Chapter 3"Tang ina!" reklamo ni Kyle. Nakaupo ito, may hawak na yelo sa kaliwang kamay at marahang idinadampi iyon sa parte ng mukha kung saan dumapo ang sipa ni Isabella kaninang madaling araw. "Dalang-dala na ako kay Rose. Kahit anong gawin ko, hindi ko yata matatalo ang babaing iyon." Matapos ilapag ang hawak na puswelo ng kape ay hinubad nito ang suot na T-shirt at dinampihan naman ng yelo ang dibdib.
"Sabi ko na sa inyo, Boss Kyle," wika ni Vin. Nilagyan muna nito ng mainit na tubig ang kabubukas pa lang na cup noodles saka napangiti, "parang amazona si Ma'am Isabella. Walang sinasanto, kabaliktaran nang una akong pumasok bilang bodyguard niya."
"Ang laki ng improvement ni Isabella," napapangiting napapailing na lang si Tooffer. Nakahiga ito sa mahabang sopa at kagaya ni Kyle, may hawak din itong yelo na panaka-nakang idinadampi sa panga. "Kung hindi iyon napigilan ni Lester, malamang sa malamang pinaglalamayan na tayo, Kyle."
"Matagal ka ng nagtatrabaho sa kapatid ko, Vin?" Pag-iiba ni Kyle ng usapan. Sumandal na rin ito sa sopa at tumingala.
"Since college. Wala bang nabanggit sa 'yo si Boss Lester?"
"Masyadong malihim si Lester, Vin." Umupo si Tooffer at inabot ang puswelo ng kape para uminom.
"Magka-batch kayo?"
"Hindi," matipid na sagot ni Vin na tila ba ayaw ikuwento kung paano sila nagkakilala ni Lester. Nagpatuloy ito sa pagkain ng noodles kaya pinukol ito ni Kyle ng matalim na tingin.
"Dating army si Vin, Kyle," pagkukuwento ni Tooffer. "May nakaengkwentro 'yan sa San Felipe. Hayun kamuntikan ng sunduin ni kamatayan pero tinulungan ng kapatid mo kahit hindi niya kilala. Kita mo ngayon, humihinga pa." Ngumisi ito at uminom ng kape saka nagpatuloy, "Nagkataon na lumusob kami ni Lester at 'yong taong gustong itumba nitong si Vin ay mortal na kaaway ng kapatid mo."
"Naitumba n'yo ang taong iyon?" puno ng kuryusidad na tanong ni Kyle.
"Hindi," sagot ni Vin at humigpit ang pagkakahawak sa tinidor. "Buhay pa demonyong iyon hanggang ngayon. May sa pusa."
"Ano bang kasalanan sa 'yo ng taong 'yon, Vin?"
"Pinatay niya ang matalik kong kaibigan at pati ang kapatid kong babae ay hindi niya pinalagpas. Huwag siyang magkakamaling magpakita sa akin, mapapatay ko siya."
"Kung magkakilala kayo ni Kuya Lester, bakit ka nagtrabaho kay Tito Al?"
"Simple lang Kyle." Napalingon ang tatlo sa hagdan kung saan nagmula ang tinig na iyon. Pababa si Lester ng hagdanan, tanging pantalon lang ang suot nito at may hawak na baril sa kanang kamay.
"Siya ang nagsilbing mata at tainga ko sa pamilya del Mundo," wika ni Lester nang maupo sa sopa. "Isa si Tito Al sa mga pinaghihinalaan ko sa pagkakabaril noon kay Papa." Kinuha nito ang kape na tinimpla ni Vin at uminom.
"Teka, dude," kaagad na wika ni Tooffer. "Akala ko ba si Isabella ang pakay mo kaya painag-apply mo bilang bodyguard si Vin."
Sumandal ito sa sopa, tumingala at inilagay ang dalawang palad sa likod ng ulo. "'Yon ang nauna kong plano."
"Pinaimbestigahan mo ang pamilya ng girlfriend mo?" hindi makapaniwalang tanong ni Kyle dahilan para pukulin ito ng masamang tingin ni Lester.
"E, gano'n talaga, Kyle," sabat ni Tooffer. "Kaya nga nang malaman ni Tito Al na isang Monteero ang kapatid mo," ngumisi muna ito kay Lester saka nagpatuloy, "wala iyong inaksayang oras. Pinaghiwalay niya ang kapatid mo at si Isabella. Kahit lumuhod ang kapatid mo, pinagtabuyan pa rin siya ni Tito Al."
"Tang ina, Kuya," nakangisi si Kyle. "Lumuhod ka sa kaaway ni Papa? Nasaan na ang Kuya Lester na kilala ko?"
"At hindi lang 'yan, Kyle," muling sabat ni Tooffer. "'Yong malaking puno na inakyat natin kaninang madaling araw, 'yon mismo ang punong inaakyat ng kapatid mo papunta sa kwarto ni Isabella." Ngumisi ito matapos uminom ng kape.
BINABASA MO ANG
Kailan Naging Anghel Ang Halimaw? (Book 3)
ActionWarning: Matured contents ahead. NOT SUITABLE FOR YOUNG READERS. Matuto po tayong sumunod. 18 years old po pataas ang pwede magbasa ng story na ito. ______________ "Kaya kong magbago, pero kung ang kapalit niyon ay ang pagkawala ng babaing mahal ko...