Wish 4

422 17 0
                                    


NAUNA NANG umuwi ang tatlong mga kaibigan ni Cleo Ann, naghihintay pa kasi siya ng jeep na masasakyan pauwi sa kanila. Hihintayin na lang sana niya ang papa para sunduin siya kaso pasado alas sais o alas siyete pa ito matatapos sa biyahe, hindi na siya makakapaghintay ng dalawang oras dahil masyado siyang na-stress; physically, mentally and emotionally. Pero kung iisipin talaga, mas na-stress pa siya doon sa babaeng kasama ni JK kanina!

Kung sana may fairy God mother din siya tulad ni Cinderella, o Genie in the bottle tulad ni Alladin, o Doraemon ni Nobita, eh, di sana masaya ang buhay niya at anytime ay maaari niyang makuha ang puso ni Josiah, hindi na kasi yata niya mahintay na ma-fall ito sa kanya dahil mas imposible pa 'yon sa salitang imposible!

Habang naghihintay siya ng jeep ay bigla na lang may nagsalita sa kanyang tabi, hindi pa siya makapaniwala na kinakausap siya nito—at kung totoo ba itong nasa tabi niya ito nang mga sandaling 'yon—si Josiah Kim ang tinutukoy niya! Hindi niya maikurap ang kanyang mga mata sa pagkagulat dahil sa pagkakakita dito, kumbaga sa isang idol-fan, na-starstruck siya!

"I think this is yours." Muling sabi ng binata na nakaumang sa kanyang harapan ang isang folder, sa dami kasi ng dalahin niya at iniisip ay hindi na niya namalayan na nahulog na pala niya 'yon.

"T-Thanks po." Nabubulol at kinakabahang sagot niya.

Ngumiti ito at tumango sa kanya. Kung gusto ka nga naman talagang paglaruan ng tadhana. Omg! Mula sa folder ay bigla na lang nahulog ang isang page ng notebook na pinunit niya kanina at pinagsulatan at pinuno niya 'yon ng pangalan ni Josiah Kim. Dapat ay itatapon na niya 'yon dahil baka may makakita pa sa notebook niya, pero isiniksik na muna niya 'yon sa folder at minsanan na lang itatapon.

Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na pinulot ang isang piraso ng notebook niya na may nakasulat at naka-doodle ng pangalan ng lalaki. Shocks! Nabasa yata niya! OMG! Nag-init ang kanyang buong pakiramdam, na anumag oras ay gusto na lamang niyang magpatangay sa truck na makikita niya sa daan sa labis na kahihiyan. Wala na yata siyang mukhang ihaharap sa lalaki. Napayuko siya at napakagat sa ibabang labi niya.

"Ikaw din 'yong estudyanteng nasa library last last time na binigyan ko ng Mok candy, 'di ba?" tanong nito. Hindi tuloy niya alam kung dineadma nito ang nakita nitong papel na may nakasulat na pangalan nito, o ayaw lang nitong may mailang sa kanila.

Dahan-dahan siya nag-angat ng tingin at tumango sa lalaki. "Opo, sir." Aniya.

"Naalala ko pa nga, parang balak mo nang punitin 'yong librong hawak mo dahil sa inis mo nang araw na 'yon. At ikaw din 'yong nauntog sa glassdoor sa JK Cofee shop dahil hindi natin napansin ang isa't isa." nakangiting sabi nito. Shocks! Huwag kang ngumiti, Sir, baka bigla kitang maiuwi sa bahay namin! Nahihiya siyang tumango sa binata. But at least, naaalala siya nito! Hindi niya napigilang kiligin nang bongga, kulang na lang ay mapangiti siya.

"A-Ako nga po pala si Cleo Ann, sir." Wala sa sariling pakilala niya ng pangalan.

"Nice to meet you, Cleo Ann," nakangiting sabi nito. "Kailangan ko pa bang ipakilala ang sarili ko sa 'yo?" anitong alam niyang nagbibiro lang ito dahil sa mga ngiti nito, pero pakiramdam niya ay pulang-pula na ang kanyang mukha dahil sa kahihiyan. Pahamak na folder! Hindi na siya nag-react dahil baka magmukha pa siyang defensive. Ngumiti at napakamot na lang siya ng ulo. "I'm Josiah Kim, at kailangan ko nang umalis dahil pupunta pa ako sa coffee shop." Paalam na nito, kapagdaka'y tuluyan na rin itong umalis sa harapan niya.

Nanatili siya sa kinatatayuan niya habang binabalikan ang kanina lang na naganap. Oh, my God! Tili niya sa loob-loob saka siya impit na kinilig. Sobrang saya at kilig niya! Akala talaga niya kanina ay maba-bad mood na siya buong araw, pero bago pa man matapos ang araw na 'yon ay pinakilig siyang muli ni JK. Feeling nasa cloud 9 tuloy siya. Sana hindi niya makalimutan ang pangalan ko. Munting hiling niya.

Dahil sa pagiging lutang niya nang mga sandaling 'yon ay napalagpas tuloy niya ang jeep na inaabangan niya, pero hindi siya na-bad mood!

NAGLALAKAD na noon si Cleo Ann pauwi sa bahay nila nang may makita siyang matandang babae na nangangalkal ng mga maaaring i-recycle mula sa basurahan, pagkatapos nitong maihiwalay ang mga puwede pa ay inilagay nito 'yon sa malaking sako nito. Marahil ay nasa mid sixties na ang matanda, madumi ang balat at damit nitong butas-butas at magulo ang buhok. Hindi tuloy niya maiwasang malungkot dahil bigla niyang naalala ang lola niya sa mother side, nasa probinsya ito at bihira silang magkita dahil sa pagiging abala niya sa pag-aaral.

May mga dumadaang mga tao sa tabi ni lola ngunit nilalagpasan lamang nila ang matanda. Lumapit siya sa matanda saka niya ito tinulungang ilagay ang sakong buhat-buhat nito sa karitong tinutulak nito. Mabigat na ang sako kaya mas naawa siya sa matanda dahil kinakaya nitong buhatin 'yon. Nagulat pa ito nang mabilis niya itong tinulungan.

"Maraming salamat, Ineng." Nakangiting sabi ng matanda sa kanya. Nakita niyang may malaki itong nunal sa tungki ng ilong nito, madumi ang buong katawan nito at mabaho ang amoy, marahil ay dahil nabilad ito sa init ng araw at natuyuan ng pawis.

Ngumiti naman siya dito. "Wala pong anuman, lola." Aniya. Saka niya inilabas ang biscuit na nasa bag niya at inabot sa matanda. "Baka po nagugutom na kayo."

Tumango ito at ngumiti sa kanya. "Napakabuti mo naman, Ineng, sana ay marami ka pang katulad dito sa mundo." Nakangiting sabi nito.

"Hindi naman po," nakangiting sabi niya. "Malayo po ba ang bahay n'yo dito? Magagagabi na po kasi, e, teka po, wala po ba kayong kasama?"

"Malapit lang ako dito, Ineng, at wala akong kasama."

Tumango naman siya. "Mag-iingat po kayo kung gano'n, sige po, mauuna na rin po ako." ngumiti siya at akmang tatalikod na sa matanda nang awatin siya nito nang mabilis. "Bakit po?" tanong niya.

"Dahil sa kabaitang ipinamalas mo sa matandang katulad ko ay may ibibigay ako sa 'yo." Anito, saka ito may kung anong hinanap sa loob ng sako nito at inilabas ang isang lumang lampara at ibinigay sa kanya.

Tipid siyang napangiti. "Naku! Huwag na po, 'la," aniya, hindi naman kasi niya kailangan 'yon at baka mahal pa 'yon kapag ibinenta nito 'yon.

Ngunit iginiit ng matanda ang lumang lampara sa kanya, napatitig siya sa kulay ginto ngunit lumang-luma ng lampara, hindi na uso ang lampara ngayon, saan niya gagamitin 'yon? Nang balingan niya ang matanda para magpasalamat na rin ay nagulat at nagtaka siya dahil bigla na lang itong nawalang parang bula.

Luminga-linga siya sa paligid ngunit ni anino nito ay hindi na niya makita. Pinanindigan tuloy siya nang balahibo. Imposible kasing bigla na lang itong umalis at mawala sa harapan niya nang hindi napapansin ang pag-alis nito, ni hindi nga niya narinig ang ingay mula sa kariton nito.

Hindi na siya nagtagal sa lugar na 'yon dahil baka may maligno doon kaya nagmamadali na siyang umalis. Naisip pa niya, paano pala kung multo ang nakausap niyang matanda? Gusto tuloy niyang magtatakbo nang mabilis.

Pero imposible namang multo 'yong nakausap niyang matanda dahil binigyan pa siya nito ng lumang lampara. Teka, baka naman engkanto! Mas binilisan na niya ang paglalakad na halos madapa-dapa pa siya.

LBT Book 1: Cleo's Three Wishes (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon