CHAPTER 18

767 23 0
                                    

After two years...

"SILVER!" ALANGANING tawag ni Jessica kay Silver. Natigilan si Silver sa pagpasok sa gate at napalingon. Napabuntong hininga siya nang kawayan siya nito at kiming ngumiti. Galing siya sa practice. Dahil wala nang pasok kinahapunan ay umuwi na siya.

Sila pa rin ang nanalo sa volleyball league. Doon ibinuhos ni Silver ang frustrations at lungkot dahil sa mga nangyari.

Matapos silang maghiwalay ni Kevin ay tuluyang nagkaroon ng gap ang pamilya nila ni Jessica. Ang kwento ng daddy ni Silver ay hindi na rin nagagawi sa bar ang ama ni Jessica. Masama ang loob ng mga magulang niya sa nangyari. Dahil doon ay mas okay na dumistansya rin ang pamilya ni Jessica. Kahit paano ay hindi na nadadagdagan ang samaan nila ng loob.

Nawalan na rin ng balita si Silver kay Kevin. Hindi na rin siya nagtangkang makibalita pa. Hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya sa mga nangyari. Maisip pa lang niya na hindi nito pinaniwalaan ay bumibigat ang dibdib niya. Mahalaga kasi kay Silver iyon. Isa pa ay hindi niya nagustuhang pinagmukha siyang sinungaling at nakipagtalo ang ama nito sa ina niya. Hanggang ngayon ay mukhang ikinasasama pa rin ng loob ng mommy niya iyon.

Pero aaminin ni Silver. Kahit na ganoon ang nangyari ay naiisip pa rin niya si Kevin. Pumasa na kaya ito sa board? Maganda na ba ang trabaho? Natulungan ba nito ang mga magulang?

Ano na kaya ang nangyari rito matapos siya nitong puntahan sa gym? Sa totoo lang ay nagiiyak siya pagkatapos noon. Hindi magaan sa kalooban niya ang ginawang pagtrato rito. Kundi niya kasi iyon gagawin ay ipipilit lang nitong ayusin ang lahat. Alin? Magiging sila ulit at aawayin ng mga magulang nito? Madadamay na naman ang mga magulang niya? Walang katapusan iyon. Kaya masakit man sa kalooban ay itinaboy na niya ito para si Kevin na mismo ang tumigil.

"Bakit?" malamig niyang tanong.

"L-Lagi kasing nagha-hang ang laptop ko. Baka puwede mo namang i-reformat. H-Huwag kang magalala. Magisa ko lang dito. Wala sina mommy." nahihiyang pakiusap nito.

Napabuntong hininga si Silver at tumango. Hindi na rin niya matanggihan si Jessica. "Sandali. Kukunin ko ang mga installer ko." aniya.

"T-Talaga?" hindi makapaniwalang tanong ni Jessica.

"Oo. Sandali lang." aniya at pumasok na. Kinuha na niya ang mga installers at nagpunta na sa kabilang bahay. Nagulat na siya ng biglang yakapin ni Jessica. "Jessica!" gulat niyang bulalas.

"I miss you!" lambing nito at ginawaran siya ng puppy eyes. Bigla tuloy siyang natawa at napailing.

"Sira."

"Pasensya ka na sa mga nangyari, ha?" lambing nito.

Napabuntong hininga si Silver. "Wala ka namang kasalanan doon."

Napayuko si Jessica. "Mayroon. Hindi man lang kita pinagtanggol kina tito. Close tayo pero hindi ko man lang sinabi na imposible ang mga sinasabi ni tita against sa'yo. N-Natakot kasi ako noon. Beastmode na beastmode si tito! Pinagsasabihan nga rin ni daddy pero ayaw makinig!" paliwanag nito.

Napahinga ng malalim si Silver at ginulo ang buhok ng kaibigan. "Hayaan mo na nga 'yon."

"Hindi ka galit sa akin, ha?" ungot nito.

Umiling si Silver. "Hindi nga. Hindi lang ako nakipaglapit dahil ayokong lumala pa ang lahat."

