CHAPTER 7: ANG HAGUPIT NI HABAGAT NA NAGBALIK KAY BROTHER SA AMING PILING

26 2 1
                                    

ANG HAGUPIT NI HABAGAT NA NAGBALIK KAY BROTHER SA AMING PILING

( THE WHIPLASH OF MONSOON THAT BROUGHT MY BROTHER BACK IN OUR FAMILY)

ISANG BUWAN ang lumipas. Tinatawagan ko cellphone ni brother, pero madalang ko siya makontak.

Palagi niya sinasabi na para siyang hari kung tratuhin. (Sa huli, malalaman namin na inalila siya ng pamilya ni J2. Dapat lang sa kanya! Nahihiya lang umamin. Naging labandero siya, tagasibak ng kahoy at iba pa.)

"Kailan ka babalik?" Tanong ko sa kanya.

Wala daw siyang pera. "Ha?, akala ko ba pag dumating ka diyan si J2, bahala sa pamasahe mo pauwi?" Gulat naman na wika ko.

Kung sa akin lang ng mga panahong ito, kahit huwag na siyang bumalik. Kaya lang ang Mama namin na may sakit na high blood, at mahal na mahal siya dahil nag-iisa siyang lalake, ay hindi mapakali.

Oo, kung uso ang paborito, siya iyon! Halatang-halata ng mga panahong nagaganap ito'ng isinusulat ko. Ganoon din si Papa, hindi makalmante hangga't hindi umuuwi ang magpapalawig ng apelyido niya.

Hindi na siya nagsalita. Katapusan na ng Hulyo at papasok na ang buwan ng Agosto.

Nang mga panahong iyon ay matindi na din ang galit ng mga tiyahin naming matatandang dalaga na nasa probinsya. Ate at bunsong kapatid ng Papa namin. Nakakarating kasi sa kanila ang mga kaganapan kay brother, kay J2 at sa pamilya nito. Normal iyon, kasi iyong isang barangay at bayan doon ay puro kamag-anak namin.

Maiba ako, alam naman ninyo na sa bansa natin 'pag pumasok ang Hunyo ay panahon na ng tag-ulan, kasama dyan ang mga bagyo at habagat.

Agosto 7, hindi ko ito makakalimutan. Tatlo hanggang apat na araw na umuulan, pero wala naman daw bagyo sabi ng mga ulat panahon. Nagising ako sa bigat ng mga patak ng ulan na tumatama sa aming bubong.

Alas singko ng madaling araw naririnig ko na nag-eempake na ang mga kapitbahay namin, at naghahanda nang lumikas. Bumangon na din ako.

Hindi na kami nagpapanic na gaya ng dati, kasi nga natuto na kami kay Ondoy. Samakatwid, sa buong maghapon ay nilamon ng tubig na dala ni habagat ang aming mga tahanan, tahimik kami na nagpalipas ng sama ng panahon sa isang ukay-ukayan na pwesto sa kanto namin na hindi inabot ng baha.

Kasama namin ang aming dalawang aso, at isang tuta. (Tatlo ang aso namin na malalaki, kaya lang hindi namin alam saan nagpunta iyong isa, inisip namin na nalunod na siya) Ang talagang ipinag-aalala namin ay ang aming Papa, nagkahiwalay kasi kami ng biglang tumaas ang tubig.

Nang humupa ang tubig, nalaman namin na si Papa at iyong aso namin na nawawala ay magkasama sa ikalawang palapag ng bahay. Gutom na gutom na sila pareho. Buti na lang buong unang palapag lang ang nilamon ng tubig, hindi gaya nuong Bagyong Ondoy na pati bubong ay nilubog.

Heto na, panay ang tawag ng mga kamag-anak namin, pati si bro. Magpapadala ng mga kakailanganin upang kami ay makabangon. (Salamat sa mga kamag-anak, kaibigan at sa BW Family ko noong mga panahong ito)

Si Bro ay sinabihang umuwi ng Auntie J ko, (bunsong kapatid ni Papa sa mga babae, at bago pa kayo magreaksyon diyan, J talaga ang simula ng pangalan ng Auntie namin. Ipinangalan siya doon sa hollywood actress na sumikat sa pelikulang "The Sound of Music" pero nakasanayan na namin siyang bansagan at tawagin sa pangalan noong isa pang pamosong hollywood actress na sumikat sa "Pretty Woman") kaya lang ay ang daming rason nito. Nagalit ang tiyahin namin, at sinabing pupuntahan niya si Bro at sasampalin niya daw si J2. Hihiyain niya doon, naku! Lahat kami ay takot sa tiyahin naming ito, kasi nga alam doon sa barangay na iyon, na matapang talaga siya.

Sina Auntie J na inuuwian namin sa Ancenstral House ay nasa city proper na kapitolyo mismo ng probinsya, habang sina J2, ay nasa labas, yung bang mula NCR ay bumiyahe ka pa-Bulacan, Cavite o Rizal.

Sa malao't-madali, natakot ang kapatid ko at hindi na hinintay na totohanin ni Auntie J ang banta niya. Umuwi ito kaagad pasiyudad na may dalang mga ani at produkto mula sa mga kamag-anak namin na kalugar ni J2. Sagot ni Auntie J ang pagbili ng ticket, at iba pang gastusin na kakailanganin, makauwi lang si Bro. Pati nga pamasahe na pangsundo namin sa kanya.

Bumiyahe na siya pabalik sa amin, barko ang sinakyan niya. Kahit na nabaha kami ay excited kami na makita at makapiling na siya. Dalawang buwan siya nawala sa amin. (Naalala ko iyong kwento sa bibliya na tungkol sa Alibughang Anak, iyong buong pananabik na tinanggap ng ama ang kanyang anak na lumayo at muling nagbalik.)

Ewan ko ba, siguro dahil Ate ako at pinanabikan ko na makasama siya. Aaminin ko, para bang may kulang dahil wala siya. Wala kasi ako makaaway at makasalungat sa karamihan ng gusto ko.

Anyway, all is forgiven, but not forgotten. (Sabi ulit ni bunso, kailangan ko ilagay na narinig ko ito sa kanta ng THE CORRS na "Forgiven, not Forgotten") Pinigilan kong tumulo ang mga luha ko ng salubungin siya ng mainit na yakap ng aming ama't-ina. Kaso hindi ko din nagawa, nag-iiiyak kaming lima.

Muling nabuo ang pamilya namin. Mas mabilis kaming nakabalik sa normal na daloy ng buhay, pagkatapos malinis ang mga iniwang kasiraan ng habagat kaysa noong Bagyong Ondoy.

Isang linggo pang tinatawag-tawagan ng kapatid ko si J2 at ang mga pamilya nito sa probinsya upang makibalita. Hanggang sa parang bula na lang na natapos ang relasyon nila ni J2.

Ang alam ko ay nagpunta sa ibang bansa si J2 para mamasukan. Iniwan niya ang kanyang anak sa probinsya.

Magmula noon ay wala na kaming mababalitaan tungkol sa kanya. Para bang nagdaan lamang siya na gaya ng bagyo at habagat sa buhay ni Bro.

Isasarado na natin ang kabanatang ito ng pangalawang pag-ibig ni Bro, sa pamamagitan ng linyang "Minsan may Isang Pag-ibig."

HEARTBREAK (COMPLETED SEPT 16, 2014)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon