"Si Kevin?" agad na tanong ni Silver kay Jessica pagkabukas nito ng gate. Hindi niya nakita si Kevin sa school kanina. Hindi rin niya naabutang lumabas pagpasok sa school. Hindi tuloy niya ito ma-corner. Nae-excite na siyang usisain ito tungkol sa feeling nito.
Ginawa iyong misyon ni Silver. Kahit na kita sa kilos ni Kevin iyon ay gusto pa rin niyang marinig. Dahil kilala niyang mahiyain ito at tahimik na tao, siya na ang magtatanong. Siguradong aamagin sila kung hihintayin niya pa ito.
Pero paano matatanong ni Silver si Kevin kung bigla itong nawala? Kailangang samantahin na rin ni Silver ang pagkakataon. Bukas ay magsisimula na silang maglaro. Tuloy-tuloy na iyon hanggang sa susunod na linggo. Nagkataon lang na wala silang laro sa araw na iyon kaya nakauwi siya ng maaga. Hindi rin niya nagawang harapin si Kevin pagkatapos ng parade. Gabi na siyang umuwi at nakapatay na ang ilaw sa bahay nila Jessica—palatandaang tulog na ang mga tao sa bahay nito noong umuwi siya.
"Wala. Hindi pumasok dahil umuwi siya kagabi sa Camiling. May sakit ang nanay niya."
Nabawasan ang kilig ni Silver. Napalitan iyon ng pagaalala. "G-Ganoon ba? Kumusta na ang nanay niya?"
"Na-pasma daw. Patanim kasi nitong huling mga araw sa kanila. Sunud-sunod ang mga tinataniman ng parents niya. Ang sabi ni Kevin, ugali ng nanay niya na sa tuwing umuuwi ay naliligo pa. Hayun. Na-pasma. Kagabi daw ay nag-chill, eh." malungkot na kwento ni Jessica.
"Diyos ko..." naawang anas ni Silver. Ngayon niya ganap na naiintindihan kung bakit ayaw na ni Kevin na pagtrabahuhin sa ganoon ang mga magulang. Kung siya ang nasa kalagayan nito ay ganoon din ang gagawin niya.
"May puwede bang tawagan sa kanila?" biglang tanong ni Silver. Walang cellphone si Kevin. Dahil na rin sa kahirapan, alam ni Silver na iyon ang dahilan ni Kevin kaya hanggang ngayon ay wala man lang itong gadget.
"Oo. Iyong tatay niya, may cellphone. Wait. Kukunin ko ang cellphone ko. Naka-save doon ang number niya." anito at dali-dali nang umalis. Hindi naman nagtagal ay bumalik agad ito at ibinigay ang number. Agad na niya iyong kinuha at nagpaalam na kay Jessica.
Pagpasok sa kuwarto ay agad na niyang tinawagan ang ama ni Kevin. Napalunok siya nang sumagot ang tatay nito.
"G-Good evening po. Puwede ko ho bang makausap si Kevin?" magalang niyang tanong. Kinakabahan to the highest level.
"Sino 'to?" medyo masungit ang tonong tanong ng ama ni Kevin.
Lalong kinabahan si Silver. Tingin niya ay hindi nito nagustuhan ang pagtawag niya. "P-pasensya na po sa istorbo. Ako po si Silver. Kapitbahay at kaibigan nila Jessica dito sa Guevarra. N-nabalitaan ko po kasi ang nangyari kaya napatawag ako..." kinakabahang paliwanag ni Silver. Nanunuyo ang lalamunan niya sa kaba!
Pumatlang ang katahimikan. Mukhang nanatya ang ama ni Kevin pero sa huli ay napabuntong hininga ito. "Sandali." anito at narinig ni Silver na tinawag ng matanda si Kevin sa background. Hindi nagtagal ay narinig na niya ang boses nito.
"Silver?" gulat na sagot ni Kevin.
"Hi?" alanganing bati niya.
"N-Napatawag ka? May problema ba?" hindi makapaniwalang tanong ni Kevin.
"Mangungumusta lang. Nabalitaan ko ang nangyari," pigil hingang saad ni Silver.
Napabuntong hininga si Kevin. "Okay naman na siya. Napausukan na siya ni Tandang Soleng. Magaling na albularyo iyon dito. Gumagamot din siya ng pasma sa pamamagitan ng pausok. Pinagpawisan na siya dahil doon. Iyon nga lang, medyo mahina pa siya. Pinagpahinga ko na." paliwanag nito.
"Mabuti kung ganoon," relieve na saad niya. Tuluyang nakahinga ng maluwag.
"Silver," tawag nito kapagdaka.
"Yes?"
"Salamat sa pagtawag. Hindi mo na ito dapat na ginawa..." nahihiyang saad nito.
Napangiti siya. Parang nakikini-kinita niyang pinamumulahan ito ng tainga.
"Ano ka ba? Hindi ka na iba sa akin." nakangiti niyang saad.
"Hindi bale. Mamayang madaling araw, uuwi na ako d'yan. Makakanood ako ng laro mo." pangako nito.
Kinilig siya! Bigla tuloy niya itong gustong usisain tungkol sa feelings nito pero hindi na niya ginawa. Napaka-wrong timing naman kung ngayon niya iyon itatanong.
"Sige na. Mauubos na ang load mo. Matulog ka na." anito.
"Okay. Good night!" nakangiti niyang paalam.
Hindi nagtagal ay pinatay na niya ang cellphone. Nakangiting humiga siya sa kama at napalingon sa poster ni Jung Il Woo. Napahagikgik siya. Gusto na niyang palitan iyon! Mukha na ni Kevin ang ilalagay niya sa dingding!
Napabungisngis siya sa naisip. Gayunman, nakahinga siya ng maluwag dahil sa nalamang balita. Nasisiguro niyang na-relieved din si Kevin dahil okay na ang nanay nito.

BINABASA MO ANG
MY LOVELY LIBERO
Storie d'amoreTHIS STORY IS WRITTERN BY CRANBERRY LAUREL. The story is all about Silverstein, the libero of team Guevarra Vixens, who has long time crush named Kevin. Magkaiba ng personalidad ang dalawa. Silverstein ay outgoing, bubbly at active samantalang seri...