Napabuntong hininga silang magkaibigan. Hindi nagtagal ay inilahad ni Jessica ang kanang kamay. "Friends na ulit tayo, ha?"

Ngumiti si Silver. Naisip niyang wala naman talaga itong kasalanan kaya tinanggap na niya ang pakikipagkamay nito.

Inayos na niya ang laptop nito. Dahil may katagalan iyon ay naabutan siya ng mga magulang nito. Gulat na napatayo si Silver at bumati.

"G-good evening po." bati ni Silver.

Nahihiyang ngumiti ang mga magulang ni Jessica. "Mabuti napadalaw ka."

"Nagpatulong ako, dad!" nakangiting sabad ni Jessica at sinabi ang nangyari tungkol sa laptop nito.

Napatango ang mga magulang ni Jessica. Parehong nakangiti kay Silver pero nasa mga mata pa rin ang hiya.

"Sige. Magpapahinga na muna kami. Maiwan na namin kayo," nakangiting saad ng ina ni Jessica at umakyat na.

Napahinga ng malalim si Silver at hinarap na ang laptop ni Jessica.

"Pumasa si kuya Kevin sa board. CPA na siya." untag nito kapagdaka.

Natigilan si Silver. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Bigla siyang dinagsa ng katanungan. Gusto niyang alamin kung nasa mabuti ba itong kalagayan o ano pero sa huli ay nagpasya na lang siyang hindi magsalita.

"Ang pogi na niya ngayon!" kinikilig na balita ni Jessica.

Mahinang natawa si Silver at napailing sa kaibigan. Hindi na niya ito sinagot dahil ayaw na niyang humaba pa ang usapan nila tungkol kay Kevin kahit nangangati na siyang magtanong.

"Bigtime na si kuya ngayon. Sa loob ng two years, na-promote agad siya sa auditing firm. Masipag kasi siya at dedicated sa trabaho. Nangako siyang papasyal sa birthday ko. Punta ka, ha." request nito.

Biglang kumabog ang dibdib ni Silver. Naalala niyang sa susunod na linggo na ang birthday ng kaibigan. Bigla siyang hindi mapakali hanggang sa napabuga ng hangin. Hindi siya dapat ma-excite! Dapat ay kalma lang siya. Dapat ay galit siya!

Pero bakit ganoon? Parang biglang nawala ang tampo niya? Mas nangibabaw ang excitement at antisipasyon niya sa muli nilang pagkikita? Ah! Masasabunutan ni Silver ang sarili!

"Hindi ko sure. Baka may practice kami at—"

"Please? Please? Please..." pagsusumammo ni Jessica at nag-puppy eyes ulit. Natawa si Silver sa kakulitan nito.

"Ang laki na ng pinagbago mo, ha. Hindi na kita malambing. Hindi ka na rin nagpapatawa." nagtatampong saad ni Jessica.

Napahinga ng malalim si Silver. Tama ito. Dahil sa mga nangyari ay ramdam niya ang naging pagbabago sa kanya. Naging seryoso na siya at laging tahimik. Palibhasa ay nawala ang nagiisang lalaki na naging dahilan ng mga ngiti niya at sigla. Bukod kay Kevin ay kailangan na rin niyang magseryoso sa buhay. Hindi na siya napapagalitan ng coach dahil sa nakikitang determinasyon at focus. Mahirap na rin kasi ang mga subjects niya ngayon fourth year na siya. Next year ay graduating na siya. Humaba ang taon niya dahil hindi naman siya nakakapag-full load. Hindi iyon kaya ng schedule niya dahil varisty siya. Marami nang ganap at hindi na siya puwedeng magpa-cool-cool lang.

"Basta, susubukan ko. Okay?" non committal na sagot ni Silver at hinarap na ang laptop nito. Napabuntong hininga na lang si Jessica.

Si Silver naman ay muling naisip si Kevin hanggang sa inawat niya ang sarili. Hindi iyon puwede! Kailangan ay tuluyan na niya itong kalimutan...

MY LOVELY LIBEROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon