" Oreng, pakiabot mo nga sa akin ang bote ng patis".
" Oo ate, tumalima ang kawaksi kinuha ang bote ng patis na nasa ibabaw ng mesa.
Matapos matimplahan ng patis ang nilulutong putahe ay ini-off na nito ang gas stove. Lumapit ito sa isang mesa na hindi kalayuan.
"O, ikaw iha kamusta na, naku pasensya kana pamangkin ha? Tinanghali ako ng gising, pati tuloy ikaw naoobligang magkikilos kilos".
"Naku wala po iyon tiyang, huwag nyo akong intindihin sanay ho ako sa trabaho", sabi ni Trisha na nakangiti.
"Hindi ka ba nahihirapan niyan sa ginagawa mo?", paniniguro ng babae sa dalaga, habang ang dalaga naman ay patuloy sa pag-hiwa ng mga gulay. "Hindi ho tiyang wala kayong dapat alalahanin sa akin, gusto ko nga itong ganito, kesa naman nasa itaas ako ng bahay o nasa isang sulok, mas hindi ako mapalagay, at saka matagal pa naman ho ang pasukan, hindi na ko makakatulong sa mga gawain dito, kapag may klase na", mahabang sabi ng dalaga, nasa anyo nito ang sigla at aliwalas ng mukha.
"Ku, ikaw na nga ang bahala, kaya ko naman nasasabi ito ay dahil ako ang nahihirapang tumingin sa ayos mo", sabay haplos sa ulo ni Trisha.
" Huwag kayong mag-alala Tiyang, kaya ninyo nasasabi yan ay dahil naninibago lang kayo sa kaanyuan ko. Dahil kung baga ngayon n'yo lang ako nakasama".
" O siya bahala ka na nga, iiwan muna kita hane? Ilalagay ko lang ang naluto kong ulam doon sa iskaparate sa labas at baka may kostumer na gustong kumain".
"Nasaan nga pala si Dana?", tanong ng mabait na tiyahin.
"Nasa itaas ho, naglilinis ng bahay", nangingiti ang babae.
"Ku, itong mga pamangkin ko kasisipag" iiling-iling na tumalikod ito.
Napabuntong hininga si Trisha sa loob at masuwerte pa rin silang magkakapatid sa pagkakaroon ng Tiyang katulad ni Tiya Mida.