Ikalabing-anim na Kabanata
[Petsa: Ika-10 ng Mayo, 2018, alas tres kwarenta y singko ng hapon]
IKATLONG PANAUHAN
Ang pagtatapos ang isa sa mga bagay na hindi ninanais ng mga tao. Ang paglubog ng araw na nagsasabing malapit ng matapos ang isa na namang araw, ngunit ang muling paglitaw nito sa umaga ang nagdudulot ng panibagong pag-asa. Ang pagwawakas ng isang kuwentong nangangahulugan ng pamamaalam sa mga tauhang minahal. Ang kakuntetuhan sa naging wakas nito ay sapat na upang hindi maramdaman ng isang mambabasa ang kalungkutan.
Sa lahat ng pagtatapos, ang paglisan ang hindi magandang pakinggan lalo na kung ang taong aalis ay hindi man lang nagawang makapagpaalam nang maayos.
Tahimik lamang ang tatlong magkakapatid matapos mabatid ang pagkamatay ni Lavender. Hindi sila makaimik habang binabalita ng prinsesa ang ginawang pagsasakripisyo ng isa. Gusto nila sisihin ang kanilang sarili. Dahil sa kapabayaan nila, hindi man lang nila namalayan ang pag-alis ni Lavender para gawin ang kaniyang plano ilang araw na ang nakararaan. Kung sana ay naging mas alerto lang sila ay hindi aabot sa ganito.
"Kasalanan ko ito," paninisi ni Light sa sarili. Lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa hawakan ng kaniyang espada. Tumingala siya para pigilan ang namumuong luha. Idinaan niya ang pagdalamhati sa pamamagitan ng paulit-ulit na paglunok, umaasang sa pamamagitan nito ay mawawala ang bara ng sakit ng pagkawala.
Wala namang magawa si Prinsesa Amber. Dama niya ang kalungkutan ng tatlo.
"May nais lamang akong linawin," umpisa niya. "Hindi ba nalinaw ni Lavender ang inyong misyon?"
Doon pa lang napagtanto ng tatlo ang mga pangyayari. Sa ilang buwang pananatili nila kasama ang mga Yu ay hindi naging malinaw ang kanilang dapat gawin.
"Ano ang pakay ninyo sa inyong pagluwas?" tanong ng Prinsesa.
"Ang aming pakay ay hanapin ang nawawalang piyesa," sagot ni Light na pinakamatanda sa kanilang tatlo.
"At ano ang silbi ng nawawalang piyesa?"
Napaisip si Light tungkol kay Warren. Sa pagkawala ni Lavender sa Pilipinas ay kinailangan agad nilang bumalik sa kanilang lugar. Nakapagpaalam naman sila nang maayos sa mga Yu na naging mabait sa kanila.
"Kailangan siyang maibalik dito sa Wienerzel dahil sa tingin ko ay may kaugnayan siya sa nakitang pagkamatay ng mga mamamayan."
"Iyon lamang ang alam ninyo?"
Sinubukan niya pang alalahanin ang mga pangyayari ngunit wala na siyang maalala. Paulit-ulit lamang na ganoon ang sinasabi ni Lavender.
Bumuka ang bibig ni Light para magsalita. "Natuklasan ko rin na ang piyesang aming hinahanap ay mayroong koneksyon kay Lavender— sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa."
Tumaas ang kilay ng kamahalan. "Iyan ay personal na niyang misyon. Bukod pa diyan ay may iba pa ba kayong alam?"
Lumipat ang tingin ng prinsesa sa dalawa pang bata na walang maisagot.
"Hindi man lang ba niya nabanggit sa inyo na ang dahilan kung bakit ninyo hinahanap ang nawawalang pyesa ay dahil sa isa siya sa mga haliging pinaplanong isakripisyo ng mga pinuno ng Czanezar?"
BINABASA MO ANG
Virago: She Who Can See The Future
FantasyVirago, salitang nanganghulugan ng isang babaeng malakas, matapang, at maikukumpara sa isang mandirigma. Isang babae na nagpapakita ng kakaiba at kahanga-hanggang katauhan ng isang bayani. Wienerzel Fantasy Series #2 Book cover credits to: Pzalm Fra...