III : Jacket

698 61 34
                                    

Kabanata Ikatlo : Jacket

Lorraine

Natapos na ako sa paghigop ng mainit sa sabaw ng lucky me. Binalik ko na sa kusina ang malukong na pinagkainan ko. Uminom lang ako ng tubig pagkatapos bumalik na ako sa sala. Malakas parin ang ulan. Siguro nga ay nakapasok na ang Bagyong binabalita kanina sa Telebisyon. Ano ulit ang pangalan? Bagos? Bugos? Basta, kung ano mang tawag sa bagyo na 'yon, tama nga ang balita, ang lakas niya.

Malamig na din. Siguro dulot ng hangin na dala ng bagyo. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko sa sobrang lamig kaya pumasok ako sa loob ng kwarto ko. Madilim dito kaya naman agad kong pinindot ang switch ng ilaw para bumukas ito. Doon ko lang napagtanto na walang kuryente. Kabwiset naman. Kung kailan kailangan ng ilaw, tsaka naman wala siya.

Wala na akong nagawa kundi ang tiisin ang dilim. Hinanap ko nalang muna ang cellphone ko na nakita kong nakasaksak parin sa charger nito. Mukhang kanina pa ito hindi kumakarga kaya naman tinanggal ko na ito sa pagkakasaksak sa charger niya na nakakonekta sa extension. Binuksan ko iyon at nakitang 89% na ang karga nito. Binuksan ko ang flashlight nito at sobrang nagulat ako sa bumungad saakin.

Halos mapamura na ako at mapatalon ang puso ko sa sobrang gulat. Napaurong pa nga ako dahil sa isang hugis bata na nakaupo malapit sa malaking teddy bear na ni-regalo saakin noon ng Ate Helena ko noong kaarawan ko. Hindi ako nagkakamali. Hugis bata iyon. Nakatingin siya sa bintana ng kwarto ko. Nakatalikod siya saakin kaya naman hindi ko makita ang mukha nito. Kahit nakasarado ang bintana ng kwarto ko, animo'y tinatangay ng hangin ang kurtina na nakalagay dito.

"S-sino ka?" Tanong ko dito. Hindi ko parin nasisigurado kung bata nga ba talaga siya pero malakas ang kutob ko na tama ang hinala ko. Nakikita ko ang hubog ng katawan niya. Matangkad ito, at base sa haba ng buhok niya, babae siya. "P-paano ka nakapasok sa loob ng bahay ko?" Tanong ko dito habang umuurong. Naghahanap ng pwedeng I-depensa kung sakaling sugurin niya ako.

Mas mabuti na ang handa ako. Kahit na bata siya, hindi ko parin maalis sa isipan kong nakapasok siya sa loob ng bahay ko ng hindi ko nalalaman. Lumakas ang hangin sa loob ng kwarto na nagpataas ng balahibo ko sa katawan. Sobrang lamig nito. Kumidlat ng halos dalawang segundo kaya nakita ko ang kabuuan ng kwarto ko. Maliit lamang ito dahil mag-isa lamang ako dito. Pero wala akong nakitang kahit anong bata sa loob ng kwarto. Ni anino nito ay hindi ko nakita.

Guni-guni?

Siguro nga. Madilim kasi kaya kung ano-anong imahinasyon ang pumapasok sa utak ko. Minabuti ko ng hanapin ang pakay ko sa loob ng kwarto. Agad akong tumayo at binuksan ang cabinet na nasa gilid ko, kung saan ako sumiksik ng dalawin ako ng guni-guni ko. Binuksan ko ang pinaka-unang lalagyan nito at sa tulong ng flashlight na nagmumula sa cellphone ko, nahalungkat ko ang mga gamit ko.

Nasaan na ba kasi 'yon?

Halos limang minuto akong naghalungkat ng gamit ko. Makakalimutin na ako kaya hindi ko na maalala kung saan ko nilagay ang Jacket ko. 'Yun pa naman ang pinakapaborito kong jacket dahil galing iyon kay Kuya Jasper. Ang panganay saaming magkakapatid. Siya ang unang namatay saaming lima. Wala ako sa bahay nang mamatay siya. Basta ang alam namin, nauntog siya sa loob ng banyo. Nadulas siguro. Bumabagyo din noon.

"Sa wakas!" Iniangat ko ang jacket na nasa pinaka-ilalim ng cabinet. "Nandito ka lang pala," sabi ko bago isarado ang cabinet ako. Binaba ko na ang jacket at laking gulat ko ng makita ang hulma ng babae. Nakita ko ito sa tulong ng flashlight at ng maliwanag na kidlat na sinundan ng malakas na kulog. Siya 'yung babae sa bintana ko kanina.

Hindi siya guni-guni.

"Hindi matatapos ang bagyo ng hindi ka namin napapatay. Buhay ang kinuha niyo saamin. Buhay din ang kailangan namin. Isasama namin kayo..." nawala siya sa hangin. Mas lalong nanindig ang balahibo ko. Sa lamig, at sa babae. Hinanap ko siya sa buong kwarto gamit ang flashlight. Pero wala akong nakita dahil... dahil napunta siya sa likuran ko.

"Isasama namin kayo sa Impyerno kung saan nababagay ang mga gaya ninyong mamamatay tao!"

#

BahaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon