Not Edited
Chapter 20
Hindi mapakali ang matandang Monteero nang malamang dumating na si Al. Masaya siya sa biglaang pagdating ng kaibigan pero kinakabahan din dahil hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito kapag nalaman ang mga nangyari sa kaisa-isa nitong anak. Ayon sa kaniyang tauhan ay nakita nila mismo ang huli na bumaba ng eroplano kasama ang asawang si Emilia.
Kahit nasa kalagitnaan ng meeting ay tumayo na si Javier para umuwi. Kailangan niyang paghandaan ang pagkikita nila ni Al. Ano man ang mangyari ay kailangan nilang magkasundo para na rin sa ikabubuti ng kanilang mga anak at negosyo.
"Si Leester?" kaagad niyang tanong sa mga katulong nang makauwi na samansiyon.
"Nasa kwarto po ng kambal, sir," sagot ng katulong.
"Si Rose?"
"Pumasok po sa opisina. Sina Ma'am Charlotte naman po at Ma'am Cathy ay nagpunta sa bahay-ampunan."
"Puntahan mo si Leester sa itaas. Sabihin mo kailangan ko siyang makausap ngayon na. Papuntahin mo sa study room."
Mabilis na tumalima ang katulong. Si Javier naman ay dumiretso sa study room. Mabilis itong nagsalin ng alak at kaagad na tinungga iyon na wari bang doon kumukuha ng lakas ng loob sakaling magkaharap sila ngayon ng dating kaibigan.
Nahulog siya sa malalim na pag-iisip. Bumalik sa alaala niya ang nakaraan nila ng kaibigan. Mga masasayang alaala na hindi niya alam kung maibabalik pa.
"Papa?" bungad ni Leester na hindi man lang nag-abalang kumatok.
"A-anak?" nauutal na saad ni Javier. Nanginginig din ang kanang kamay nito na may hawak ng baso. "Maupo ka."
"Ano ang pag-uusapan natin, papa?" Diretsong tumingin si Leester sa mga mata ng ama matapos maupo. Tila naninibago siya ngayon sa ikinikilos nito, hindi mapakali na para bang may malaking problemang parating.
"A-anak..." Sumimsim ito ng alak at inilipat ang paningin sa labas ng bintana. "Something...came up..."
"What is it? Tila hindi kayo mapakali. Ang nangyari bang pagsabog sa warehouse ang inaalala n'yo, papa?" Umiling si Javier sa sinabi ng anak.
"N-no." Kailanman ay hindi nanghinayang si Javier sa nangyaring pagsabog na iyon, bagkus ay nagpapasalamat pa siya dahil malaki ang nakuha niyang pera sa insurance company.
Walang maapuhap na sasabihin si Javier. Nakatingin lang siya sa panganay na anak at muli na namang sumimsim ng alak. Nag-aalala siya sa magiging reaksiyon ni Leester lalo pa't nalaman niya na hindi pabor si Al sa kaniyang anak dahil sa pagiging Monteero nito.
"Papa..."
Ipinikit ni Javier ang mga mata at tumingala saka mabilis na nagsalita, "Dumating na si Al kasama si Emilia. Sa mga oras na ito, malamang nakauwi na sila sa mansiyon."
"Ha...?" Napaawang ang mga labi ni Leester sa narinig. Hindi naman iyon makita ni Javier dahil nakapikit pa ito. "Damn! Hindi ko ito inaasahan. Ang akala ko sa susunod na araw pa ang dating nila." Nagsalin ng alak si Leester at mabilis na tinungga iyon. Maging siya ay hindi rin makapaniwala sa balitang dumating.
"A-anak...?"
Mahigpit ang pagkakahawak ni Leester sa baso na may lamang alak. Muling rumehistro sa utak niya ang huling pag-uusap nila ng ama ni Isabella. Nakaluhod siya sa harapan nito at nakikiusap na payagan silang magpakasal pero nanatili itong bingi. Sa buong buhay niya, tanging si Al lang ang nakapagpa-iyak sa kaniya. Ito lang ang nakapagpatiklop sa isang tinitingalang tao na kagaya niya. Sa isang babae lang siya umiyak at hindi niya alam kung tatanggapin pa siya ng ama nito gayong hindi niya naman natupad ang binitiwan niyang pangako.
BINABASA MO ANG
Kailan Naging Anghel Ang Halimaw? (Book 3)
ActionWarning: Matured contents ahead. NOT SUITABLE FOR YOUNG READERS. Matuto po tayong sumunod. 18 years old po pataas ang pwede magbasa ng story na ito. ______________ "Kaya kong magbago, pero kung ang kapalit niyon ay ang pagkawala ng babaing mahal ko...