"ANG GANDA ng mga ngiti natin, ah, mayroon ka bang hindi sinasabi sa amin?" nakangiting tanong ni Nizza kay Cleo Ann, nasa school canteen sila para mag-lunch. Ang ganda kasi ng panaginip niya no'ng nakaraang gabi at mas lalo pang gumanda ang araw niya dahil magkasunod sila ni Josiah na dumating sa school kanina, nauna lang ito sa kanya nang kaunti.
At dahil nga hindi siya kuntento sa pagkakasunod lang nila, mabilis siyang umagapay sa paglalakad ng binata at kunwari ay hindi ito nakita, hanggang sa mapalingon siya kunwari sa binata, binati niya ito kaya ngumiting bumati rin ito sa kanya.
"May new crush ako dito sa campus," nakangiting kuwento niya. Pero hindi niya sasabihin ang pangalan ng lalaki.
"Ano'ng department?" sabay-sabay na tanong ng mga kasama niyang sina Nizza, Cess at Lindsay.
"Secret." Natatawang sagot niya. Tiyak mas maloloka ang mga ito kapag nalaman na hindi naman estudyante ang crush niya kundi isang teacher.
"Kilala ka ba?" tanong ni Lindsay, na saglit na ikinatigil niya at ikinawala nang pagkakangiti niya.
"Hindi." Tipid na sagot niya, na ikinatango at ikinailing ng mga kaibigan niya. Hindi tuloy mapigilang malungkot sa katotohanan na ilang buwan na niyang pinapantansya ang binata pero hindi pa rin siya kilala nito.
Ano nga kaya ang gagawin niya para makilala ni Josiah Kim? Kung magpaka-famewhore kaya siya? Sumali sa lahat ng mga clubs sa school at kung anu-ano pa para sumikat siya? Napabuga siya ng hangin, hindi naman kasi siya multi-talented katulad ni JK, dahil ayon sa researchs niya dito, multi-talented ito; mula sa sports hanggang sa academics pati sa pagpi-play ng iba't ibang instruments. Sabagay kapag galing sa mayamang pamilya, bata pa lang ay in-enroll na sa iba't ibang mga special schools.
"Eh, 'di magpakilala ka, as simple as that." Suhestyon ni Cess.
"Kapag ba nagpakilala ako, matatandaan kaya niya ang pangalan ko?" tanong niya.
"Eh, 'di magpakilala ka ng may pagka-extraordinary ang dating para matandaan ka niya," ani Nizza.
"Paano?"
"Iukit mo sa puso mo ang pangalan mo, saka mo iaalay sa kanya." Nakangiting suhestyon nito, kaya muntik na niya itong batuhin ng kalamansi na nasa harapan niya.
"The simplier the better, kaya magpakilala ka ng normal." Ani Lindsay.
"Pero hindi siya ordinaryong lalaki, kapag ginawa ko ang simpleng sinasabi mo, baka by the end of the day limot na niya ang pangalan ko kahit napaka-generic na nga, dahil sa dami ng mga babaeng nakikipagkilala sa kanya." Aniya.
"Hmm... naiintriga na ako sa bagong crush mong 'yan, ha," ani Cess.
"Si Donnie ba 'yan?" tanong ni Nizza, tukoy ang team captain ng swimming team, guwapo rin ito at super famous pero hindi niya ito crush!
"Hindi!" sagot niya.
"Eh, sino?" sabay-sabay na tanong ng tatlo.
Ngunit hindi niya nasagot ang mga ito nang biglang maagaw ang atensyon nilang apat sa bagong pasok na babae sa canteen, the school Princess, si Cherry Mae Escasinas. Pamilya nito ang may-ari ng school at isa ito sa mga batas sa school nila, kaya nitong ipa-kick out ang estudyanteng kinaiinisan nito!
Nang makasalubong ito ng ibang mga estudyante ay nag-give way ang lahat, binigyan pa nga agad ito ng mapu-puwestuhang mesa, kasama nito ang dalawang alipores nito. Palibhasa sosyal, sikat, maganda at mayaman kaya iginagalang ng lahat ng mga estudyante.
"Ibang klase 'yong aura ni Cherry Mae, lahat tumitiklop kapag dumadating siya." Ani Cess.
"Well, rich girl and powerful, e." ani Lindsay na tinanguan nilang lahat.
Ipinagpatuloy nila ang pagkain nila, mabuti na lang at hindi na naalala ng mga kaibigan niya ang katanungan ng mga ito kanina. Nag-uusap-usap ang tatlo habang siya ay nakasubaybay naman sa entrance ng canteen, inaabangan kasi niya 'yong lalaking gusto niyang makita.
Kung kanina ay halos mag-give way ang lahat dahil sa pagdating ni Cherry Mae—dahil sa lakas ng dating ng kanilang school Princess, muling nag-give way uli ang lahat ng mga estudyante dahil sa pagdating ng isa pang estudyante, pero hindi dahil sa lakas ng dating o paggalang o kung anupaman, kundi dahil pinandidirihan ito ng lahat.
Sa pagkakaalala niya ay Andrea ang pangalan ng babae, dahil minsan na nilang napag-usapang magkakaibigan ang babae, nasa top ten ito sa dean's list ng Psychology department. May malaki itong balat sa kalahati ng mukha nitong tinatakpan ng buhok nito kaya kinatatakutan ito ng mga estudyante dahil mukha daw itong mangkukulam o maligno. Sa pagkakaalam niya ay sa kumbento nanunuluyan ang babae bilang tagasilbi sa mga pari at madre.
Nagkibit-balikat na lang siya. Sumunod na pumasok sa canteen ay ang lalaking muling nagbigay ng bahaghari sa kanyang malungkot na mundo, si Josiah, ngunit tumabingi ang ngiti niya nang makita niya ang lantarang panghaharot ng bagong co-teacher nito from Business ad department. May pahawak-hawak pa ang babae sa braso ni Josiah at kung makangiti... wagas! Asus, ateng! Nagseselos ka lang! sabi ng isipan niya. Mas nagseselos pa yata siya sa babaeng kasama ni JK kaysa sa ipinalit ni Emman na babae sa kanya.
Ang mabahaghari niyang mundo ay napalitan nang makulimlim na mga ulap. Hindi tuloy niya napansin na mabilis niyang naubos ang kinakain niya. Gano'n siya kapag stress, hindi niya napupuna na marami na siyang nakakain, kasi hindi rin naman siya nabubusog.
Nakita niyang puwesto na si Josiah kasama ang co-teacher nito sa di-kalayuan para i-reserved ang seat saka sabay na tumayo para mag-order nang makakain. Isa pa sa ikinadagdag ng selos niya ay dahil maganda ang co-teacher nito at mala-super model ang katawan, ano namang panama nang pagiging petite at chubby cheeks niya? Puwede rin naman siyang maging model, sa kids apparel nga lang.
Napailing-iling na lang siya saka uminom sa juice na nasa harapan niya. Bakit ba kasi sila nasa mesa na malapit sa entrance ng canteen, napapansin tuloy niya lahat nang pumapasok—at isa na doon ang ex niya na naramdaman yata nitong nakatingin siya dito kaya bumaling ito sa kanya.
Pero nang ngumiti ito sa kanya ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Hindi sa bitter pa rin siya, kundi wala siya sa mood para maging friendly dahil naba-badvibes siya sa kasama ni Josiah, kaya damay ang lahat nang nakikita niya!
"Ayos ka lang? O gutom ka pa?" tanong ng tatlo niyang mga kaibigan.
"Ayos lang ako." aniya, saka niya hiningi 'yong saging na dessert ni Cess, dahil pakiramdam niya hindi siya nabusog.
BINABASA MO ANG
LBT Book 1: Cleo's Three Wishes (Completed)
General FictionCleo's three Wishes: 1. Yumaman kaming mag-anak. 2. Maging sikat na estudyante sa University na pinapasukan niya. 3. At mahalin ni Josiah Kim, ang 'Coffee Prince' at ang lalaking matagal na niyang pangarap.