.
Bata pa ako, napapanaginipan ko na 'yung panaginip na 'yon. Ilang beses na, paulit-ulit lang. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko rin alam kung ano'ng ibig sabihin noon.
Naglalakad daw ako sa isang makulimlim na disyerto. Tuyung-tuyo ang lupa doon. Pati 'yung hangin, tuyong-tuyo din.
Noong una, mag-isa lang ako. Maya-maya, may nadaanan akong magandang babae. Nakasuot siya ng white dress, 'yun bang typical na dress na suot ng mga typical na prinsesa sa mga medieval o fantasy movies. Hindi ko masyadong matandaan 'yung mukha niya—panaginip nga kasi. Basta ang alam ko, maganda siya.
"Hi," bati niya sa akin.
"H-Hi," sagot ko naman. Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya. Nahihiya kasi ako, natotorpe rin.
"Saan ka pupunta?" tanong niya.
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko nga alam, eh."
Lumapit siya sa akin. "Sumama ka na lang sa akin. Baka kung anong mangyari sa 'yo dito kung mag-isa ka."
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko sa kanya.
Bigla niya akong hinalikan sa pisngi.
Siyempre, kinilig ako doon.
"Sa langit," sagot niya, nakangisi.
Hindi ko alam kung bakit, pero parang kinilabutan ako sa sinabi niyang 'yon.
Biglang nagbago 'yung itsura niya. Bigla siyang lumaki. Bigla siyang naging isang malaking dragon.
Napaatras ako dahil doon. Nanginig 'yung katawan ko sa takot. Lalo na nu'ng inilapit niya sa akin 'yung mukha niya saka niya ako tinitigan gamit 'yung nagbabaga niyang mga mata. Umuusok din noon 'yung bibig niya dahil siguro sa apoy sa loob ng katawan niya. Alam ko, kapag binugahan niya ako ng apoy, patay ako.
"Akin ka ngayon," sabi niya, malamig at nakakatakot ang boses niya.
"Diyos ko," naibulong ko dahil sa takot.
Biglang may lumitaw na babae sa tabi ko. Nakasuot siya ng lumang damit, kagaya ng suot ng mga pulubi sa bangketa. Pero kitang-kita ko 'yung pag-aalala sa mga mata niya. May hawak siyang espada at ibinigay niya 'yon sa akin.
Paghawak ko sa espada, biglang nawala 'yung takot ko. Parang sinaniban ako bigla ng kakaibang lakas at tapang. Naramdaman kong parang nadagdagan 'yung lakas ng mga braso ko. Naramdamam ko rin na parang ang lakas-lakas ng mga binti ko.
Tiningnan ko 'yung dragon, isang tingin na naghahamon. "Lagot ka ngayon," sabi ko sa kanya.
Ibinuka naman ng dragon 'yung bibig niya saka itinutok 'yon sa akin.
Kasabay ng pagbuga ng dragon ng apoy, tumalon ako pataaas.
Tumama 'yung apoy sa dating kinaroroonan ko habang nasa ere ako. Mga twenty meters ang taas ko noon. Iniamba ko 'yung espada ko, saka ako biglang nagbago ng direksyon, papunta na sa dragon. Hindi 'yon galaw na nanggaling sa pagtalon ko. Lumilipad na ako noon.
Bumuga ulit ng apoy 'yung dragon papunta sa akin.
Naiwasan ko 'yon, konting pihit lang pakanan. At sa isang mabilis na galaw, inilaslas ko 'yung espada ko sa lalamunan ng dragon.
Narinig ko 'yung malakas na atungal ng dragon habang nagla-landing ako sa lupa. Nakita kong bumagsak siya sa lupa, nagkikikisay sa sakit habang lumalabas 'yung apoy sa lalamunan niya. Maya-maya pa, tumigil na siya sa paggalaw. Nagbalik na siya sa dating anyo niya, isang babaeng nakaputi, maganda pero wala nang buhay.
Napailing na lang ako. Huminga ako nang malalim, yumuko, saka nagpasalamat sa Diyos.
Akala ko tapos na noon 'yung gulo. Pero hindi pa pala.
Paglingon ko sa gawing kanan ko, nakita ko si Kamatayan. As in, si Kamatayan talaga. Itim ang damit, bungo ang mukha, at may hawak na kalawit. Mga ten meters 'yung layo niya sa akin. Pero papalapit siya sa akin noon.
"Akin ka ngayon," sabi niya.
Nakaramdam ako ng matinding kilabot dahil doon. Sinubukan kong itaas 'yung espada ko, pero hindi ko magawa. Hindi ako makagalaw. Parang na-frozen 'yung katawan ko.
Anong nangyayari? tanong ko sa sarili ko. Bakit hindi ako makagalaw?
Iniamba naman ni Kamatayan 'yung kalawit niya. "Akin ka ngayon," pag-ulit niya.
Ilang hakbang na lang, pwede na niya akong kalawitin. Katapusan ko na kapag nangyari 'yon. At mukhang wala na akong magagawa para pigilan 'yon.
Takot na takot ako noon.
Sa puntong 'yon—palaging sa puntong 'yon—biglang manlalabo ang paningin ko, mamamanhid ang katawan ko, at magigising na ako...
BINABASA MO ANG
Love Undying in the City of Immortal Dreams
Mystery / ThrillerLuke went to Baguio for his college education, only to learn that the city is a melting pot of mystery and magic...