"Di ka na naman ba sasabay sa amin maglunch?" tanong ni Henly. Ilang araw na din akong sa labas ng kolehiyo kumakain. Lagi lang akong nasa mga kainan sa labas tuwing sasapit ang tanghalian.
Kasabay kasi ng mga ito kumain si Remington at Alison kaya naman lagi din akong umiiwas sa pagsabay sa mga ito. As much as possible, ayaw kong magtagpo pang muli ang landas namin ng tahong na iyon.
"Yeah. May kailangan akong kausapin mamaya kaya sa labas muna ako kakain ulit." pagsisinungaling ko. Sino namang kakausapin ko gayong wala naman akong maraming kaibigan.
I shut my world to almost everybody. Napagkakamalan na nga akong tunay na suplada dahil sa kaiiwas sa mga tao. Noon naman ay masiyahin ako at maboka tulad ng iba.
Para akong kaibigan ng bayan dahil lahat na yata ay kinakausap ko noon. Ngayon, halos hindi ako makausap ng mga tao sa paligid. Hindi ako basta basta nagsasalita. Kahit siguro ilipat ako sa ibang planeta ay hindi magiging kapansin pansin ang pagkawala ng aking presensya.
Napatango ito. "Siguro naman, bukas ay free ka na at makakasabay ka na sa pagkain sa amin?" hopeful na tanong nito. Simula pa lang noong una ko itong makilala ay hindi na talaga ako nito hinayaan na mag isa. Nauna kasi si Henly sa akin ng isang taon sa Colegio.
Siya lang ang tanging empleyado sa institusyong ito na nagtiyagang ayain ako sa mga lakad ng buong faculty at tuwing tanghalian.
"Wala. Sasabay ako bukas." sabi ko nalang. Hindi naman pwedeng araw arawin ko ang hindi pag sama sa mga ito. Paniguradong mahahalatana ako noon.
Nginitian ako nito. "Mauna na ako." Ani ko habang kinukuha ang pitaka at phone sa bag ko. Yun lang naman kasi ang balak kong dalhin. Kakain lang naman ako.
"Sige na. Baka malate ka sa usapan niyo ng kikitain mo." tumango nalang ako at mabilis na tumalikod para maglakad palabas.
"Madam, anong order niyo?" nag angat ako ng tingin sa matandang babae mula sa pagtingin ng mga ulam. Nakangiti ito sa akin kaya bahagya din akong ngumiti na madalang ko lang gawin.
"Isang order lang ho ng menudo at kanin. Magkano ho noon yon?" magalang na tanong ko sa matanda.
"Singkwenta lang, madam." tumango ako at binuksan ang dalang pitaka para kumuha ng pambayad. Inasikaso na nito ang mga order ko at nang makuha ang mga ito ay dinala ko ang mga iyon sa isang mesa sa may dulo.
Walang masyadong tao sa karinderiang iyon. Presko naman dahil may mga puno sa tabi nito. Kalahati lang kasi ang konkretong bahagi ng karinderia at ang kalahati ay gawa na sa kawayan. Malaki din ang bintana nito kaya madaling makapasok ang hangin.
Habang kumakain ay bigla akong nabulunan kaya tumayo ako para kumuha ng tubig. Libre na ang tubig sa karinderia at wala namang tindang mineral water ang mga ito.
Matapos kumuha ng tubig ay babalik na sana ako sa mesang kinakainan nang biglang may nakabanggaan ako.
Napasinghap ako nang may maramdaman akong likido sa tiyan ko. Napatingin ako doon.
Ang kulay asul kong uniporme ay nahaluan ng kulay brown na likido. Nabaling ang tingin ko sa tray na pinanggalingan ng likido. Toyo iyon na tingin ko ay pinagsawsawan ng tortang talong.
"Oh, gosh! I'm sorry, miss!" awtomatikong nalukot ang mukha ko nang marinig ang boses nito. Hanggang dito ba naman ay magtatagpo pa din kami? Nakuha ko na nga siyang iwasan sa loob ng halos isang linggo pero talaga yatang hindi magpapapigil ang tadhana sa pang aasar sa akin.
"Raven?" mabilis na binitawan nito ang tray na hawak sa isang bakantaeng mesa at kinuha ang panyo sa bulsa nito.
Pinunasan nito ang nabasa kong damit na para namang matutuyo sa ginagawa nito.Nanlaki ang mga mata ko nang umabot ang pagpupunas nito hanggang sa dibdib ko. Hindi naman iyon nabasa! Napatingin ako sa paligid. Nakatingin sa amin ang mangilan ngilang tao na kumakain sa lugar.
Ramdam ko ang pag akyat ng dugo sa aking mukha.
Damn this pervert!
"Stop." nagpipigil ng galit na saway ko tsaka hinawakan ito sa braso. Tumingin ito sa akin na painosente. Lalong kumunot ang noo ko. Halos magsalubong na ang mga kilay ko.
Isang hakbang paatras muna ang ginawa ko bago umikot patalikod. Nagmamadaling naglakad ako palabas ng karinderia dahil sa hiya at sa sobrang inis.
Nagpasya ako na umuwi na at h'wag na munang bumalik sa school. Nuncang babalik ako doon na ganito ang hitsura. Wala din naman akong pampalit doon. Wala din namang kukuha sa mga gamit ko dahil nandoon lang naman iyon sa faculty room.
Pasakay na sana ako sa tricycle pauwi nang may humawak sa braso ko.
"Hey, I'm so sorry. Hindi ko sinadya yon. Ihahatid na kita." marahas na binawi ko ang braso ko at walang imik na sumakay sa trike.
"Manong, Banawang po tayo." wala nang nagawa si Alison nang makaalis ang tricycle.
Pumasok sa paaralan ako na may maluwag na loob dahil ngayon ay biyernes na. Nangangahulugang ito na ang huling pagkakataon na makikita ko si Alison para sa linggong iyon.
9:00 a.m.
Nasa loob ako ng library para humiram ng isang pang libro na gagawin kong pangalawang reference sa ituturo ko sa klasi.
Tahimik ang buong paligid. Bukod kasi sa bawal naman talagang mag ingay sa loob, wala din namang masyadong pumapasok dito. Nasa may dulong bahagi din ako at medyo madilim dahil sa taas ng bookshelves na narito.
Nang mahanap ko ang librong kailangan ko ay kinuha ko ito. Makapal ang libro kaya malaking espasyo ang naiwan nang kunin ko ito. Mula sa espasyong iyon ay may nasilip ako sa kabilang shelf. May kasama pala ako dito. Mukhang naghaharutan ang mga ito. Ang lilikot. Pamilyar ang bulto ng isa sa mga ito.
Sisitahin ko sana ang mga ito nang mapansin kong gumalaw ang shelf. Natutumba na ito.
"Oh, No!" nagmamadali akong umalis sa tapat ng shelf ngunit di pa ako tuluyang nakakalabas ay nalaglag na ang halos kalahati ng mga libro na nakapatong sa mataas na bahagi ng bookshelf. Hindi naman tuluyang natumba ang shelf dahil tumukod ito sa pader.
"Hala! Si Miss Pastrana!" dinig kong sigaw ng ilang mga tao. Tinamaan ako ng mga mabibigat na libro sa ulo na naging dahilan ng pagkahilo ko. Bago pa man tuluyang lamunin ng kadiliman ang paningin ko ay nakita ko ang isang babae na nakatingin sa akin. May sinasabi ito pero hindi ko na maintindihan. Kaya pala pamilyar.
You really are a walking danger, Tuesca.
At tuluyan nang nilamon ng dilim ang diwa ko.
--------------
7/28/19

BINABASA MO ANG
Ex Girlfriend
De TodoAlison Tuesca---Isang manloloko, manggagamit, at kulang sa pansing feelingera. Yan ang pagkakakilala ni Raven sa ex niyang iniwan siya matapos ng ilang linggo nilang pagiging magjowa. Hanggang ngayon, kahit matapos ang maraming taon, ay may kinikim...