CHAPTER 16
PHOEBE'S POV
PINILIT KONG ngumiti kahit na ang gusto kong gawin ay ang magmukmok sa isang gilid at umiyak nang umiyak. Pakiramdam ko ay niloko ako, trinaydor. Pero alam ko naman na wala akong karapatan na maramdaman iyon dahil sa aming dalawa ni Charity, ako ang nanloko at nangtraydor. Kung tutuusin ay sa kaniya naman talaga si Keyden pero habang nakatingin ako sa dalawang taong sinira ko ang buhay... Pakiramdam ko ay sobrang liit ko. Talo na ako. Magkasama na ulit sila. Tapos na.
Ano bang laban ko sa taong ilang taong minahal ni Keyden? Sa taong handa niyang hintayin na umuwi kahit sobrang gabi na para lang maihatid niya sa bahay? Ilang buwan lang naman akong naging asawa ni Keyden. Ilang buwan niya pa lang napapansin ang presensya ko.
Nakakainggit ka, Charity.
"S-sorry, nakaistorbo ata ako." Paumanhin ko at nang madako ang tingin ko sa mata ni Keyden na halatang nangungusap, kahit anong pigil ko ay kusa pa ring tumulo ang luha ko na agad ko namang pinahid gamit ang likod ng palad ko. Ang hirap mong mahalin, Keyden.
Parang may gusto siyang sabihin na hindi niya magawa. Siguro gusto niyang umalis ako kasi ngayon na lang sila nagkaroon ng oras ng totoo niyang mahal. Nasira ko ata ang moment nila. Naalala ko bigla noong pumunta si Charity sa bahay. Nakapag-usap sila, hindi ba? Anong pinag-usapan nila? Siguro ay in-assure ni Keyden si Charity na walang namamagitan sa amin?
Pero bakit niya ako hinawakan after noon? Bakit niya ako hinalikan? Bakit niya ako pinaasa na naman?
Hilig mong maglaro, Keyden.
Siguro nga wala lang yung patawag-tawag niya sa akin ng baby, iyong halik niya at iyong nangyari sa amin. Ngumiti na lang din ako sa kaniya bago tumalikod at nagsimulang humakbang paalis. Totoo pala iyong kasabihan na kapag hindi mo kayang sabihin ang sakit na nararamdaman mo, ang mga mata mo na ang magsasalita para sa'yo.
Sa mga pagkakataong ganito, mas mabuti nang manatili kang tahimik. Mabuti nang umalis na lang kasi alam kong talo rin naman ako kaya anong use ng paglaban kung ang taong gusto kong makasama sa pagsuong sa gyera ay iba ang pinoprotektahan? Nang makarating ako sa elevator ay pipindutin ko na sana ang button para pababa nang may kamay na humawak sa braso ko at ipinaharap ako sa kaniya.
Hindi na ako nagulat nang makita si Keyden na hinihingal pero ang hindi ko inaasahan ay ang makita ang takot sa mga mata nito. Ngumiti naman ako rito kahit ang gusto kong gawin ay itulak ito palayo sa akin at tumakbo. Tumakbo palayo sa lalaking nakatayo sa harapan ko na paulit-ulit akong sinasaktan pero hindi pa rin ako nagsasawang mahalin. Palayo sa lalaking ito na ilang ulit pinaasa ang puso ko pero ilang beses din akong sinaktan.
Bakit kailangan mo akong paasahin nang ganoon, Keyden? Bakit kailangan mo akong pasayahin tapos ay sasaktan lang din sa huli? Ano bang nagawa ko sa'yo? Ang dami kong tanong, ang dami kong gustong isumbat pero ayokong makipagtalo. Alam ko naman na kapag nagtalo kami, ako lang ang masasaktan dahil ako lang ang nagmamahal sa aming dalawa.
"M-may kailangan ka ba?" Mahinahon kong tanong. Ayokong isipin niya na apektado ako. Ayokong ma-guilty siya dahil iyong ginawa niyang pag-halik kay Charity ay ginawa niya rin sa akin. Ayokong isipin niya na nahulog naman ako sa ka-sweetan niya sa akin. Ayokong mag-isip siya ng kahit anong tungkol sa akin. Si Charity na lang dapat ang priority nito. Walang Phoebe. Walang ako. Walang Keyden at Phoebe.
"Let me explain, Phoebe." Sambit nito habang matiim ang titig sa akin halata rin ang pagkataranta rito. Ngumiti naman agad ako para hindi nito makita ang sakit sa mata ko.
Dito naman ako sanay eh. Ang itago ang nararamdaman ko. Ang itago ang lahat ng sakit na naramdaman ko at patuloy kong nararamdaman. Nasaan na iyong baby na tawag niya sa akin? Hanggang doon na lang ba iyon? Hindi ko tuloy alam kung magsisisi ba ako na pumunta-punta pa ako rito. Pakiramdam ko ay napakaliit ko. Pilit pinagsisiksikan ang sarili sa taong pilit lumalayo sa akin. Sa taong una pa lang ay pinamukha na sa akin na hindi ako ang mahal.
BINABASA MO ANG
His Selfless Wife ✔️
Romance"I'm willing to help you find your happiness even if it means losing my own." -Phoebe Lynx Villanueva ©Whistlepen2019 Revision completed: 04/01/23