Wakas [1]

341 27 7
                                    

Wakas : Unang Bahagi

Lorraine

"Ano ang mga 'yan?" Tanong ko sa mga bagay na nasa lamesa. Mula ito sa bag na dala ni Anita. May kandila at posporo. May mga baraha na may weird na disenyo, karamihan ay kulay itim at may logo ng mata. May libro rin na makapal at mukhang punit-punit na ng ilang mga bahagi. Hindi ko alam kung bakit pero kinikilabutan ako sa mga kagamitan niya.

"Ang mga ito ang ginagamit ko sa pakikipag-usap sa mga kaluluwang hindi matahimik," aniya. "Kung gusto mong maputol ang sumpa ng isang kaluluwa, ang kailangan mo ay malaman muna kung saan siya kumakapit. Ang mga kaluluwa ay may pinanghahawakan, sa sitwasyon mo, ang sumpa ang pinanghahawakan niya. Pero hindi sapat 'yon. Kailangan nating malaman kung anong ugat ng sumpa niya."

"Ano pong ibig niyong sabihin?" Tanong ni Erick sa kaniya.

"Ibig sabihin, kailangan nating malaman ang dahilan kung bakit siya nag-iwan ng sumpa sa pamilya niyo. Nang sa gayon, maputol natin ang sumpa, at tigilan ka na niya Lorraine," pagpapaliwanag niya.

"Anong gagawin natin?" Kinakabahan kong tanong.

"Kailangan nating balikan ang nakaraan," sabi niya. "Sa tulong ng mga ito, makikita natin ang nangyari bago mag-iwan ng sumpa ang kaluluwa ng batang babae," tukoy niya sa mga gamit na dala niya. "Kahit anong mangyari, walang didilat, walang bibitaw, at walang magsasalita. Buksan ang diwa at manatili sa liwanag," makabuluhang saad niya.

Naghawak-hawak kami ng kamay. Nangingig akong napatingin kay Erick. Mukhang natatakot na rin siya pero tinatapangan na lang niya ang sarili niya. Hindi ko alam kung anong gagawin kaya minabuti ko na lamang na makinig sa direksyon ni Anita.

May kung ano siyang binubulong, pagkatapos no'n, sinabihan niya kaming pumikit na siya namag ginawa namin ni Erick. Ang tangi ko na lamang naririnig ay ang ulan mula sa labas ng mamihan, at ang bulong ni Anita na nagpapadagdag ng tensyon sa aking katawan.

"Pasaway kayong mga bata! Mga magnanakaw! Ang dapat sa inyo, kinukulong! Ang dapat sa inyo hindi pakainin!" Sigaw ng pamilyar na boses. Kahit matagal ko na itong hindi naririnig, kilala ko kung sino ang may ari nito.

"Mama..." ididilat ko sana ang mga mata ko dahil miss na miss ko na si mama. Pero diniin ni Anita ang hawak sa kamay ko, senyas na bawal kong idilat ang mata ko. Wala akong nagawa kung 'di ang manahimik at makinig.

"Pero wala po kaming ninanakaw sa inyo!" Matapang na saad ng isang batang babae. Sa tono niya, nagtatapang-tapangan lang siya, pero naririnig ko ang bawat paghikbi niya. "Hindi po kami pinalaki ng mga magulang namin na magnanakaw. Wala po kaming ninanakaw sa inyo!" Pag-uulit niya.

"Sinungaling! Ang inyong Ina at ama ay mga hampas lupa! Nararapat lamang na sumunod na kayo sa kanila sa hukay!" Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko. Talaga bang nanggaling ang mga iyon sa bibig ni mama? Hindi ganito ang pagkakakilala ko sa nanay ko.

"Bitiwan niyo ang mga kapatid ko! Bitiwan niyo kami! Parang awa niyo na po. Wala kaming ninanakaw sa inyo," pagmamaka-awa ng boses ng batang babae. Sa tingin ko, ito ang batang babae na sumusunod sa akin. Mahinahon at malambing ang boses niya noong siya ay nabubuhay pa lamang.

"Dalhin sila sa bodega. Ikulong. Ilock ang bodega. Huwag silang pakakainin sa loob ng isang linggo! Hayaan silang mabulok bilang parusa! Dapat lamang silang magdusa dahil sa malikot nilang mga kamay!" Utos ni Mama. Hindi ko alam kung sinong inutusan niya, naiiyak ako sa bawat naririnig ko. Hindi ako makapaniwala dahil sa inaasta ni mama.

Naging tahimik ang lahat. Ang tangi kong naririnig ay iyak, yabag at mga kadena. Maya-maya pa, narinig ko ang buhos ng malakas na ulan. Sobrang lakas nito. Hindi tumitigil na ulan. Hindi ito ulan sa labas ng mamihan, ulan ito mismo na naririnig namin.

"A-ate! Pumapasok 'yung tubig sa bintana!" Ani ng isang boses bata.

"A-anong gagawin n-natin!? Baka tumaas pa ang baha!" Sabi naman ng isa pang boses lalaking bata. Halata sa boses niya na kinakabahan siya. "Ate! Humingi tayo ng tulong!" Aniya pa.

"Huminahon kayo. Hindi tataas ang baha. Hihinto ang ulan, maniwala tayo," sabi ng batang babae na nanggugulo sa akin. Narinig ko ang tunog ng tubig na parang umaapaw. Marahil ito ang sinasabi nilang baha na pumapasok. Mukhang nasa isang silid sila, sa bodega. Mukhang umuulan sa labas at pumapasok dito ang baha mula sa labas papasok sa bintana. Kung gano'n nga ang nangyayari, siguro'y mababa ang kinaroroonan ng bodega.

"A-ate! Abot tuhod na ang baha," ani ng isa pang bata. "Baka malunod tayo kapag nagpatuloy pa ito!" Natatakot pa niyang dagdag. Pagkatapos no'n, wala na akong ibang narinig kung 'di mga iyak, at paghingi nila ng tulong. Nakakarinig din kami ng mga pagkabog ng pintuan. Mukhang sinusubukan nilang buksan ang pintuan ng bodega kung nasaan sila.

Kinakabahan ako sa susunod na mangyayari.

Alam kong...

Alam ko na ang susunod na mangyayari.

Continue to Wakas [2]

BahaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon