Wish 14

324 12 0
                                    

"What?" tanong niya dito.

"I'm here to court you again, Cleo Ann." Seryosong sabi nito.

Saglit siyang natigilan bago umiling-iling. "Sa pagkakaalala ko ay nasabi ko na sa 'yong hindi na kita gusto at may nagugustuhan na akong iba." Aniya. Nilagpasan niya ito at tuluyang pumasok sa coffee shop at pumuwesto sa isang mesa, agad niyang nakita si JK na noon ay abala sa isang customer, ngunit agad ding natakpan ang lalaki ng kung sinumang humarang sa harapan niya—si Emman ulit!

Naupo ito sa harapan ng upuan niya at iniabot sa kanya ang mga dala nito, na hindi niya pinansin. "I'm really serious about you, Cleo Ann, I still love you, at sa mahigit apat na buwan nating pagkakahiwalay ay na-realize ko sa sarili ko na walang makakapantay sa 'yo." Anito.

"Emman, puwede ba, tumigil ka na kalokohan mong 'yan dahil hindi mo na uli makukuha ang puso ko dahil nakuha na siya ng iba." Aniya.

"Nakuha na ni Sir Kim?" anito, hindi siya nagsalita. "Bukod sa hindi maaari ang teacher-student relationship sa school, dahil paniguradong isa sa inyo ang maki-kickout, for your information, may girlfriend na siya at hindi na kayo puwede." Pagdiriin nito sa mga bagay na matagal na niyang alam at dahilan kung bakit siya nasasaktan.

"At ikaw naman, kahit paulit-ulit kang manliligaw sa akin, paulit-ulit din ang magiging kasagutan ko sa 'yo—hindi puwede at hindi na kailanman magiging puwede. Tapos na ang kung ano'ng meron tayo dati." Sagot niya, hindi ito nakaimik. "Alam kong hindi maganda ang breakup natin, dahil na rin sa 'yo at sa pagto-two time mo, siguro ito na rin ang magandang time para sa closure ng relasyon natin, inaamin ko naging masaya ako kasama ka, pero Emman, hindi ko pa nararamdaman ang sobrang kasiyahan na kahit walang ginagawa ang lalaking gusto ko ay masayang-masaya pa rin ako, I really like him, no, I love him." Aniya sa lalaki.

Nagulat siya nang hawakan nito ang kamay niya. "Hindi kayo bagay."

"At ano? Tayo ang bagay? Come on!" naiiling na sabi niya at mabilis binawi ang kamay na hawak nito—ngunit nakita ni Josiah ang eksenang 'yon nang lumapit ito sa kanilang dalawa ni Emman sa mesa para magtanong ng order nila.

Nakita niyang nawala ang mga ngiti nitong kanina ay taglay nito sa isang customer na ni-serve nito, napaka-seryoso nito ngayon na nakatingin sa kanila ni Emman—na anytime ay parang lalamunin nito ang lalaking kasama niya sa mga titig nito. Ngayon lamang niya ito nakitang nagseryoso nang gano'n, palibhasa ay nakilala niya itong masayahin at cool.

"May order na ba kayo?" tanong nitong walang kangiti-ngiti sa mukha, ni hindi nga nito sinusuklian ang mga ngiti na ibinibigay niya dito.

"Mag-order ka na, babe." Ani Emman sa kanya, kaya binalingan niya ito at halos sugatin sa pamamagitan ng matalim niyang mga tingin. Nang bumaling siya kay JK ay nakakunot na ang noo nito.

"Tumawag na lang kayo ng sino'ng waiter kapag mayroon na kayong mga orders." Naiinip na sabi ni Josiah, saka ito nagpaalam sa kanila. At ngayon lang din itong umakto na nainip sa paghihintay sa order ng mga customers.

Namali ba ang gising nito at daig pa nito ang nagme-menopause na babae nang mga sandaling 'yon? Ano'ng nangyari dito at hindi yata maganda ang araw nito? Hindi na niya ito matatanong dahil inabala na nito ang sarili sa paggawa ng paperworks nito sa dulong mesa. Hanggang tingin na lamang siya nang mga sandaling 'yon.

