"ATE, PARA saan 'yong lumang lampara na inuwi mo? Project mo ba 'yon?" tanong ni Claudin, nang nasa hapag-kainan na sila.
Umiling si Cleo Ann sa kapatid. "May weird na matandang babaeng nagbigay n'yon sa akin kanina." Sagot niya.
"Weird?" nagtatakang tanong naman ni Carolyn.
"Bigla kasing nawala 'yong matanda sa harapan ko, e." aniya.
Biglang nanlaki ang mga mata ng dalawang nakababatang kapatid niya. Pati ang mama Bel niya na noon ay abala sa bunso nilang si Carylle at ang papa Bobby niya ay bumaling sa kanya na nagtataka ang mga mukha.
"Baka naman namalikmata ka lang sa nakita mo, o baka wala ka talagang nakitang matandang babae nang mga sandaling 'yon." sabi ng papa niya.
"Papa, may lumang lampara nga siyang ibinigay sa akin, e." aniya.
"Hala, ate! Paano kung time bomb pala ang lamparang 'yon?" ani Claudin.
"Hindi," mabilis niyang sabi, "In-inspect ko na 'yon kanina, lampara lang talaga siya na di-gas, may kaunti pa naman 'yong gas pero hindi tayo gumagamit n'yon, e." aniya.
"Mabuti pa anak itapon mo na 'yon mamaya, baka kasi may-sa maligno pala ang lampara na 'yon." anang mama niya, na mabilis sinang-ayunan ng lahat.
Nang matapos silang kumain ay sina Claudin at Carolyn na ang nagligpit ng mga kinainan nila. Paakyat na rin sana siya sa kuwarto niya nang maalala niya ang lumang lampara na inilagay niya sa loob ng cabinet sa ilalim ng lababo nila. Itatapon nga pala niya 'yon dahil baka nga may-sa maligno 'yon ayon sa mama niya.
Nang makuha niya ang lumang lampara ay nagpaalam na muna siya na lalabas para itapon ang lamparang 'yon sa malaking basurahan nila sa likod-bahay. Nang makarating siya sa likod-bahay ay pinakatitigan muna niya saglit ang lumang lampara, saka niya 'yon pinampag para mabasa ang mga nakasulat na sinaunang letra, ngunit mabilis din niyang initsa ang lampara sa malaking basurahan sabay talikod ngunit napatigil siya sa paghakbang nang mula sa pinagtapunan niya ay biglang nagkaroon ng makapal na usok.
Mabilis siyang bumaling sa likuran niya para makita ang pinanggagalingan ng usok, at nanlaki ang kanyang mga mata nang ang usok na 'yon ay galing sa lumang lampara. Pinangilabutan siya. Hindi naman niya 'yon sinindihan para magka-usok at kung nasindihan man 'yon, masyado namang makapal ang usok na nanggagaling doon.
Napalunok siya nang mariin at dahan-dahang umaatras, baka mamaya may kapre nang kasunod na magpapakita sa kanya. Unti-unting nanlalaki ang kanyang mga mata nang mula sa usok ay may lalaking biglang humuhulma mula sa usok.
Hanggang sa biglang bumulaga sa harapan niya ang isang lalaking nakalutang sa ibabaw ng lampara. Nanlaki ang mga mata niya at kinusot-suot 'yon, nakita niyang ngumiti sa kanya ang lalaking nasa ibabaw ng lampara, hindi niya ito makitaan nang ng tuhod pababa. Hindi niya namalayan na sa gulat niya ay nakanganga na siya at hindi makagalaw sa kanyang kinatatayuan.
"Maraming salamat sa pagpapalaya mo sa akin mula sa lumang lampara na 'yan," masayang sabi ng lalaking nakalutang sa ibabaw ng lampara, nakasuot ito ng gintong tsaleko at sapin pambaba, matangkad din ito at hindi nalalayo ang hitsura sa guwapong actor na si Piolo Pascual.
"Piolo, ikaw ba 'yan?" hindi niya napigilang itanong.
"Hindi ko kilala 'yang sinasabi mo," anito, saka ito muling ngumiti. "Mahigit isang daang taon din akong nakulong d'yan sa lampara dahil sa isang salbaheng salamangkero, at tanging may mabubuting puso lamang ang maaaring magpalaya sa akin mula sa lampara na 'yon." anito.
BINABASA MO ANG
LBT Book 1: Cleo's Three Wishes (Completed)
General FictionCleo's three Wishes: 1. Yumaman kaming mag-anak. 2. Maging sikat na estudyante sa University na pinapasukan niya. 3. At mahalin ni Josiah Kim, ang 'Coffee Prince' at ang lalaking matagal na niyang pangarap.