Ikalabing-apat na Kabanata
[Petsa: Ika-5 ng Mayo, 2018, alas kwatro y media ng hapon]
L A V E N D E R
Hindi ko alam bakit may hawak akong papel at pluma. Nakadikit na ang dulo ng panulat sa papel kaya kumakalat ang tinta nito. Maitim, makalat. Pero anong isusulat ko rito? Ang aking talambuhay? Ang mga pagdurusa ng mga tao sa aking paligid? Ang mga patunay ng aking kakayahan? O ang hirap na aking dala sa pagkakaroon nito?
Nasa apat na taong gulang yata ako noon nang mayroon akong napanaginipang isang lalaking nalulunod sa isang ilog. Hanggang sa tumanda na ako ay hindi ko pa rin mapagtanto kung saang ilog iyon. Ni minsan ay hindi rin nangyari ang panaginip na iyon.
Sabi ko sa sarili, "Sino kaya iyon?" Pero marahil ay isa lang namang normal na panaginip. Bakit ko hahanapin? Bakit ko kikilalanin?
Limang taong gulang ako nang makita ko sa panaginip ang pagkamatay ng isa sa mga matatanda sa aming bayan - si Ginang Gina. Namatay siya sa sakit sa puso sa panaginip ko, at pagkatapos ang ilang araw ay nangyari nga ito.
Kinabahan ako. Siguro ay nagkataon lang. Ano kayang plano Niya at ipinakita Niya iyon sa akin?
Ilang gabi matapos iyon, nanaginip ako na may nasusunog. Pakiramdam ko pa ay ako mismo ang nasa lugar nang mga oras na iyon. Makapal ang usok at masakit sa mata. Napakainit ng malakas na apoy na tumutupok sa mga bahay. Habang nakatayo ako sa tapat ng nag-aalab na bahay ay nakarinig daw ako ng sigaw ng isang batang babae. Sa panaginip ko ay hindi ako nag-alangang pumasok sa nagliliyab na bahay para iligtas ang bata. Nakalabas kami nang maayos, pero sa aming paglabas ay nakarinig ako ng paghihinagpis. Iyak ng mga namatayan. Naiwan daw sa isang bahay ang anak na lalaki ng isang mag-asawa.
Saglit na pumasok sa isipan ko ang imahe ng lampara na pinagmulan ng sunog.
Isang hapon noon nang mapunta ako sa eksaktong bahay na tinupok ng apoy sa aking panaginip. Nang mga oras na nadako ako roon ay hindi pa ito nasusunog. Binisita ko ang bawat bahay at dahil sa bata pa ako ay hinayaan lang nila ako. Natagpuan ko ang bahay na may lamparang kagaya ng sa panaginip ko. Kagayang-kagaya ng mga gamit ang nakapaligid sa lampara na nakita ko at naisip na posibleng ito na nga.
Habang nakatayo ako sa kusina at binabantayan ang lampara ay may mga batang pumasok na hindi ko kilala. Nagtatakbuhan sila. Naghahabulan. Pumasok sa aking isipan ang senar'yo na nangyayari ngayon. Ang mga batang naghahabulan at paikot-ikot sa maliit na kusina hanggang sa ang isa ay masasanggi ang lampara na nakapatong sa lababo. Mahuhulog ito at mababasag, pagsisimulan ng apoy.
Tumabi na ako sa lampara at hinawakan ito nang mahigpit noong dumaan ang mga kapwa ko bata sa aking harapan. Kinuha ko ito at isinabit sa gilid bago lumabas ng bahay. Nang gabing iyon ay walang nangyaring sunog. Mabuti na lamang at may paraan para pigilan ito.
Anim na taong gulang ako noong kinilala ako ng mga tao na may kakayahang makita ang hinaharap. Ginamit nila ako noong una upang manalo sa mga sugal at kanilang taya. Manalo sa mga laban na kanilang pinustahan. May mga pagkakataong nagagalit sila sa akin. Marahil ay hindi nila naiintindihan na ayokong abusuhin ang aking kakayahan.
Kinilala ako ng prinsesa, at ginamit para makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya at pagtuon sa mga problema na maaaring umusbong sa aming bansa.
Anong mangyayari sa tag-init?
Darating ba ang tagtuyot at matutuyo pati ang mga pinagkukuhaan ng tubig? Paano ang mga pagkain?
May sasabog bang bulkan? Ilan ang posibleng maapektuhan? Ilan ang mahihirapan?
Taon-taon ay nagkakaroon ng malakas na bagyo na nagpapalipad sa mga bubong at sinisira ang mga pananim ng sa Demion. Mangyayari ba iyon sa Demion?
Bata pa lamang ako ay gamit na gamit na ang aking kakayahan. Kahit ang kalikasan ay nakikipagtulungan na sa akin. Nakikinig sa binubulong ng aking damdamin. Sumasabay sa daloy ng aking dugo sa katawan.
Ang marahang ihip ng hangin na nagdadala ng kapayapaan sa aking isipan. Nakikipag-usap ito sa akin at dinuduyan ako kasabay ng pagsayaw ng mga dahon na nakakabit sa mga puno.
Pati ang pagkulog at pagkidlat dulot ng galit na ayaw palabasin.
O hindi naman kaya ay ang malakas na buhos ng ulan na nagpapakita ng aking kalituhan.
Ikadalawampu't siyam ng Enero noon, ang mismong araw kung kailan ako kinausap ni Martina at sinabihan patungkol sa ipinahayag ng orakulo. Hanapin ko raw si Kalila, ang babaeng may kakayahang makakita ng hinaharap sa panaginip.
Matagal ng wala si Kalila. Ilang taon na matapos niyang iwanan ang kaniyang responsibilidad bilang ina sa isang pamilya. Ilang taon na matapos niyang manatili ng pansamatala noong isinilang niya ang bunso sa aming magkakapatid.
Hindi ko na matandaan. Ang naalala ko lamang ay nawala si ina limang araw pagkatapos niyang isilang si Lilac.
Tumigil na ang pagtanda ko simula nang tumungtong ako sa pagkadalaga. Maging si Light ay hindi na rin tatanda. Tangan niya ang responsibilidad na maprotektahan ako at ang aking kakayahan. Ang dalawang babae kong kapatid ay patuloy na tatanda hanggang sa tumungtong na sila sa tamang edad at magkaroon ng sapat na lakas at kakayahan upang maprotektahan ako.
Hindi ko nais na makulong sila sa responsibilidad na dulot ng aking kapangyarihan. Kung ang kapalit noon ay ang pagkatali sa akin, mabuti pang mawala na lamang ako at hayaan silang mabuhay nang matiwasay. Nang walang inaalala na baka isang araw ay may magtangkang kumuha sa akin upang pakinabangan ako.
Nang gabing iyon ay nanaginip ako. Ipinakita sa akin ang apat na pyesang kailangan upang matamo ang pagpapalang higit pa sa mga nakuha namin.
Walang kakuntentuhan. Mapaghangad sa kapangyarihan.
Sa panaginip ko ay hindi ko maaninag ang mukha ng dalawang nawawala nang mga panahong iyon. Ang alam ko lamang ay babae at lalaki sila. May nakita akong apoy. May nakita akong galit sa mga mata ng mga tao. Ang hindi nila pagsang-ayon sa pagsasakripisyo sa aming apat na nagdulot ng kaguluhan. Kakalat ang mga patay. Dadanak ang dugo. Maraming buhay ang mawawala dahil sa pagiging ganid ng mga pinuno. Bakit ko hahayaan iyon?
Ako si Lavender at nakikita ko ang hinaharap. Kung may iba pang paraan, iyon ang aking gagawin.
At ang tanging paraan ay ang pagtakas.
Pagtakas palayo sa aking mga kapatid nang sa gayon ay hindi nila malaman.
Pagtakas palayo sa aking ina upang hindi na siya madamay pa.
Pagtakas palayo sa mga Yu. Palayo kay Warren Yu. Hindi niya kailangang harapin ang problemang dapat ay sa bansa lang namin.
Pagtakas palayo kay Martina at sa isa pang nawawalang pyesa. Hindi nila kailangang malaman kung ano ang nakita ko sa aking panaginip.
Magtatago ako sa kanila. Tatakasan ko sila. Hahayaan kong ako lamang ang humarap sa mga makasariling pinuno ng aming bansa nang sa gayon ay ako lamang ang mawala.
_
____________________________
Pagtatapos ng kabanata. Ano ang inyong saloobin o komento?
BINABASA MO ANG
Virago: She Who Can See The Future
FantasyVirago, salitang nanganghulugan ng isang babaeng malakas, matapang, at maikukumpara sa isang mandirigma. Isang babae na nagpapakita ng kakaiba at kahanga-hanggang katauhan ng isang bayani. Wienerzel Fantasy Series #2 Book cover credits to: Pzalm Fra...