Nakangiting ibinaba na ni Silver ang cellphone matapos kausapin ang classmate tungkol sa project nila sa programming at pumasok na sa CR. Naligo na siya agad para makapaghanda ng maaga. Hindi na naman siya makakasabay kay Jessica dahil maaga ulit ang practice nila.
Pakanta-kanta si Silver habang naliligo. Magaan talaga ang pakiramdam niya. Iba na talaga ang inspired! Si Kevin ang dahilan ng lahat ng iyon. Sa tuwing naalala ni Silver ang nangyari sa San Antonio at dinner isang linggo ng nakararaan ay kinikilig siya. She treasured ito. Iyon kasi ang unang pagkakataong gumawa ng isang bagay si Kevin para sa kanya at ang saya-saya niya. Pakiramdam tuloy ni Silver ay napapansin na siya ni Kevin.
Tinapos na niya ang paliligo at nagayos na. Saktong alas sais ng umaga ay nakagayak na siya. Hindi nagtagal ay lumabas na siya ng bahay. Napangiti siya ng makitang kalalabas din ni Kevin.
"Hi!" bati ni Silver. Lalo yatang gumanda ang araw niya dahil nakita niya ito. Ang bilis ng tibok ng puso niya.
"Hello," seryosong sagot nito.
Napabungisngis siya. "Ang seryoso mo talaga. Ngiti ka naman! Tatanda ka ng ten years kapag lagi kang ganyan. Kapag ngumiti ka, babata ka naman ng ten years," nakangiting udyok niya.
Namula na naman ang tainga ni Kevin. Mukhang nahihiya na naman. Kinilig tuloy si Silver. Na-cu-cute-an talaga siya kay Kevin kapag ganoon ito.
"Come on, baby! Show me your smile! Come on! Come on!" biro ni Silver at pumalakpak pa na parang baby ang kausap. Umaasang mapapatawa si Kevin. Wala siyang paki kahit magmukhang engot. Ang mahalaga ay mapangiti ito.
"Silver!" natatawang awat nito. Pulang-pula ang mukha. Nagpipigil. Gayunman, kinalma nito ang sarili. Napailing na lang ito. "Puro ka biro. Halika na nga. Pumasok na tayo." aya nito at tuluyang isinara ang gate.
Napabungisngis na lang si Silver habang sabay silang naglalakad. Matangkad at mahahaba ang biyas ni Kevin pero hindi binibilisan ang lakad. Feeling niya ay hinihintay siya. Bilib din talaga siya sa tolerance nito. Gentleman talaga. Kung naiba lang ay baka nasigawan na siya sa kakulitan.
"Graduating ka na pala." basag niya sa katahimikan. Bigla siyang nagisip kung ano ang magandang ibigay dito.
"Oo." simpleng sagot nito.
"Ano'ng plano mo? Magtatrabaho ka na agad?" usisa niya.
Tumango ito. "Oo. Magtatrabaho ako habang naghihintay ng result ng board. Gusto ko nang makatulong kina nanay."
Napangiti si Silver. Kinikilig siya dahil nakaringgan niya ng ganoong plano si Kevin. At sinasabi nito iyon sa kanya! Feeling tuloy niya ay ang lalim ng samahan nila.
"Alam mo, ngayon pa lang nakakatulong ka na sa kanila. Iyang mga ginagawa mo, pagtulong na 'yan. Malaking bagay na hindi ka nagiging problema sa kanila." nakangiti niyang saad.
Napahinga ito nang malalim. "Pero mas gusto ko pa silang matulungan. Matanda na ang mga magulang ko. Ayoko nang magbukid sila. Mahirap ang trabaho sa bukid. Kaya kapag nagkatrabaho ako, patitigilin ko na sila. Ako na ang bahala sa kanila."
Hangang-hanga si Silver sa nakikitang determinasyon at paninidigan ni Kevin. Lalong lumalim pa ang pagtingin niya rito. Naisip niyang napakaswerte ng babaeng mamahalin nito. Responsible at mapagmahal si Kevin.
Pumara na ito ng tricycle. Agad na silang sumakay. Kagaya ng dati, sa loob siya at nasa tabing pinto ito. Kilig na kilig siya sa pagiging gentleman nito.
Pagdating sa university ay naghiwalay na sila. Nagpunta siya sa gym na magaan ang pakiramdam. Nadatnan na niya ang mga ka-team na nagwa-warm up. Sumabay na siya sa mga ito hanggang sa nagsimula na silang mag-ensayo.
Sa ganoon umikot ang ilang oras ni Silver. Matapos ay saglit silang nagpahinga at kinausap ni Coach Achilles para sa darating na interschool competition next month. Linggo na lang ang bibilangin bago iyon marating. Intense na raw ang magiging training noon.
Matapos iyon ay nag-shower na sila Silver. Hindi nagtagal ay pare-pareho na silang nagkanya-kanya. Pumasok si Silver sa mga subjects niya hanggang sumapit ang oras nang pakikipag-meet niya sa mga kagrupo.
Busy si Silver buong maghapon. Pagsapit nang uwian, pagod na pagod siya. Pero parang lumipad ang pagod niya sa outer space nang makita si Kevin. Mula sa opposite direction, nakita niya itong papalabas na rin!
"Kevin!" tawag niya.
Tumango ito at nilapitan siya. "Mukhang pagod ka." puna nito.
Ngumiti siya ng matamis. "Oo. Kanina. Pero ngayon hindi na. Nakita na kita, eh."
Napamaang si Kevin kay Silver. Siya naman ay natawa kahit pinamumulahan ng mukha. Nahiya siya pero slight lang. Ang mahalaga ay nasabi niya ang totoong nararamdaman.
"Tara na?" aya niya bago pa siya lalong mahiya.
Tumahimik lang si Kevin pero panay ang tikhim. Mukhang naiilang pero hindi pa rin siya magawang layasan. Kinikilig talaga siya sa tolerance nito.
Pumara na ito ng tricycle. Kinikilig si Silver na umuwi kasama si Kevin.
BINABASA MO ANG
MY LOVELY LIBERO
RomantizmTHIS STORY IS WRITTERN BY CRANBERRY LAUREL. The story is all about Silverstein, the libero of team Guevarra Vixens, who has long time crush named Kevin. Magkaiba ng personalidad ang dalawa. Silverstein ay outgoing, bubbly at active samantalang seri...