"GENIE, alam ko na ang third wish ko, at umaasa akong sana ay matupad ito dahil ito talaga ang pinakagusto kong maikasatuparan sa lahat! Please, Genie, alam kong kaya mo 'to! Fighting!" aniya.
Saka niya muling binasa ang isinulat niya sa maliit na papel: Mahalin ni Josiah Kim, ang 'Coffee Prince'. Wala na siyang pakialam kung may girlfriend o fianceé na ito, ngayon lang naman siya naging selfish sa buong buhay niya, e.
"Sunugin mo na at nang mabasa ko na." anang Genie.
Napakamot siya ng ulo. "Pero alam mo Genie, ngayon lang ako nakakita ng ganito e, 'yong sinusunog 'yong wish para mabasa at maisakatuparan mo. Kasi sa mga napapanood ko sa mga pelikula at TV, sinasabi lang nila at nagkatotoo na agad, e." aniya.
"Ang dami mong sinasabi, gusto mo bang matupad 'yang kahilingan mo o hindi?" anang Genie, na mukhang nababagot na sa paghihintay ng wish niya.
"Ang sungit naman nito, last na nga nating pagkikita ito dahil nagamit ko na lahat ng wishes ko, e." aniya.
"Hindi ako masungit, naiinip lang ako dahil pinapatagal mo pa ang exposure ko, e." Anito.
Natawa at napailing na lang siya. Saka sinunog ang maliit na papel. Napapikit siya at pinagsiklop ang dalawang kamay at umaasang sana ay magkatotoo. Masisiyahan talaga siya kapag nagkatotoo ang kahilingan niyang 'yon. Mapapasakanya na ang lalaking matagal na niyang pinapangarap, the ever gentleman and sweet JK. Gusto niyang mapatili.
Last Saturday ay inihatid siya ng lalaki pauwi sa bahay nila, kasama nila si Jessy nang mga sandaling 'yon at ipinakilala sila sa isa't isa. Ramdam niya sa mga titig ng babae na hindi siya gusto nito, kaya hindi niya ito nagawang makausap dahil ayaw niyang makipag-usap sa babaeng alam niyang makikipag-plastikan lang naman sa kanya. Ayaw kasi niya ng mga gano'ng klaseng tao, kaya natahimik na lang siya sa backseat.
Kahit duguan ang puso niya ay nagdidiwang pa rin 'yon dahil siya ang kinakausap ni JK, at tila wala doon si Jessy. Kahit papaano ay naghihilum ang sugat sa puso niya dahil doon.
Kaya nga naman pinag-isipan niya nang husto kung isasagawa talaga niya itong pangatlong wish niya at ngayong linggo nang gabi nga niya napagdesisyonan gamitin ang huling baraha niya.
Nagdilat siya ng mga mata at bumaling sa lampara sa harapan niya na naramdaman niyang biglang namatay. Nagtaka pa siya nang makita niyang hindi nasunog ang kalahati ng papel na pinagsulatan niya ng kahilingan niya, kaya mabilis siyang bumaling sa Genie na naroon pa rin sa tabi niya.
"Ano'ng nangyayari?" nagtatakang tanong niya.
"Hindi ko maaaring matupad ang huling kahilingan mo." Sagot nito.
"Ano? Bakit?" mabilis na reklamo niya.
"Kaya kong maisakatuparan ang lahat ng mga kahilingan ngunit hindi ko kayang kontrolin at baguhin ang damdamin ng isang tao." Anito.
Saglit siyang napanganga at natulala sa narinig bago siya nakabawi. "Genie naman e, gumawa ka ng paraan. Please lang..." pakiusap niya.
"Eh, sa hindi nga puwede, bakit ka ba makulit d'yan?" naiiling na sabi nito.
"Sige na, please... Ang guwapo mo pa naman, e." muling pakiusap niya.
"Huwag mo akong inuuto dahil hindi ko talaga kayang maisakatuparan ang huling kahilingan mo. Kung may naisip ka nang pangatlong kahilingan na kaya kong matupad ay tawagin mo lang ako." anito. Akmang magsasalita pa sana siya ay bigla na itong naglaho na parang bula.
Napaupo siya sa sahig at tila pinanghinaan ng katawan. "Bakit hindi puwede?" malakas na sigaw niya. Gusto tuloy niyang humagulgol at mag-iiyak dahil hindi kailanman matutupad ang pangatlong kahilingan niya—at ang ibig sabihin lang n'on ay hindi na mapapasakanya kahit kailan ang lalaking pinapangarap niya.
BINABASA MO ANG
LBT Book 1: Cleo's Three Wishes (Completed)
General FictionCleo's three Wishes: 1. Yumaman kaming mag-anak. 2. Maging sikat na estudyante sa University na pinapasukan niya. 3. At mahalin ni Josiah Kim, ang 'Coffee Prince' at ang lalaking matagal na niyang pangarap.