"Hoy ikaw, bakit mo ako tinawag na babe? Hindi mo ba talaga naiintindihan ang salitang 'ayaw na kita?' o gusto mong paulit-ulit na mabasted?"

"Please give me a chance to prove my love for you." Pakiusap nito.

Tutal nawalan naman na siya ng ganang magkape, pagkatapos niyang tapunan nang malungkot na titig ang pinakamamahal na binata na noon ay abala sa ginagawa nito ay tuluyan na rin siyang tumayo sa kinauupuan at nagmamadaling lumabas ng coffee shop. Ngunit nakakainis dahil nakasunod pa rin sa kanya ang mokong niyang ex-boyfriend. Nang pumara pa nga siya ng taxi at pumasok sa loob ay mabilis ding sumakay ang hinayupak. Gusto tuloy niyang sipain ito palabas ng sasakyan para matigil na ito sa kakulitan nito sa kanya!

PAGKAUWI ni Cleo Ann sa bahay nila isang hapon ay naabutan niya ang mga magulang niya na nagtatalo dahil sa negosyo, ito na ang pang-apat na beses. Hanggang sa nag-walk out ang mama niya at nagtungo sa kuwarto ng mga ito at naiwan sila ng papa niya sa salas.

"'Pa, ayusin n'yo agad ni mama 'yan at pag-usapan n'yo nang mabuti, hindi 'yong lagi kayong nagtatalo dahil lang sa negosoyo," madalas ay tungkol sa wages ng kanilang mga taxi drivers ang pinagtatalunan ng mga ito.

Napabuga ng hangin ang papa niya at umiling. "Pasensya ka na anak, na-stress lang kami pareho ng mama mo dahil hindi pala madali ang magkaroon ng sariling taxi company, pareho din kaming nangangapa." Anang papa niya.

Tumango naman siya. "'Pa, huwag n'yo nang palalain ang away n'yo ni mama, makipag-ayos na kayo." Aniya, na tipid nitong tinanguan.

Naabutan naman niya ang mga kapatid niyang abala sa mga gadgets at ayon sa mga katulong ay nauna na daw kumain ang mga ito, isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi na sila madalas nagkakasabay kumain sa hapag-kainan. Hindi tuloy niya maiwasang ma-miss ang buhay nila noon.

Ang maganda lang sa buhay nila ngayon ay hindi sila nagkakaroon ng utang at agad na nababayaran ang mga bayarin dagdag na nabibili na rin nila ang mga gusto nilang bilhin, kaya lang ay nawala na ang pinaka-importanteng bagay sa pamilya nila—ang magandang samahan nila! Nami-miss na niya 'yon.

Hanggang sa pagtulog niya ay dala niya ang isiping tungkol kay JK at sa pamilya niya. Napapaisip tuloy siya nang malalim. Kung papipilin siguro siya uli kung ang buhay niya noon kumpara sa ngayon ay mas pipiliin niya ang noon—masaya sila kahit simple lang ang pamumuhay nila. Siguro makakahanap pa rin naman sila ng perang pambayad sa mga bayarin nila—pero hindi nila kailanman mahahanap ang magandang samahan ng pamilya. Hindi na siya masaya sa buhay na ito at ang kinahinatnan ng pamilya nila, gusto na niyang bumalik ang lahat sa dati!

Mabilis siyang tumayo at nagtungo sa harapan ng study table niya at mula sa drawer n'yon ay inilabas niya ang mahiwagang lampara doon, dahil hindi kaya ni Genie ang pangatlong wish niya, maaari pa namang gamitin 'yon, 'di ba?

Binigkas niya ang lumang letrang naka-engraved sa mahiwanag lampara para palabasin ang Genie, nagkausok nang makapal saka lumabas ang guwapong Genie. Saka siya mabilis na nagsulat ng wish niya sa maliit na papel saka sinindihan ang lampara.

"Mayroon pa akong third wish, 'di ba?" tanong niya sa Genie.

Tumango ang Genie sa kanya. "Sunugin mo na ang maliit na papel para sa pangatlong wish mo!"

LBT Book 1: Cleo's Three Wishes (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon