Ikalabintatlong Kabanata

126 12 0
                                    

Ikalabintatlong Kabanata

[Petsa: Ika-29 ng Abril, 2018, alas sais disi otso ng gabi]

IKATLONG PANAUHAN

Hindi pa ganoon kadilim ang kalangitan, ngunit ang buwan ay siyang sumisilip. Dala ang mga problema, kasalukuyan ngayong nilulunod ng maliliit na patak ng ulan si Lavender hanggang sa unti-unti itong naging malalaki. Suot ng dalaga ang itim na bestida. Ang magarbong damit na ngayon ay nababasa na.

"Isa pang ulit ko na tanggalin mo ang payong, siguradong makikita mo ang hindi mo nais makita."

Pilit niyang pinigilan ang pangangatal ng mga labi. Ang panginginig ng mga kamay na dulot ng takot at pagkalito. Napahilamos na lamang siya sa kaniyang mukha.

Si Warren, bagama't kinabahan sa boses ng kasama, ay hindi pa rin sumunod. Nanatili siyang nakatayo sa tabi ng duyan na inuupuan ni Lavender. Hindi iniinda ang pagkabasa sa ulan mapayungan lamang ang dalaga.

"Aking sinabi na alisin mo ang payong!"

Kumulog nang malakas. Natakot si Warren nang makita ang matalim na kidlat na lumiwanag sa madilim na kalangitan. Nagpasalamat siyang hindi sila tinamaan nito.

Umihip ang napakalakas na hangin at tinangay ang payong na hawak niya. Ngayon ay parehas na silang ginagapangan ng malamig na mga butil na nagmumula sa langit. Wala na siyang nagawa kung hindi ang sundan na lamang ng tingin ang nilipad na payong. Pagkatapos ay nalipat ang tingin niya sa dalaga. Hindi niya mawari kung luha o ulan pa ba ang dumadaloy sa mapula nitong pisngi. Ang paghikbi nito ang siyang patunay na lumuluha si Lavender.

"Lavender, sabihin mo, ano ang maitutulong ko?"

Walang ideya si Warren paano makatutulong sa tulad ni Lavender. Unang beses niyang makakita ng babaeng umiiyak sa mismong harapan niya. At dahil hindi niya alam paano magpatahan, ginawa niya ang kadalasan niyang ginagawa sa mga batang nakikita niyang umiiyak. Kinabig niya ito upang yakapin nang mahigpit habang hinahaplos ang likuran.

Sa likuran ni Warren ay makikita ang buwan na nagbabalak magpaliwanag sa kapaligiran, subalit sa likod ni Lavender ay makikita ang bagyong dulot ng kaguluhan sa kaniyang sarili.

"Lavender, sabihin mo, paano?"

Nag-aagaw ang liwanag ng buwan at ang dilim ng delubyo. Magkahati ang dalawa sa puwesto sa langit. May isang kailangang bumigay, magparaya.

"Ang kapakanan ng bawat isa ang tangi kong iniisip," panimula ni Lavender sa pagitan ng pag-iyak. Mahigpit siyang kumapit sa damit ng lalaki habang nakasandal ang ulo sa dibdib nito.

"Ang kapakanan lamang nila. Kahit sila na lang... Kahit kayo na lang, kahit hindi na ako."

Nasasaktan si Warren habang naririnig ang boses ng dalaga. Sa kabila ng pagsinok ay malinaw ang boses nito. Ang kalungkutan, ang takot, at ang pagkalito na ipinapahiwatig nito.

"Hindi puwedeng may mawala. Hindi puwedeng may magdusa..."

Humihina na ang kaninang malakas na ulan.

"Ano pang silbi ng kapangyarihan ko kung hindi ko mapipigilan ang delubyong paparating?"

Tahimik na ang kaninang maingay na hangin.

"Ano pang silbi na nakikita ko ang hinaharap kung magsasakripisyo ang mga tao? Anong silbi ko?"

Hindi siya umalis sa pagkakayakap kay Lavender. Kung iyon lamang ang paraan para mapawi ang mga nararamdaman nito, handa siyang mangawit kakatayo. Handa siyang maghintay hanggang sa kumalma ang nagwawalang hangin. Hanggang sa tumigil ang malakas na pagkulog. Hanggang sa ang kidlat ay hindi na magpakita sa kalangitan. At hanggang sa ang ulan ay tumila na lamang. Hanggang sa ang delubyo ay maglaho at ang dilim ay matalo ng liwanag.

Virago: She Who Can See The FutureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon