Chapter 2

976 149 146
                                    

Crayson's POV

Kumakain ako ng umagahan habang inaalala ang nakita ko kahapon. Grabe, hindi ako makapaniwala sa nasaksihan. Ilang taon na akong hindi pumunta roon simula nang mawala siya sa akin. Ano kaya ang nangyari sa lugar na 'yon?
 

 Isa pa yung babae, palaisipan pa rin sa akin kung paano siya nawala na parang bula. Isa ba siyang multo? Napatigil ako sa pagsubo at napailing. Hindi siya multo.  Malinaw pa sa sikat ng araw na tao siya dahil may nakita pa akong mga dugo sa inuupuan niya. Isa pa, nasa modernong panahon na tayo, may mag-eexist pa kayang multo?  

Baka nag-teleport siya tapos napunta sa ibang dimensyon? Lumilipad pa yata ang utak ko, imposible 'yon, wala pa pa lang nakakadiskubre ng teleporter.

Ang Reaven Vance nga na numero uno sa paggawa ng mga bagong devices at modernong technologies ay hindi pa yun nagagawa.

Sa pagkakaalam ko, tatlong rehiyon ang may pinakamatataas na rating sa paggawa ng mga bagong kagamitan sa buong bansa. From technologies, discoveries, researchers at kahit pa yung mga universities nila.

Napatigil ako sa pag-iisip nang may kumatok sa pinto. Tumayo ako at dali-daling pumunta sa pintuan para ito'y buksan. Tumambad sa akin ang isang babaeng blonde ang buhok na hanggang balikat ang haba. Ang lapad ng kanyang ngiti na abot halos hanggang tenga. Nagulat ako ng bigla niya akong dinambahan nang yakap.

"Crayson!" malakas niyang sigaw na dahilan nang pagtakip ko ng aking tenga.  Ang matinis niyang boses ang pinakaayaw ko talaga sa lahat.

"Paano mo nalaman kung saan ako lumipat?" salubong kong tanong sa kanya. Hinanap pa niya talaga ako.

Lumipat ako ng matitirahan dahil gusto ko mapag-isa at magkaroon ng privacy para sa mga ginagawa kong mga kababalaghan, joke. Para sa mga inimbento kong bagay. Sa totoo niyan, gusto ko ring mag-aral sa tunay na paaralan dahil homeschool lang ako. In long, si nanay ang nagtuturo sa akin at sa iba pang mga bata kasama ang iba pang guro sa tinitirahan ko.

Isa rin sa dahilan kaya umalis ako dahil pinagkakaguluhan ako roon. Literal.

"Saan pa nga ba? Edi sa nanay mong nagdradrama na naman dahil iniwan mo raw siya..." mahaba niyang litanya. Muntikan ko nang makalimutang  nakapamewang pala siya sa aking harapan. At talaga namang  pumunta pa siya sa bahay-ampunan. Sabi ni nanay, may nag-iwan daw sa akin sa labas nung sanggol pa lamang ako kasama ang isang sulat. Yung tinutukoy niyang nanay ko ay hindi ko talaga totoong ina pero siya yung nagsusuporta sa akin hanggang ngayon. Siya yung namamahala ng orphanage, yung nagpapatakbo at nangangasiwa. Basta siya yung ulo.

"O tapos?" Magkasalubong na ang aking dalawang kilay.

"Namiss lang kita Cray-cray!" sabi niya at ngumiti ng parang aso. Nagmumukha akong bakla dahil sa paraan nang pagtawag niya sa akin. Tch!

"Sinong niloloko mo?" Napakagat-labi lang siya dahil sa sinabi ko at saka nagpipigil ng tawa.

"Oo na! Namiss ko yung mga palpak mong imbensyon at si Cotton." Tawang-tawang pag-amin niya. Hindi ko itinatangging na-miss ko ang kakulitan ng babaeng 'to. Noong nakaraang dalawang buwan lang kami nagkakilala dahil iniligtas ko yung buhay niya. Ang ginawa ko lang naman ay sinampal siya ng malakas sa magkabilang pisngi. Awtomatik blush on na rin yun. Kung mukha akong bakla sa ginawa ko, tama lang yun! Hindi ko naman siya pwedeng suntukin sa mukha.

Na-hypnotize siya nung lumilipad na bagay at patuloy siyang  naglalakad sa gitna ng riles ng tren. Mabuti at nakita ko siya pagbaba ko sa kabilang istasyon. Palipat-lipat ako nun ng lugar na malayo sa bahay-ampunan, hanggang  sa nakakita ako ng  murang matitirahan sa lungsod na malapit lang din sa gubat . Kaya nung mapansin kung malapit na siyang masagasaan ay hinatak ko siya palapit sa akin. Nagtaka ako ng patuloy pa rin siya sa paglalakad kaya sinampal-sampal ko ang pisngi niya. Binuhusan ko rin ng baon kong tubig ang kanyang mukha para mas effective. Wala talaga siya sa katinuan nun, mabuti at nabalik na. Simula nuon, buntot nang buntot na siya sa 'kin, wala naman akong magawa. Matigas ang bungo ng batang 'to, sasakit lang ang ulo ko kung ipagtatabuyan ko pa siya. Labing pitong taong gulang siya at isang taon lang ang agwat namin, mas matanda ako sa kanya.

Pero lately, may mga hindi maipaliwanag na pangyayari dito sa Aventown. Katulad na lang nung nangyari kay Shine nuon, hindi iyon pangkaraniwan, hindi lang din siya ang nabiktima nuon.

"Nasaan ba si Cotton?" tanong niya habang nag-iikot ikot dito sa loob. Natapos na yata siyang pagtawanan ako.

"Sabing hindi nga Cotton ang pangalan niya!" Napangiwi ako sa kanyang sinabi, Si ALI-12 ang tinutukoy niyang si Cotton. Isang asong robot na alaga ko, kasingbilog at kasinglaki ito ng bolang basketball at may kulay asul itong balahibo. Parang tunay na aso pero bilog na bilog lang ang katawan kaya ang mapapapisil ka talaga sa pisngi niya.

"Andun sa kwarto, huwag mo munang puntahan, may hindi pa ako natapos --" Linampasan niya ako at dali-daling pumasok sa isang pinto. Ang tigas talaga ng ulo.

Napabilang ako hanggang  tatlo... hanggang sa may marinig akong sumigaw.

"Ah! Tulong!" malakas niyang tili.

 Sinasabi ko na nga ba, hindi kasi nakikinig. Pumasok ako sa kwarto at nakita ko si ALI-12 na nanlilisik ang mga matang nakatitig kay Shine at nakatutok ang patalim nito na lumabas galing sa labi niya.

"System, shut down." Bumalik ito sa dating anyo at hindi na gumalaw. Tiningnan ko si Shine na nanginginig pa rin habang nakasandal sa gilid. Hindi ko mapigilang tumawa.

"Ang epik ng mukha mo Shine Finley!" Muntikan na akong gumulong sa sahig dahil sa pagtawa. Putlang-putla talaga ang kanyang mukha!

"Anong ginawa mo kay Cotton?!" pasigaw niyang tanong sa akin. Ah, may in-upgrade lang ako nang konti sa sistema niya in case of emergency.

Sasagot na sana ako ng may nagsisigawan sa labas. Nagkatinginan kaming dalawa, dali-dali kaming lumabas sa apartment para makita kung ano ang nangyayari.

"Oh my gosh!" oa niyang sigaw. Nakatulala lang din ako sa nakita.

***

She's Strange Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon