January 6, 2012 [2]

10.2K 345 78
                                    

9:21 PM

Hoy! Diary,

Hindi ako hinabol ng mga langaw kanina no'ng pumasok ako sa school. Hindi ako sanay ng gan'to, diary. Mas gusto ko 'yong amoy ko dati.

Nga pala, alam mo bang ang saya ko kanina pero sobrang badtrip rin ako? Kanina kasi sa school, nakipaglaro ako ng teks saka pogs sa mga kaklase ko. No'ng recess time namin nando'n ako sa stage, nakikipaglaban ng pogs.

Alam mo bang sinuwerte ako ngayong araw kasi sobrang dami kong napanalunang pogs saka tex. Itinago ko 'yong mga napalanunan ko sa bag ko kasi 'pag nakita ni Mrs. Kadiliman 'yon ay kukumpisin niya lang.

Kanina dahil sobrang saya ko, nakinig ako sa lesson niya. Isinantabi ko muna 'yong galit ko sa kanya tutal nakaganti naman na 'ko sa kanya kaya nakinig na lang ako sa itinuturo niya.

Pag-uwi ko dumaan ako sa bakery nila ate Pan. Gaya ng dati, busy na naman siya sa pagkalkula sa calculator niya. Binibilang na naman niya 'yong pinagbentahan ng bakery nila. E di kinuwentuhan ko na lang siya habang busy siya do'n sa pagsusundot.

Kinuwento ko sa kanya kanina na pinaliguan ako ni Nay Kia at Tay Nok tapos tawa siya nang tawa. Alam mo diary, si ate Pan lang 'yong 'di nagrereklamo sa masangsang kong amoy kaya close kami 'no? 'Di mo ba napapansin? Ang tanga-tanga mo rin, e, 'no? HAHA~

Bago ako umuwi pinakain niya ulit ako no'ng ensamada niya na siya mismo 'yong nagmasa at nagluto. Ang sarap, diary no'ng "isfacial ensaymada" (special).

Hindi ko kinuwento kay ate Pan na nanalo ako ng maraming tex at pogs baka kasi 'di na niya ako bigyan ng tinapay 'pag nalaman niyang naglalaro ako no'n. Nakakaadik kasi 'yung laro na 'yun.

Nadaanan ko naman sila Budots na sumasayaw ng Budots. Pinagtawanan na naman nila ako kasi daw kalalaki kong tao nagda-diary ako. Ang ginawa ko naman, binuksan ko 'yong bag ko saka dumukot ako roon ng isang dakot na 'pogs' tapos ipinaagaw ko sa kanila.

Natawa na lang ako habang pinapanood sila. Para silang mga timang na nag-aagaw-agawan sa kapirasong kendi. Naawa naman ako kaya dinamihan ko na 'yong pogs na ipinaagaw ko sa kanila.

Tapos, a 'yun, tropa ko na sila. Team Budots pa nga 'yong name ng grupo nila e. Tuwang-tuwa ako kasi may team na ako. Bwikwikwik~ ako 'yong bagong recruit na member nila.

Iniwan ko na sila roon sa kalye habang naglalaro ng pogs. Tapos no'ng nakakalayo na ako tumingin ako ulit sa kanila tapos nagulat na lang ako nang makitang nagsasapakan na sila. Nagkapikunan yata. Mga siraulo talaga.

Naisip ko rin ngayon-ngayon lang na baka kaya lang nila ako isinali sa grupo nila kasi may kailangan lang sila sa 'kin. Hindi sila tunay na kaibigan! Bukas na bukas magpapaalam na ako sa Team Budots, aalis na ako. Kailangan lang kasi nila 'yong mga 'pogs' ko kaya kinaibigan nila ako. Kainis si Budots! Manang-mana talaga siya sa nanay niya! You sir! (user).

Eto na eto na diary, sasabihin ko na sa 'yo kung bakit ako na-badtrip. Hindi ko naman natapakan 'yong tae ng aso nila Manang Budat, naiwasan ko kasi 'yun kanina. Ang dahilan kung bakit badtrip ako ay dahil kay Nay Kia!

Ganito kasi 'yon...

Nasa harapan na ako ng bahay no'n tapos pinulot ko pa 'yong nalaglag na santol sa lupa. Kinain ko 'yon habang papasok sa bahay namin tapos 'di ko pa man naibaba 'yong bag ko ay inutusan na niya kaagad ako.

"Pipoy! Ibaba mo na 'yang bag mo. Tumakbo ka sa tindahan at bumili ka ng asukal!" iritang hiyaw niya.

"Bakit po?" tanong ko naman sa kanya. Ibinagsak ko na sa sahig 'yong bag ko. Ngumunguya pa rin ako ng buto ng santol habang kinakausap siya.

"Kasi magkakape ako!" sabi niya.

"Bakit po?" tanong ko.

"Kasi nauuhaw ako."

"Bakit po?"

"Tingnan mo nga 'to! Wala pa 'yang asukal! Ang tabang ng lasa!"

"Bakit po?"

"Kasi dapat nagkakape na ako kanina kaso nga lang 'yong Tay Nok mo na 'yan! Inubos 'yong asukal!"

"Bakit po?"

"Kasi ipinalaman niya sa pandesal na binili niya kanina roon sa bakery!"

"Bakit po?"

"Ay punyetang bata ka talaga! Pinagloloko mo na naman ako? 'Pag lumamig talaga 'tong kapeng 'to, ibubuhos ko sa 'yo para malapnos 'yang katawan mo!"

"Malamig na nga 'di ba? Nakakalapnos pa ba 'yon?" pamimilosopo ko sa kanya kaya 'yun kinurot niya ako sa singit. Napahiyaw naman ako kasi sobrang hapdi.

"Bibili ka ba o hindi?" tanong niya.

"Bibili na poooo, naayy! Aruyyy~"

"Heto ang beinte pesos!"

"Ah...bakit po?"

"Pipoooooooy!"

"Opoooo! Bibili na poooo nayyyy!"

Hinagad niya ako pero nagtatakbo na ako palabas ng bakuran kaya hindi na niya ako naabutan.

Pag-uwi ko sa bahay nakita ko Nay Kia na nagsisiga sa ilalim ng puno ng santol. Gano'n kasi 'yong lagi niyang ginagawa para daw mamulaklak 'yong puno at mamunga.

"Nay, ito na 'yung kape mo!" sigaw ko.

"Aba! Hindi ka rin bastos ano? Akin na nga 'yan! Kanina pa 'ko uhaw na uhaw, e! Ituloy mo 'tong pagsisiga ko. Sunugin mo lahat 'yan ah! Magkakape lang ako," aniya.

"Opo." Kinuha ko ang walis tingting at nagsimulang magwalis. Napatingin naman ako sa tumpok ng mga dahon na nasusunog. Kaagad naagaw nito ang aking atensiyon.

"Nay!" tarantang tawag ko sa kanya habang pinaghahampas ang tumpok ng kalat na nasusunog.

"Oh! Bakit ba?" galit niyang sigaw dahil naantala ko ang paglalakad niya.

"Bakit mo sinunog 'yong mga pogs at teks ko?" mangiyak-ngiyak kong tanong.

"Anong pogs at teks? Tigilan mo nga ako Pipoy sa mga kalokohan mo! Kung ano-ano natututunan mo sa school ah! Porke't nag-aaral ka, e, ini-english mo na ako ah! Pogs pogs pogs ka d'yan! He!" singhal niya sa 'kin.

Hays...so ayun nga dayari, wala na akong nagawa. Hindi alam ni Nay Kia kung ano 'yong pogs saka teks kaya siguro nasunog niya kasi akala niya basura lang.

HUKHUKHUKHUK~ *ganyan ako 'pag malungkot*

Nasunugan,
Pipoy

Diary ng Hindi Jutay (Daks 'to!) "NOT A PORN STORY"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon