Chapter Four: Magic

99 4 3
                                    

.

Lunes. Araw ng enrolment. Maaga akong umalis ng bahay. Alas siyete pa lang, nasa U.P. Baguio na ako kahit alas-otso pa 'yung pagbubukas ng mga opisina doon. Gusto ko kasing mauna ako sa pila kung may pila man sa enrolment. Hindi ko pa alam noon na sangkaterba palang pila ang bubunuin ko maghapon.

Pero napatigil ako pagpasok na pagpasok ko pa lang sa gate ng U.P. Nakaramdam ako ng kilabot. Nanigas ako sa kinatatayuan ko.

Si Misha kasi. Nandoon siya sa loob malapit sa entrance. Parang inaabangan pa niya ako.

"Hi, Luke!" bati niya sa akin. Malambing 'yon. Matamis din 'yung ngiti niya. Pero dahil sa pangalawang disappearance niya noong nakaraang araw, kinikilabutan na naman ako sa presensya niya.

Ang ginawa ko, iniwasan ko siya ng tingin. Binalak ko rin na iwasan siya at umiba ng dadaanan. Humakbang ako pakaliwa saka dumaan sa damuhan sa halip na sa daanan talaga ng mga estudyante.

Pero maiiwasan ko ba naman siya nang ganu'n-gano'n lang?

"Luke! Wait lang!" sigaw niya. Humabol siya sa akin.

Hindi ako sumagot. Naglakad ako nang mas mabilis para hindi niya ako abutan.

As if naman na makakatakas ako sa kanya sa ganu'ng paraan.

"Ano ka ba, Luke? Bakit ka ba umiiwas sa 'kin?"

Hindi ko siya nililingon noon, pero sa volume ng boses niya, parang ilang metro lang 'yung layo niya.

Pero bakit nga ba ako umiiwas? tanong ko sa sarili ko. Natatakot ba ako sa kanya? Kalalaki kong tao, natatakot ako sa isang babae? Hindi naman siya multo. Nahawakan na nga niya ako, 'di ba? Hindi rin siya white lady kasi itim naman 'yung buhok niya, may konting kulay nga lang.

Pero dalawang beses na kasi siyang nag-disappear habang kasama niya ako. Nu'ng una, sa bus. Hindi nga daw siya nakita nu'ng kunduktor. 'Yung pangalawa, sa Euphoria. Bigla na lang siyang nawala nu'ng ipapakilala ko na sana siya kay Coleen. Mahirap ipaliwanag 'yon. Walang pagtataguan na malapit sa puwesto namin noon. Kaya nga nakakakilabot talaga siya.

"Luke, ano ba?"

Napailing ako. Hindi ako dapat natatakot, sabi ko sa sarili ko.

Bahala na.

Tumigil ako saka humarap sa kanya. Itinuro ko 'yung damo sa pagitan namin, dalawang metro mula sa akin. "Hanggang d'yan ka lang!" sabi ko.

Napatigil din siya. "Ano?"

"Hanggang d'yan ka lang!" pag-uulit ko. "'Wag kang lalapit sa 'kin!"

Sumimangot siya. "Bakit ba? Saka bakit parang takot na takot ka?"

Tinaasan ko siya ng kilay. Kunwari, hindi ako takot. "Anong takot na takot?" tanong ko. "Hindi ako takot. Nag-iingat lang ako."

Tumaas din 'yung kilay niya. "Nag-ingat saan? Sa akin?"

"Oo."

"Bakit?"

"Nalimutan mo na ba kung papa'no ka nag-disappear kahapon?"

Napangisi siya pagkasabi ko noon. "Ah, 'yun ba?"

"Oo, 'yun nga. Nag-disappear ka. Saan ka nagpunta?"

Nagkibit-balikat siya. "Nagtago lang naman ako du'n sa likod nu'ng stall ni Bruno."

"Imposible 'yon. Ilang metro rin 'yung layo nu'ng stall ni Bruno. Halos three seconds lang mula nu'ng lumingon ako, nawala ka na."

"Hindi naman imposible 'yon. Mabilis lang ako."

"Anong mabilis? Walang taong ganu'n kabilis."

Ngumisi siya ulit. "So natatakot ka, kasi mabilis ako? Iniisip mo na hindi ako tao?"

Love Undying in the City of Immortal DreamsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon