Prologue

1.8K 55 11
                                    

Prologue

Mabilis ngunit tiyak ang kilos niya habang tumatakbo paakyat ng hagdanan sa isang abandonadong gusali na pag-aari ng kaniyang ama. Walang ilaw sa loob at labas ng gusali, pero alam na niya ang pasikot-sikot dahil mahigit isang buwan din siyang nagpabalik-balik sa lugar na iyon.

Mahigpit ang pagkakahawak niya sa strap ng dalang bag kung saan nakalagay ang baril na gagamitin niya mamaya. Buo na ang kaniyang loob sa gagawing ito. Ni isa walang nakakaalam sa kung nasaan siya ngayon.

Nang makarating siya sa ikawalong palapag, ay naaninag niya ang ilang sirang office desk at mga upuan na nakatambak sa isang tabi dahil natatamaan iyon ng liwanag na nanggagaling sa buwan. Sira-sira na kasi ang mga bintana at isang maling galaw maaari siyang malaglag dahil butas-butas na ang sahig.

Lumapit siya sa bintanang nakaharap sa dagat. Dama niya ang ihip ng sariwang hangin na nanggagaling doon. Nagpalinga-linga siya sa paligid at nang sa tantiya niya ay maayos ang kaniyang lokasyon, kinuha niya mula sa sukbit na bag ang binoculars at itinutok sa karagatan. Napangiti siya, wala pa ang barko. May oras pa siya.

Pumwesto siya sa medyo madilim na bahagi ng palapag na iyon at inihanda ang baril na gagamitin niya. Paminsan-minsan ay tumitingin siya sa binoculars para makita kung paparating na ang barko. Kailangan niyang mailigpit ang pinakamahalagang taong sakay niyon. Napakalaki ng atraso ng taong iyon sa pamilya niya at kahit kamatayan ay kulang pa para ipambayad sa kasalanang ginawa nito.

Nang matapos ang paghahanda sa baril na gagamitin, ay huminga siya ng malalim. Pangalawang beses niya pa lang itong gagawin sa buong buhay niya, at humihiling siya na sana ay magtagumpay sa gagawing iyon. Pumalpak siya nang unang niyang gawin ang ganitong bagay noong nasa America pa siya, mabuti na lang at may isang taong tumulong sa kaniya. Kung wala ang taong iyon, malamang pinagpipiyestahan na siya ng mga uod sa ilalim ng lupa.

Mag-iisang oras din siyang naghintay at namataan na niya ang dalawang barkong paparating. Mabilis niyang ibinaba ang binoculars at hinawakan ang M40 sniper rifle na kanina niya pa inihanda. Kitang-kita niya ang mga tauhang sakay ng dalawang barkong iyon na nagmamadaling bumaba dala ang mga hindi kalakihang kahon at kung hindi siya nagkakamali ay droga ang laman niyon. Sanay na siyang makakita nang ganoon simula nang bumalik siya sa bansa.

Tagaktak ang kaniyang pawis gayong malamig sa loob ng gusaling iyon. Kinakabahan siya, 'yon ang unang-unang pumasok sa isip niya habang hinahanap niya ang target. Tinanggal niya ang suot na bonnet pati na ang itim na jacket dahil sagabal lang iyon sa gagawin niya.

Muli niyang itinutok ang baril sa target at handa na siya para kalabitin ang gatilyo, ngunit may taong nakapansin sa lokasyon niya. Bigla niyong itinulak ang target at may inutusang paputukan ang gusali kung saan siya nakapuwesto.

"Shit!" mura niya nang mapansing may sniper din palang nakaabang sa barko.

Hinablot niya ang baril at dumapa saka pagapang na lumipat ng pwesto para hindi matamaan ng bala na nanggagaling sa barkong iyon. Muli niyang itinutok ang baril nang makakita ng maliit na siwang sa pader. Ngumisi siya nang mamataan ang target na pababa na sa barko. Bigla niyang kinalabit ang gatilyo ng baril sa pag-asang tatama iyon sa mismong ulo ng target pero hindi na iyon umabot dahil kitang-kita ng dalawang mga mata niya ang pagsabog ng barkong iyon at sumunod naman ang pangalawang barko.

Halos manggigil siya sa sobrang galit nang mapagtantong naunahan siya sa pagpatay sa taong iyon. Mula sa siwang ng pader kung saan siya nakasilip ay kitang-kita ng dalawang mga mata niya ang pagliyab ng dalawang barko, kasabay ng pagtalsik sa ere ng mga katawan ng tao at nagkapira-pirasong bahagi ng sasakyang-pandagat na iyon.

Nanggigigil siyang napatayo at pinagpagan ang damit dahil puro alikabok na iyon. Panay ang bahing niya at ilang segundo lang ang dumaan ay napamura siya nang mapansing may tumamang bala sa pader kung saan siya nakasandal. Dumapa siyang muli at hinugot sa tagiliran ang kalibre kwarenta y singko na baril.

"Shit talaga," mura niya sa mahinang boses. Pinilit niyang gumapang patungo sa kabilang pinto dahil naririnig niya ang mga yabag na paparating.

"Walanghiya ka!" dinig niyang saad ng taong paparating. "Ang lakas ng loob mong pasabugin ang dalawang barko. Kung inaakala mo na makakalabas ka pa ang buhay dito, nagkakamali ka. Sisiguraduhin kong patay ka-" Hindi nito naituloy ang sasabihin dahil may narinig siyang putok ng baril sa labas ng kwarto kung saan siya naroroon.

Dahan-dahan siyang tumayo nang makalapit na sa kabilang pinto. Ingat na ingat siya na huwag makagawa ng ingay at nang mapalingon siya sa silid na pinaggalingan ay naaninag niya ang isang bulto, may hawak iyong baril. Mabilis niyang pinaputukan ang lalaking iyon bago pa siya maunahan. Dinig niya ang pagbagsak nito sa sahig kaya nakatawag iyon ng pansin sa mga kasamahan.

"Boss, narito ang kalaban!" Dinig niyang sigaw sa kabilang silid. Sinilip niya iyon ngunit may isang malamig na bagay ang naramdaman niya sa kaniyang batok.

"Ibababa mo ang baril o bangkay kitang ihahatid sa mga Monteero?" Dinig niya ang pagngisi nito saka inilawan ang mukha niya gamit ang hindi kalakihang flashlight. Nasisilaw siya kaya ipinikit niya ang mga mata. "Hindi ko akalain na ikaw ang may gawa ng pagsabog na iyon. Ngayon ko lang nalaman na magaling pumili si Monteero. Santa kung titingnan sa panlabas, pero isa rin palang demonyo kagaya niya." Sumigaw ito. "Boss, hawak ko na, babae ni Monteero ang may gawa." Dama niya ang paghawak nito sa kaliwa niyang braso kaya kinilabutan siya. Hindi niya magawang manlaban dahil sa malamig na bagay na naroon pa rin sa batok niya. Ilang segundo ang dumaan, nagtaka siya nang maramdamang unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak nito sa braso niya kasabay ng pagkawala ng malamig na bagay sa batok niya. Mayamaya pa ay narinig niya ang pagbagsak nito sa sahig. Nagtaka siya kung bakit bigla na lang itong bumagsak dahil wala naman siyang narinig na putok ng baril o kaya lumapit sa kanila.

"Hec, nariyan ka ba? Ano? Nasaan na 'yong babae ni Monteero?"

Papalapit na ang yabag kaya napaatras siya subalit isang kamay pumulupot sa baywang niya. Akma na niya itong hahampasin ng hawak na baril ngunit mabilis ang kung sinumang pangahas na iyon. Mas mabilis ang kilos niyon, tila bihasa kaysa sa kaniya. Sa isang iglap ay naagaw nito ang baril na hawak niya at naisandal siya sa pader kasabay ng pag-angkin nito sa labi niya dahilan para hindi siya makasigaw. Buo na ang loob niya na kagatin ang labi nito ngunit nagdalawang-isip siya dahil tila pamilyar sa kaniya ang paraan ng paghalik nito.

"Never try to shout or else it will be the end of us," bulong nito at muling sinakop ang labi niya.



Kailan Naging Anghel Ang  Halimaw? (Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon