Chapter 4
"Si Rose?" tanong ni Charlotte sa panganay na anak na kapapasok lang sa study room.
"Pinapatulog ang kambal, mama." Inukopa ni Lester ang bakanteng upuan sa harap ng desk. Kinuha nito ang baso sa ibabaw niyon at sinalinan ng alak.
"Sabi ni Kyle," saad ni Javier. "Nagpaplano ka raw na bumukod? Alam na ba ito ni Rose?"
"Bakit ka pa bubukod, dude?" sabat ni Tooffer. "Malaki naman itong mansiyon."
"Tama si Tooffer, anak." Bumalatay sa mukha ni Charlotte ang pag-aalala nang magsalitang muli, "dumito na lang kayo. Gusto kong makasama ang mga apo ko. At saka hindi natin masisiguro ang kaligtasan ng mga apo ko sa bahay na lilipatan ninyo."
Bumuntong-hininga si Lester at pilit na ngumiti. "Magiging ligtas sila, mama."
"Bakit ba kasi kailangan mo n'yo pang bumukod?" muling tanong ni Tooffer.
Hawak ang baso na may lamang alak, tumayo si Lester at lumapit sa bintana. Tanaw niya ang ilang tauhan na nagbabantay sa labas ng mansiyon. May mga hawak itong baril na animo'y handang-handa sakaling may lumusob na kaaway.
"Gusto ko lang ilayo ang mag-iina ko sa ganitong buhay," wika ni Lester mayamaya. Nakatalikod pa rin ito kaya hindi makita ng tatlo ang pagtagis ng bagang nito. "Ayokong maulit ang nangyari pitong taon na ang nakararaan. Gusto ko silang protektahan-"
"Pero, dude," kaagad na wika ni Tooffer kahit nagsasalita pa si Lester. "Iba na ngayon ang sitwasyon. Kaya na ni Isabella na ipagtanggol ang sarili niya at alam mo 'yan. Kaya niyang pumatay-"
"'Yon mismo ang iniiwasan kong mangyari, Tooffer. Masakit makita na ang babaing pinakamamahal ko ay natututo ng pumatay. Ayokong makagawian niya ang ganitong buhay."
"Pero, dude-"
"Ayos lang sa akin kung pumatay siya dahil kailangan niyang ipagtanggol ang sarili." Humarap si Lester at malungkot ang mga mata nito nang magsalita, "Pero ang makitang nakikipagsabayan siya sa pakikipagbarilan sa mga kaaway, hindi ko kaya. Hindi mo alam kung ano ang naramdaman ko nang makita ko siyang naroon sa abandondadong building na iyon, may hawak na baril at nakatutok sa paparating na barko." Nilagok nito ang alak at tumingin sa mga mukha ng mga kaharap. "Hindi ko mapigilang sisihin ang sarili ko. Wala na ang Isabella na minahal ko. Wala na ang inosenteng Isabella." Matiim nitong tinitigan ang hawak na baso.
"Ayaw mo no'n, dude, hindi ka na mahihirapan, hindi ka na mag-aalala na baka may manakit kay Isabella gaya ng dati," sagot ni Tooffer. "Kaya niyang ipagtanggol ang sarili niya."
Mapait na ngumiti si Lester. "Hindi mo ba alam na iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw na ayaw sa akin ni Tito Al? At ano na lang ang sasabihin niya kapag umabot sa kaalaman niya na ang kaisa-isa niyang anak na babae ay sangkot sa tangkang pagpatay kay Drago?"
"At baka paghiwalayin na naman kayo ni Isabella?" Ngumisi si Tooffer. "Naku, dude may dalawa na kayong anak. Hindi na 'yon magagawa pa ni Tito Al."
"Nagawa na niya minsan, magagawa niya ulit." Tumalikod si Lester at muling pinagmasdan ang mga tauhang nagbabantay sa labas ng mansiyon.
"Pauwi ng bansa si Al sa susunod na linggo," wika ni Javier matapos ang ilang minutong katahimikan. Makahulugan nitong tiningnan ang anak na nakatalikod. "Magkikita na rin kami ng matalik kong kaibigan." Sumimsim ito ng alak saka tiningnan ang asawa. "This time kailangan mangyari na ang matagal ko ng pinapangarap."
"Javier," kaagad na wika ni Charlotte. "Huwag mong pangunahan ang mga desisyon ni Lester."
"Anuman ang mangyari matutuloy ang kasal namin ni Isabella," saad ni Lester na nakatalikod pa rin. "Kaya dapat ko ng madaliin ang paghahanap kay Tita Monica."
BINABASA MO ANG
Kailan Naging Anghel Ang Halimaw? (Book 3)
ActionWarning: Matured contents ahead. NOT SUITABLE FOR YOUNG READERS. Matuto po tayong sumunod. 18 years old po pataas ang pwede magbasa ng story na ito. ______________ "Kaya kong magbago, pero kung ang kapalit niyon ay ang pagkawala ng babaing mahal ko...