.
"Hi," bati ni Misha sa akin. Malambing 'yung boses niya noon, mahinhin, saka medyo mahina.
Nasa Campus na ako noon. Nakaupo ako sa damuhan malapit sa building ng susunod na class namin. Nagbabasa ako noon ng libro, sumusubok mag-solve ng mga exercises sa Algebra. May long exam kasi kami sa araw na 'yon. Ang problema, hindi ako masyadong magaling sa Math. Kaya medyo kinakabahan ako na baka bumagsak ako sa exam namin.
Tiningnan ko si Misha nu'ng binati niya ako. Napangiti ako. Ang ganda niya nu'ng umagang 'yon. Mas nagagandahan talaga ako sa kanya kapag mahinhin siya.
"Hi," sagot ko sa kanya.
Umupo siya sa harap ko, doon sa damuhan. Tiningnan niya ako nang matagal, parang nag-aalangan sa akin. "Okey ka na?" tanong niya.
Tumango ako. "Okey na 'ko," sagot ko.
Tiningnan niya 'yung ginagawa ko. Akala ko noong una, magko-comment siya tungkol sa Algebra. Hindi naman pala.
Tiningnan niya ako ulit. Umismid siya nang konti, saka nagkibit ng balikat. "Iniisip mo pa ba 'yung nangyari kahapon?" tanong niya.
Nagkibit-balikat din ako. "Paminsan-minsan," sagot ko. "Nakakalungkot pa rin, pero ano pa bang magagawa natin? Move on na lang."
Bahagya siyang ngumiti, nakatingin pa rin sa akin.
Naisip ko, ang tipid yata ng mga facial expressions niya, ibang-iba sa usual na very expressive niyang mukha. Maganda, pero nakakapanibago.
"Na-miss kita," sabi niya.
"Na-miss din kita," sabi ko naman. "Nagsisisi nga ako na nagsolo pa ako kahapon. Useless din pala. Mas okey pa siguro kung kasama kita habang nagdadrama ako."
Noon siya ngumiti ng kumpletong ngiti. Tapos, nawala na 'yung hinhin niya. Naging maliksi siya ulit. Tumayo siya agad saka umalis sa pwesto niya sa harap ko. Tumabi siya sa akin, idinikit 'yung katawan niya sa tagiliran ko, saka niya ipinatong 'yung baba niya sa balikat ko.
"Ang boyfriend kong madrama," sabi niya. "Sorry kahapon, ha. Hindi na kita nilapitan ulit after nu'ng... alam mo na. Pero nirespeto ko lang naman 'yung request mo na gusto mong magsolo. Saka binantayan naman kita, hindi mo lang alam."
Tumaas 'yung isang kilay ko dahil sa sinabi niya. "Nakabantay ka pala?" sabi ko.
Ngumiti siya, nagpa-cute. "Oo naman. Naiwanan mo nga 'yung panyo mo sa simbahan, 'di ba? 'Yung panyo mo na pinagsingahan mo nang maraming beses nu'ng umiiyak ka."
Napangiwi ako. "Nakita mo pati 'yon?"
"Oo naman. Eto nga 'yung panyo, eh." Tapos, inilabas niya 'yung panyo. 'Yun nga 'yung panyo ko na hindi ko na nakita pagkagaling ko sa simbahan. Hawak niya 'yon sa isang dulo gamit 'yung dalawang daliri niya, parang nandidiri.
"Hala, nakakahiya," nasabi ko na lang. Kinuha ko yung panyo. Naninigas na 'yung mga uhog na isininga ko doon nu'ng nakaraang araw.
"Sinundan din kita nu'ng pauwi ka na," dagdag ni Misha, natatawa. "Wala kang panyo kaya 'yung sleeves ng T-shirt mo 'yung ipinampunas mo sa sipon mo na tulo nang tulo habang pauwi ka."
Naitakip ko 'yung kamay ko sa mukha ko dahil sa hiya. "Ay, grabe..."
Natawa na siya nang malakas pagkatapos noon. Tapos, inakbayan niya ako saka sumandal sa akin. "Okey lang 'yun, Luke. Paminsan-minsan lang naman 'yun, 'di ba?"
Tumango ako, natatawa rin. "Oo. Paminsan-minsan lang talaga."
Bigla niya akong hinalikan sa pisngi. "I love you," sabi niya.
BINABASA MO ANG
Love Undying in the City of Immortal Dreams
Mystery / ThrillerLuke went to Baguio for his college education, only to learn that the city is a melting pot of mystery and magic...