dianne pero iba ngayon. Hindi ko alam kung mahahanap ko pa si Dianne at si Amelia. Hindi ko alam kung ano na ang ginawa sa kanya ni Mark. Hindi ko alam kung ano na....
"Anak, kamusta? Dadating ka pala, hindi ka nagsabi. Magluluto ako ng cornbeef." Bati sa akin ni Mama.
"Ma, sorry. Kailangan kong umalis. Nawawala si Dianne. Kailangan ko siyang hanapin. Iiwan ko lang ang maleta ko dito. Uuwi ako mamayang gabi. Salamat."
Pinuntahan ko ang dating bahay nila Dianne. Iba na ang nangungupahan. Walang may alam kung nasaan siya. Ang alam nila, nasa Manila pa siya. Kumatok ako sa bahay nila Mark. Sumagot sa akin ang nanay ni Mark na nanonood ng tv.
"Oh, anong ginagawa mo dito?" Bungad niya sa akin. Nakadaster siya at tila ay nataranta.
"May balita ho ba kayo kung nasaan si Mark?" Tanong ko.
"Ah nasa trabaho. Bakit ba?"
"Si Dianne po, may balita kayo kung umuwi po?"
"Ah wala wala... diba dinala mo na yun sa inyo? Binahay mo na? Bakit mo pa hinahanap sa akin?"
Binagsak niya ang pinto sa mukha ko.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
"Di ba ikaw nagdala sa kanya sa Manila? Bakit hindi mo alam?" Sagot ni Sheila pagkatapos ko siyang puntahan sa trabaho niya sa city hall at tanungin kung nasaan si Dianne.
"Umalis siya. Hindi namin alam kung nasaan."
"Bakit, may ginawa ka ba? Jeremy namaaaaan! Akala ko iba ka. Gago ka rin pala!" Sigaw niya. Nadinig siya ng mga katrabaho niya.
"Wala akong ginawa! Kaya nga ako nandito para maghanap 'diba? Sa tingin mo may mukha akong ihaharap sayo kung may ginawa ako sa kaibigan mo?"
Humiram ako ng motorsiklo sa pinsan kong si Danny at dumeretso ako sa eskwelahan kung saan dating nagtuturo si Dianne. Alas-kwatro ng dumating ako sa paaralan sa baryo. Nagtanong tanong ako sa mga guro na nasa mga katabing classroom na pinagtuturuan ni Dianne dati. Wala rin silang alam.
"Alam mo, naiinggit ako kay Dianne. Nakuha na niyang umalis dito...pero ano ba ang nangyari?" Sabi ng Kristina, isang guro na kasing edad rin ni Dianne.
"Hindi ko alam."
Sumimangot siya pagkatapos kong sumagot. Oo nga naman, responsibilidad ko talaga si Dianne. Ang buhay na akala nila mayroon siya, unti-unti nilang naiisip na guni-guni lang pala.
BINABASA MO ANG
My Boss, My Lawyer, My Husband [COMPLETED]
Ficción GeneralKababata ko si Jeremy. Lumaki kami sa probinsya: sabay nag-aral sa pampublikong paaralan, umakyat ng mga bakod at puno, at nangarap. Lumipas ang maraming taon pero sa tingin ko mahal ko pa rin siya. Matalino si Jeremy. Nakakuha siya ng scholarship...