Chapter 19

446 38 13
                                    


Not Edited


Chapter 19


Hinawakan ni Leester ang kamay ni Isabella nang makababa ang huli sa kotse. Mula sa labas ng gate ng sementeryo ay naglakad sila papasok. Halos hindi maintindihan ng dalaga ang pakiramdam habang patungo sila sa isang puntod. Nakasunod sa kanila sina Kyle at Tooffer.

Makulimlim ang kalangitan at tila anumang oras ay babagsak na ang ulan. Napakatahimik ng paligid na para bang may naghihintay na kapahamakan. Umihip ang malakas na hangin at nilipad ang nakalugay na buhok ng dalaga.  Ang mga tauhan naman ng mga Monteero ay nakakalat na sa bawat sulok ng lugar na iyon at sinisigurong walang makakapasok na kalaban.

Nang makalapit na sila sa puntod ay itinaas ni Leester ang kanang kamay at sinenyasan ang isang tauhan na tanggalin ang lapida na naroon sa ibabaw niyon. Halos manginig ang katawan  ni Isabella nang mabasa ang pangalang nakaukit doon. Pangalawang beses na niyang makita ang lapidang iyon. Napailing-iling naman si Tooffer.

"Wasak ang mukha niya at hindi na makilala nang dalhin sa ospital," tukoy ni Kyle sa babaing kasama ni Leester sa nangyaring aksidente pitong taon na ang nakakaraan. "Unconscious naman si kuya nang mga panahong iyon at dahil Isabella ang bukambibig niya noon sa tuwing magkakausap sila ni mama sa phone, ay iyon na rin ang ipinalagay nila sa death certificate. Isa pa, walang kamag-anak na nag-claim ng bangkay."

"Bakit hindi n'yo man lang ako sinabihan, Kyle?" nagtatampong saad ni Tooffer. "Nakauwi sana ako at hindi lumaki ang kambal na malayo sa kanilang ama."

"Alam mo naman si papa, Tooffer. Kapag siya na ang nagdesisyon, wala ng makakabali pa. Kay kuya lang siya tumitiklop."

Muling umihip ang malakas na hangin, nagsipaglaglagan na rin ang mga tuyong dahon sa mayabong na punong naroon. Unti-unti na ring bumabagsak ang maliliit na patak ng ulan. Kumuyom ang kamo ni Leester habang nakatitig pa rin sa nitso.

"I can't remember her face nor her name." Humugot nang malalim na hininga ang binata. "Ang naalala ko lang ay may humiram sa singsing na isinoli mo sa akin at niyaya siyang magpakasal. Pagkatapos no'n, wala na akong maalala."

"Sabi ni Cathy, madalas ka raw magpunta rito noon," tugon ng dalaga. "Actually, this is not the first time I've seen this tomb. A day before my parents flew to Spain, binisita namin ang mausoleo ng pamilya." Tinanaw niya sa di kalayuan ang mausoleo kung saan nakahimlay ang kaniyang lolo at lola. "Nakita kita rito noon. Hindi ko man nakita ang mukha mo, pero sigurado ako na ikaw 'yon. Hinabol kita pero hindi na kita naabutan pa."

"Kung alam ko lang na ikaw 'yon, Rose," saad ni Kyle. "Ilang beses na ring nagkita sina papa at Tito Al sa mga pag-" Hindi naituloy  ni Kyle ang sasabihin dahil nakarinig sila ng putok ng baril kasabay ng pagbagsak ng isang tauhan na naroon sa likod ni Isabella.

"Shit!" mura ni Tooffer at mabilis na itinulak sina Isabella at Leester. "Dapa!"

Nagpakawala ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga tauhan ng mga Monteero para protektahan ang mga amo. Gumapang naman sina Leester at Isabella papunta sa pinakamalapit na mausoleo para magkubli. At dahil sunud-sunod na ang mga tauhan  na nalalagas sa mga Monteero ay nakipagpalitan na rin ng putok sina Kyle at Tooffer. 

"Shit!" mura ni Kyle. "Bakit ngayon pa ito nangyari?" Umupo siya sa lupa at sumandal sa pader ng mausoleo  saka naglagay ng bala sa baril. Ilang dipa rin ang layo niya sa kapatid na ngayon ay yakap-yakap si Isabella dahil walang tigil ang pagpapakawala ng bala ng mga kalaban.

"Kyle," wika ni Tooffer na nakasandal din sa pader ng mausoleo. Kaharap niya si Kyle na kanina pa kinakabahan. "Ano man ang mangyari siguraduhin mong maayos na makakaalis sina Leester at Isabella rito." Kinuha nito ang armalite sa taong nakadapa malapit sa kinaroroonan nila at tiningnan kung may natitira pang bala. Nang masigurong puno pa iton ng bala ay tumayo ito at pinaputukan ang mga kalaban habang papunta sa kinaroroonan ng dalawa.

"Tooffer," saad ni Leester. "Ialis mo dito si Isabella. Ako na ang bahala sa mga lintik na 'yan."

"No, Raine," protesta ng dalaga at hndi alintana ang mga putok ng baril. "Sasamahan kita rito."

"Huwag matigas ang ulo, Isabella." Hinugot ni Leester ang baril na naroon sa tagiliran niya at ibinigay sa dalaga. "Magagamit mo ito. Mag-iingat kayo."

"Pero, Raine..."

Hindi na sumagot ang binata, tumayo ito at nagpakawala ng bala. "Tumakbo na kayo, Tooffer!" Patuloy ito sa pagbaril sa mga kalaban para malayang makaalis sina Tooffer at Isabella. 

Nakipagsabayan na rin si Kyle sa kapatid. Isa-isa niyang inasinta ang mga taong naglakas-loob na lusubin ang teritoryo nila. Bawat taong lilitaw mula sa kanilang pinagtataguan ay hindi niya pinapalagpas.

Nagngangalit ang mga bagang ng magkapatid nang makitang halos wala na ang mga tauhan nila. Nakadapa na ang mga iyon at wala ng mga buhay. Ang iba ay inaagusan na ng dugo sa bibig pero imbes na mandiri ay tila laong nadagdagan ang poot at galit nila sa mga kalaban.

Walang inaksayang oras si Leester, matapos makakuha ng sapat na bala ng baril ay lumipat ito ng mausoleo na mapagkukublihan. Medyo malapit iyon sa pinagkukublihan ng mga kalaban kaya nakasisiguro siya na mahuhuli rin niya ang lider ng grupong iyon.  Ano man ang mangyari ay sisiguraduhin niyang mamamatay sa mga kamay niya ang may gawa ng paglusob na ito. 

"Monteero!" dinig niyang sigaw mula sa panig ng kalaban. "Anong pakiramdam ng malagasan ng mga tauhan?"

Hindi sumagot si Leester, pinabayaan niya lang iyon na magsalita dahil pinakikinggan niya kung saang parte ng sementeryo nagkukubli ang mga iyon. Nang makasiguro siya kung saan nagtatago ang mga iyon, ay sinenyasan niya ang kapatid na lumipat ng  pwesto sa gawing kanan niya pero mahigpit niya itong pinagbawalan na huwag gagawa ng ingay.

Nakuha naman ni Kyle ang ibig ipahiwatig ng nakatatandang kapatid. Gumapang ito papunta sa kabilang mausoleo at nang may makitang kalaban na tatanga-tanga ay pinaputukan ito. Napangisi na lang si Leester sa nakita dahil imbes na mag-ingat ang mga kalaban ay nagsipaglitawan na ang mga iyon kaya walang kahirap-hirap nilang binaril ang iyon.

"Ano?" sigaw ni Leester. "Ilan pa ang tauhang natitira sa 'yo? Tang 'na, ang lakas ng loob mo na lusubin ang teritoryo ko. Lalabas ka ba diyan o ikaw ang papalit sa bangkay na naririyan sa mausoleo na pinagkukublihan mo?"

"Tang 'na mo rin, Monteero!" pabalik na sigaw ng lider ng kalaban. "Marami pa akong tauhan. Ikaw, baka uuwi kang mag-isa sa araw na ito?" Humalakhak ito na ikinagalit ni Leester. "Sigurado ako na di matatapos ang araw na ito na hindi ko nakukuha ang kung anong mayroon ka."

Habang nagpapalitan ng bala ang dalawang grupo ay unti-unti na ring  lumalakas ang patak ng ulan. Naghalo na sa maputik na lupa ang tubig at ang dugong nanggagaling sa mga taong nabaril. Dumidilim na rin ang paligid pero tila walang kapaguran ang dalawang grupo. Kahit basang-basa na ang mga katawan ay patuloy pa rin sa pakikipapalitan ng bala sa bawat isa.

Nagpalipat-lipat ng mapagkukublihan si Leester. Minsan naman ay gumagapang para maiwasan ang bala ng mga kalaban. Maputik na ang suot niyang damit pero hindi niya iyon inalintana. Ang importante sa kaniya ay mapatay ang kalaban. 

Nang medyo humupa na ang pagpapaputokng kalaban ay unti-unting lumapit si Leester sa pinanggalingan ng tinig kanina. Inutusan niya si Kyle na back-up-an siya dahil hindi siya nakasisiguro kung may mga kalaban pa na nakakalat. Gumagabi na rin, sabayan pa ng malakas na pagkulog at pagkidlat. 

Sa pagkakataong iyon ay hindi iniwan ni Kyle ang nakatatandang kapatid. Naroon siya likurang bahagi nito, sinisigurong walang nakasunod na kalaban dahil malalagot siya sa ama kapag may masamang nangyari kay Leester.

Mayamaya ay bigla na namang kumidlat at dahil sa hatid niyon na kaunting liwanag ay nahagip ng paningin ni Kyle ang isang taong nagtatago sa gilid ng mausoleo ilang metro ang layo sa kanila. May hawak iyong mahabang baril at nakatutok sa kanila. 

Mabilis na naitulak ni Kyle si Leester ngunit laking gulat na lang niya nang may taong bigla na lang bumagsak sa gawing tagiliran ng kapatid. Alam niyang hindi ang kapatid niya ang may gawa niyon. 

Nang muling kumidlat ay muling natamaan ng liwanag ang taong may hawak na baril at hindi siya maaaring magkamali, kilala niya ang taong iyon.

Kailan Naging Anghel Ang  Halimaw? (Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon