Wish 7

373 12 0
                                    


"ANO'NG nangyayari? Bakit lahat kayo mukhang masayang-masaya?" nagtatakang tanong ni Cleo Ann, sa kanyang pamilya nang pagdating niya sa kanilang bahay ay nadatnan niya ang mga ito na mukhang nagkakasiyahan.

Masayang-masaya ang mukha ng mama at papa niya, nagtatatalon naman sa kasiyahan sina Claudin at Carolyn at mukhang nakigaya lang din ang bunso nilang si Carylle. Hindi tuloy niya maiwasang mapangiti din dahil sa nakikita sa kanyang pamilya. At maaga yatang dumating ngayon ang papa niya dahil alas singko pa lang ay nasa bahay na ito dahil madalas ay pasado alas sais o alas siyete na ito umuuwi.

Mabilis siyang nilapitan ng papa niya at masayang-masaya nitong hinawakan ang kanyang mga kamay. "Anak, nakapulot ako ng lotto ticket dalawang araw nang nakakaraan, hindi ko lang nasabi sa 'yo,"

"Tapos po?" nagtataka niyang tanong.

"Kagabi nga ang lotto raffle at kanina ay nabasa sa diyaryo ang winning combination, at anak, panalo tayo! Nanalo tayo sa lotto nang tumataginting na one hundred million pesos!" masayang anunsyo ng papa niya.

Saglit siyang hindi nakaimik dahil sa gulat sa narinig na sinabi ng kanyang papa. Hanggang sa unti-unti din siyang nakabawi. "'Y-Yong totoong may-ari po ng lotto ticket, nasaan po siya?"

"Wala akong balita sa kanya, anak, siguro nga ay para sa atin ang pagkapanalong ito!" masayang sabi ng papa niya, saka siya nito masayang niyakap. Mabilis ding nakalapit ang iba pang miyembro ng pamilya at nakiyakap na rin.

She was too speechless to say something. Para siyang nabuhayan ng loob dahil sa pagkapanalo ng lotto ng papa niya. Saglit pa siyang nakatulala hanggang sa unti-unting nagsi-sink sa isip niya ang nangyari at nakisiya na din siya sa lahat.

Kinabukasan ay kumalat na sa buong barangay nila ang pagkapanalo ng papa niya, at doon lang niya na-realize ang tungkol sa unang hiniling niya sa guwapong Genie, ang 'pagyaman ng kanyang pamilya'. Natupad na ang unang kahilingan niya!

Wow! It's really true! Nakangiting sabi niya sa sarili.

Mabilis na inilakad ng papa niya ang pagkuha ng pa-premyo, maraming tax ang naibawas ngunit malaki pa rin naman ang natira sa kanila. Nagbigay sila sa simbahan na malapit sa kanila at naghanap ng village kung saan sila maaaring tumingin ng house and lot na mabibili at malilipatan. Nagplano na din ang mama at papa niya na mag-resign sa trabaho para magpatayo ng sariling taxi company. Balak din ng mga magulang niya na bumili ng sasakyan para may magamit din sila.

Inayos na rin ang paglipat nina Claudin at Carolyn ng private school dahil pakiramdam ng papa niya ay may mga taong gusto silang gawan ng masama dahil sa biglang pagyaman nila.

Walang araw na hindi sila dinadagsa ng mga tao sa bahay nila para humingi ng balato. Kaya ang ginawa nila ng mga magulang nila ay nagbigay ng relief goods sa lahat. Ngunit kahit sa kalagitnaan ng gabi ay marami pa ring nagpupunta sa bahay nila para manghingi, napupuyat nga silang lahat dahil sa mga taong kahit madaling araw na ay nagpupunta doon.

May isang gabi nga ay nagulat siya nang makarinig sila nang kaluskus sa likuran ng bahay nila, kaya in-on niya ang lahat ng ilaw sa bahay nila at doon niya nakitang may tumakbong lalaking palayo sa bahay nila. Marahil ay gusto silang nakawan ng lalaking 'yon. GAyunpaman, wala naman itong mananakaw sa kanila dahil inilagay lahat ng papa niya ang napanalunan nito sa bangko at kaunti lang ang panggastos nilang inilabas nito.

Nang mga sumunod na linggo ay nakalipat sila agad sa bagong biling house and lot, nakabili na din sila ng BMW na service nila at kumuha ng driver. Ikinandando na muna nila ang lumang bahay nila hangga't walang gustong mangupahan doon.

Kasalukuyan ay nasa malaking bahay na sila, sa isang malaki at magandang village. Unti-unti na ring nailalakad ang negosyong gustong pasukin ng parents niya. Kumuha din sila ng tatlong katulong sa malaking bahay nila. Masayang-masaya siya dahil sa wakas ay naranasan na rin ng pamilya niya ang mamuhay ng maganda.

May tig-iisa silang kuwartong magkakapatid, ang bunso naman nila ay kasama ng mga magulang niya sa master's bedroom. Noon ang pinapangarap lang niyang pamumuhay para sa kanila ay nagkatotoo na ngayon, salamat sa mahiwagang lampara.

Masayang-masaya din ang mga kaibigan niya sa nangyari sa buhay nilang pamilya, pati ang mga ito ay inilibre din niya. Naging maingay din ang pangalan niya sa buong school dahil sa balitang pagkapanalo nila ng lotto, nakapag-resign na din siya sa parttime job niya, ngunit ang pagiging matunog niya sa school ay unti-unting nawala paglipas ng isang buwan.

Nakakalungkot din dahil noon ay sabay-sabay silang kumain, ngayon nga ay sa sobrang abala na ang parents nila sa itinatayong negosyo kaya hindi na nakakasabay ang mga ito sa pagkain, madalas ay si Carylle na lang ang kasabay niya sa pagkain, na may sarili na ring yaya. Sina Claudin at Carolyn naman ay may kanya-kanyang oras sa pagkain, masyadong abala sa gadgets ang dalawa kahit sawayin niya. Na-miss tuloy niya ang mga sandaling magkakasama silang kumain sa hapag-kainan.

May isang buwan din niyang hindi nakakausap nang matino ang crush niyang si Josiah dahil masyado siyang naging abala sa pagpa-plano kasama ng parents niya tungkol sa bagong tirahan nila, at kung anu-ano pang mga gusto nilang gawin sa mga napanalunan. Ipinagbukas din sila ng mga magulang niya ng sari-sarili nilang bangko na magkakapatid.

Kaya na-miss niya nang husto ang binata, lalo na ang mga ngiti at titig nito sa kanya. Naudlot din tuloy 'yong balak na pagbisita niya sa bahay nito para magbasa ng mga history books nito. Hindi siya mahilig sa tungkol sa history, pero mukhang dahil sa guwapong binata ay mamahalin na niya ang tungkol sa kasaysayan.

LBT Book 1: Cleo's Three Wishes (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon