Ihinatid siya ng isang kawani ng pagamutan sa isang mahaba at may kadilimang pasilyo sa pinaka basement ng ospital. Habang tinatahak ang daan papunta sa silid ng pasyente ay bini brief siya nito sa background ng pasyente. Helena Advento ang pangalan nito. 58 taong gulang. Biyuda magmula pa ng ito ay 42 anyos pa lamang, may isang anak na babae na nagngangalang Leilani Advento na isa ring pasyente sa NuVera Asylum. May isang apo na nagngangalang Emerald Advento De Dios. Magmula daw ng ilagak sa pagamutang iyon si Helena ay hindi ito nagsasalita. Madalas dalawin ito ng asawa nung nabubuhay pa ang huli ngunit walang salitang maririnig mula dito. Nakatitig lang ito sa kawalan at minsan ay mababakas na takot na takot ito sa kung anong bagay. Isang beses lang ito nagsalita, noong dalawin ito ng anak upang himingi ng bendisyon na magpakasal sa nobyo.
Alam na lahat ni Randy ang ikinukwento ng kawani. Pinakinggan parin niya ito. Nagulat lang ito ng may sabihin pa ang kasama.
"Dito rin ho namatay ang ina ni Helena nung bago pa lamang ang NuVera."
"Ho?" Gulat na tanong ni Randy. Hindi alam ni Claire ang parteng iyon ng buhay ng ina ni Emy. Na ang lola pala nito ang una sa tatlong salinlahi na naging pasyente ng NuVera Asylum.
"Ang kwento nga po ng mga nag retiro na kawani dito ay hindi naman daw talaga baliw ang nauna sa tatlong henerasyon ni Helena Advento. Nag panggap lang daw itong baliw upang maligtas ang sariling buhay. Tulad ni Helena, hindi din ito umusal ni isang salita magmula ng tumapak dito hanggang sa mamatay. At tulad din ni Helena, madalas ay mababakas sa mga mata nito ang matinding takot."
"Nabanggit ba kung ano ang kinakatakutan nito?"
"Wala pong nakakaalam kung saan o ano ang kinakatakutan nito. Ngunit pag natatakot daw ito ay nakatitig lang sa isang parte ng kisame."
Nalarating na sila sa harap ng silid ni Helena Advento.
"Sige ho Sir, tumuloy na kayo. Dito ko nalang kayo hihintayin sa labas ng silid. Hindi po ako sigurado kung may mapipiga kayong impormasyon mula sa kanya. Baka hindi din ho ito magsalita. Anyway, good luck po. Tawagin nyo lang ako kapag tapos na kayo."
"Salamat."
Bumungad kay Randy ang madilim na silid na amoy kulob. Hinayaan niya munang mag adjust sa dilim ang mata. Naaninag nya ang hugis taong naka upo sa madilim na sulok ng silid, nakaharap ito sa dingding at nakatalikod sa kanya. Marahan niyang isinara ang pinto at umahem upang matawag ang atensyon ng babaeng sadya.
Hindi niya inaasahan na bibigyang pansin siya nito kung kaya nagulat siya ng magsalita ito. Malalim, paos at tila gasgas ang lalamunang boses na nakakapangilabot.
"Matagal na kitang inaantay. Walang ibang silya sa silid ko kaya hindi kita maaayang maupo. Alam ko ang sadya mo. Ilan na ang nagbuwis ng buhay?"
"Bakit nyo--lima ho. Isa na don ang asawa ko at ang sanggol sa sinapupunan niya ang aksidenteng nasawi."
"Walang aksidente sa pagkakasawi ng limang buhay na iyon."
"A-anong ibig niyong sabihin? Paanong...?"
"Makinig ka sa akin. Hindi ako baliw. Desisyon ko ang mamalagi dito upang makaligtas sa malagim na kamatayan. Hindi ako takot mamatay. Ngunit takot akong mamatay ng hindi ko pa oras at sa isang napakalagim na pamamaraan sa kamay ng isang demonyong sasakop pati sa kaluluwa ko."
"De-demonyo?"
"Oo demonyo. At paulit ulit na may mamatay sa bawat henerasyom ng salinlahi ng nanay ko. Alam ko na ngayon kung bakit lahat ay ginawa niya upang huwag ako makapag asawa. Upang wala akong lalaking makilala. Upang huwag ako magka anak. Kay tagal kong sinisi ang aking sarili nung malaman niyang nabuntis ako ng ama ni Leah. Akala ko nabaliw siya sa sama ng loob ng malamang hindi ako makapagtatapos ng pag aaaral. Wala akong maintindihan sa mga sinasabi niya noon. Na demonyo ang batang nasa sinapupunan ko-si Leah nga. Na sa batang iyon magmumula ang mas malagim pang paghahasik ng kamatayan ng demonyo. Akala ko ay si Leah ang tinutukoy nya. Hindi pala."
Tahimik na nakikinig si Randy sa matandang wala ni ano mang bakas ng pagkasira ng isipan.
"Ano ang petsa ng kapanganakan ng anak ni Leah?"
"Ho? Hu-hunyo asais ho."
"Anong taon?"
"2006 po."
"Diyos ko! Mahabaging Diyos Ama! Maawa po Kayo sa amin! Siya! Ang batang inyong kinupkop at itinuring na anak! Siya ang aakayin ng Diyablo upang makarating sa mundo ng tao! Isa lang ang paraan para mapigilan ang walang katapusang lagim!"
"PATAYIN MO ANG BATANG IYON! PATAYIN MO ANG APO KO!!!"
BINABASA MO ANG
⛓ANINO ng SUMPA⛓
Horreur#PHTimes 2019 #1 in Horror🏅11142018 Magmula ng ipanganak si Emy ay nababalutan na ng hiwaga ang kanyang buong pagkatao. Ang kanyang inang nagsilang sa kanya ay nabaliw simula palang ng ipagbuntis siya. Ang kasintahan ng kanyang ina ay misteryosong...