Libing

1.8K 66 1
                                    

"MAGPAPAALAM na kami Randy, Sir, Mam...condolence po ulit."

"Salamat. Salamat sa inyo." Sagot ng ama ni Claire na mugtong mugto parin ang mga mata sa kaiiyak. Dalawang araw palang itong nakakabalik sa Pilipinas mula sa Amerika kasama ang kabiyak. Ang ina naman ni Claire ay naghahatid ng mga panauhing sumama sa paghahatid kay Claire sa huling hantungan nito. Matapos ang libing ay sama sama ang mga kaanak, kaibigan, mga ka trabaho ni Randy at kapitbahay na nagsalo salo ng meryenda sena at pagsunod narin sa nakagawiang "pagpag" sa tahanan ng mga De Dios. Nang maihatid na ang huling bisita sa pinto palabas ay marahang ipininid ng ina ng yumao ang naturang pinto at tumungo sa sala kung saan nakaupo sila Randy, ama ni Claire, Manang Gemma at Emy sa sofa set doon. Pagod na pagod at nanlulumo silang lahat.

"Mam, Sir, Sir Randy, magliligpit muna ako ng mga pinagkainan ng mga panauhin. Emy dito ka muna sa mga lolo at lola at daddy mo ha? Tatpusin ko na muna ang pagliligpit."

Marahang tango lang ang isinagot ng nakatatandang mag asawa. Si Emy naman ay sumiksik sa pagitan ng kanyang lolo at lola. Tila naman nawalan na ng lakas ng katawan si Randy, at hindi nagsasalita. Nakatulala lang ito at nakatingin sa angan angan, patuloy parin ang tahimik na pagdaloy ng masaganang luha ng pagdadalamhati. Hindi parin niya matanggap na wala na ang kabiyak at ang magiging anak sana. Napakaling dagok sa kanya magmula pa lang ng magising siya bago mag bukang liwayway sa nakapanghihilakbot na sigaw ni Manang Gemma. At nang magising ay wala ang asawa sa tabi niya at nang paglabas ng silid upang daluhan ang matandang kasambahay ay halos magunaw ang mundo niya ng makita mula sa puno ng hagdan ang nakahandusay na katawan wala ng buhay na asawang dilat na dilat parin ang mata at nakatarak ang karit nila na alam niyang nasa kanilang bodega sa tiyan nito at bakas ang halos tuyo ng dugo sa paligid nito.

At nang magtaas ng ulo si Randy ay siya din namang pag unat ng katawan ng mga magulang ni Claire. Nagkatinginan ang tatlo habang patuloy na nilalaro ni Emy ang kanina pa dalang Barbie doll. Nagtagos ang mga paningin ng tatlo. Magkakasalo sa pait at pighati na dulot ng biglaang pagpanaw ng mahal sa buhay. Nakidalamhati ang bawat isa sa tatlo sa dalawa pang kaharap sa pagkaulila sa asawa at anak naman para sa matandang mag asawa. Hindi na kinaya ni Randy ang sakit ng pagkamatay ng kabiyak at ng anak na hindi man lang nailabas sa isang maliwanag. Halos pagapang sa sahig na marmol, lumapit ito sa mga biyanan at mahigpit na yumakap.

"Ma, Pa! Wala na si Claire! Iniwan na niya tayo! Wala ba din ang baby namin! O Diyos ko! Claire!"

Kahit pa napakasakit din sa mag asawa ang pagkamatay ng kanilang natitirang anak sa isang nakapanghihinayang na paraan, tulad din ng naunang walang katuturang aksidente na kumitil naman sa buhay ng isa pa nilang anak na si Justine, inalo parin ng dalawang matanda ang tila batang humahagulgol at naghahanap ng sandigang si Randy. Nawalan ito ng asawa at magiging anak sana.

"Lakasan mo ang loob mo Randy anak. Ito na marahil ang takdang oras ni Claire." Sabi ng biyenang babae.

"Tama ang mama mo, marahil itinakda sila upang hindi maghiwalay ng inyong anak. Saan man sila naroroon ng sanggol sa sinapupunan niya, tahimik na sila. Kasama na nila ang kapatid niyang si Jazz..."

"Oh Diyos ko Benjamin! Ang dalawa nating anak! Wala ng natira sa atin! Iniwan na nila tayo pareho! Huhuhuhu!" Hagulgol ng ina sa pagkaka alala sa isa pang naunang nasawing anak na siyang ama ni Emy. At habang lumuluha ay napatingin ang ina ng nasawi sa apong si Emy na kanina ay abala sa paglalaro ng manika at tila walang kaalam alam sa mga nangyayaring trahedya sa buhay nila. Nakatingin ang paslit sa kanilang tatlo habang hawak parin ang kanina lang ay pinaglalaruang manika. Nakatingin ito sa kanilang tatlo. Ngunit hindi ang pagkakatingin nito sa kanila ang gumambala sa ina ni Claire. Nakatingin sa kanila ang apo.

AT NAKANGISI ito!

⛓ANINO ng SUMPA⛓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon