Ang Istorya ni Genoveva Part 2

1.8K 67 0
                                    

Masayang masaya si Concha. Hinimas pa ang medyo naka-umbok ng tiyan at tumingin sa mga magulang. Naipagtapat na nila ni Cesar ang planong pagpapakasal at pati narin ang kanyang pagbubuntis. Nung una ay tila galit ang ama niya ngunit naisip siguro na nasa wastong edad na sila ni Cesar at isa pa ay galing sa buena familia ang lalaki kung kaya iginawad narin nilang mag asawa ang basbas para sa nais ng dalawa. Ramdam naman nila na mahal na mahal ng kanilang mamanugangin na malapit naring maging isang ganap na medico ang kanilang anak. Lumabas na ang resulta ng Board Examination para sa Medisina at isa si Cesar sa pinalad na makapasa. Naghihintay na lamang ito ng panunumpa ng kanyang Hippocratic Oath upang makapanggamot na.

Hindi na nila pinag usapan pa ang nanguari noong gabi ng komprontasyon kay Genoveva. Naibaon narin naman sa limot ang babae dahil wala na silang narinig kahit ano mula rito. Ang tanging nabalitaan nila ay inatake sa pusonang ama nito dahil hindi ito pinanagutan ng nakabuntis sa anak at tuluyan ng nasiraan ng katinuan ang ina ni Genoveva hanggang natagpuan na lamang itong nakabigti sa loob ng sariling pamamahay sa bukana ng gubat. Wala ng narinig pa mula kay Genoveva. Inisip na lamang ni Concha at Cesar na dahil nga sa nakunan ay nilisan na nito ang lugar nila upang makapagsimula ng bagong buhay.

Gaganapin ang kasal ng magkasintahan sa lalong madaling panahon sa nag iisang simbahan sa bayan nila. Masasabing engrande ang kasalang iyon na buong araw tutunog ang batingaw. Ang salo salo ay gaganapin sa plaza kung saan panauhing pandangal ang kanila mismong alkalde. Napapalamutian ng mga sariwang rosas na kulay puti ang buong plaza.

Bisperas ng gabi ng kasal nila Cesar at Concha, humahangos na kumatok ang sakristan ng simbahan sa bahay ni Concha.

"Ate Concha! Ate Concha! Dali! Kailangan mong magtungo sa plaza!" Sabay katok ng paulit ulit.

Magkakasabay na bumaba upang daluhan ang panauhin sila Concha at kanyang mga magulang.

"O Pedrito, ano at humahangos ka riyan?" Tanong ng ama ni Concha.

"Magandang gabi po Doctor, Misis. Ate Concha kailangan mong magtungo sa plaza ngayon din. Dinaanan ko na si Kuya Cesar at naroroon na siya. Dali kayo!"

Hindi na nag gayak ang mag anak at kumuha lamang ng pranelang pananggalang sa ginaw ng gabi at sabay sabay na nagtungo sa plaza.

Sa bukana pa lamang ng plaza ay naroon na ang ilan nilang kababaryo. Pagkakita ng mga ito kay Concha ay nagbulong bulungan.

"Napakarami namang lalaki kung bakit iyong may pananagutan na pala..."

"Eh kasi mahirap lang iyong isa. Ikaw ba papayag na matali ang anak mo sa isang dukha?"

"Kaawa awa naman ang babae! Walang kasing sama naman iyong lalaking iyon!"

Hindi maintindihan ni Concha ang nangyayari. Napanatag ng bahagya ang kalooban niya ng makita si Cesar. Ngunit napakadilim ng mukha nito at hindi niya kayang arukin ang saloobin ng katipan.

Nagtama ang kanilang mata ni Cesar at agad itong lumapit sa kanya at sa kanyang mga magulang.

"Anong nangyayari Cesar? Anong gulo ito? May nasira ba sa bulwagan para bukas?" Tanong ng kanyang ina.

Hindi ito sinagot ni Cesar bagkus ay niyakap nito si Concha.

"Si Ge-genoveva..."

Halos mabingi si Concha ng marinig ang pangalang Genoveva. Kumawala siya sa mga bisig ni Cesar at lumakad palapit sa pinaka sentro ng paggaganapan ng piging nila kinabukasan.

At tumambad sa kanya ang isang kahindik hindik na tanawin na nagpatakas sa kanyang katinuan.

Ang mga puting telon na nakapalibot sa bulwagan ay nababahiran ng masaganang dugo na ginamit upang isulat ang mga katagang:

MALIGAYANG PAG IISANG DIBDIB CESAR AT CONCHA! DUGO NG SANGGOL NI CESAR ANG AKING MUNTING REGALO SA INYO. DADANAS KAYO NG LAGIM HANGGANG IKA-LIMANG SALINLAHI AT DOON AY TUTULDUKAN NG DIABLO ANG INYONG DUGO!

At sa gitna mismo ng bulwagan ay naka bigti ang walang buhay ng si Genoveva at sa tabi nito ay nakabigti din ang isang sanggol na tila kapapanganak pa lamang at nakalawit pa ang mahabang kordon ng pusod nito. Laslas ang leeg at mga pulso ng sanggol habang umiindayog pa ang munting katawan sa bawat hampas ng hangin. At ng tingnan ni Concha ang mukha ng sanggol ay tuluyan na siyang nawalan ng ulirat.

Titig na titig sa kanyang kaluluwa ang dilat at walang buhay ng mga mata ng anak ni Cesar!

⛓ANINO ng SUMPA⛓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon