Ngayon naririto ako sa aking silid. Pilit kong kinakalimutan ang naganap kanina kay Junicio. Ngunit ‘yung bata, ‘di maalis sa isipan ko dahil kung anong naramdaman ko noong namatay ang magulang ko ay siguradong nararamdaman n’ya.
Naaawa ako, bakit pa kasi humantong ang lahat sa ganito?Ngunit may mas mahalaga akong kailangang isipin, si Rose. ‘Di ko alam kung totoo ba ang sinisigaw ng puso ko, baka sa huli ay masaktan ako dahil sa pag-ibig. Handa na ba akong umibig?
Sa gitna ng problema at pighati sa mundong ito, s’ya ang aking madalas iniisip, aking itinatanong sa sarili ang kanyang kalagayan na para bang gusto ko s’yang makita ngayon. Lahat ba ng ‘yun ay matatawag na isang pag-ibig?
Mas mabuti na s’ya ang isipin kaysa ang bata na papatayin ang konsensya ko. Ang kasalanan ay kailangang dapat pagbayaran, ngunit narapat bang naging mapagpatawad ako? Masama ang kumitil ngunit nakahain ang buhay n’ya sa hatol ng kamatayan.
Mabuti pa magpahangin o maglibang na muna ako ngayon, sa dami ng tanong ko sa sarili ko ay baka malunod ako roon.
“Manong ihanda ang kalesa, pupuntahan natin si Binibining Rose ngayon,” utos ko na agad namang sinunod ni Pedro na nagkukumpuni ng gamit sa salas.
Itong si Pedro ay napalapit na rin sa’kin at halos ituring kong ama, ngunit natatakot akong ibigay ang puso ko bilang anak dahil baka kapag nawala si Manong Pedro ay mawasak muli ako.
Hindi ‘yun halata na nawawasak ako sapagkat bilang isang heneral dapat ang imahe ko ay dapat walang kinatatakutan. Napatigil na lamang ako nang tawagin ako ni Manong sa labas.
“Heneral, naririto na po ang kalesa,” tawag n’ya.
Napatango ako nang magtanong s’ya, “pasusunurin ko po ba ang mga sundalo?"
“Hindi na po,” sagot ko. “At h’wag mo na po akong tawagin na heneral, ituring n’yo na lamang ako bilang inyong anak,” nagulat s’ya sa sinabi ko.
Naghahanap ako ng pagmamahal ng magulang mula noong namatay sina ama’t ina. Mula noon ay may nahahanap ako pero umaalis din naman, hanggang sa natuto akong mag-isa at nakilala si Julio na ngayon ay nilisan na rin ako.
“Ano po ang inyong ibig sabihin?” pagtataka n’ya.
“Bahagi na po kayo ng pamilya Salvacion,” nakangiti kong sambit.
“Maraming salamat, ngayon aking nabatid na napakabait mo pala,” tugon n’ya.
----------
“Magandang araw Eduardo,” muli ko namang narinig ang kinasasabikan kong boses. Naririto ako ngayon sa mansion ng pamilya Blue. Madalas na ako rito.
“Binibini, aanyayahan kita sana---,” napatigil ako nang lungunin ko s’ya. Ang ganda n’ya sa suot n’ya! “Aanyayahan sana kitang kumain sa labas,” pagpapatuloy ko.
“E kasi may dapat---,” napatigil s’ya nang pagdilatan s’ya ni Kapitan Henry na nasa tabi ko na ngayon. “Sige sige Eduardo,” bawi n’ya.
“Baka ikaw lamang ay napipilitan,” ani ko. Baka may mahalaga talaga s’yang pupuntahan.
“Hindi hindi, tayo na,” aniya.
Ngumiti na lamang ako saka n’ya ako sinundan palabas. Pinagbuksan ko s’ya ng kalesa saka tumungo sa bayan para kumain sa mga kainan doon.
“Binibining Rose!” may tumawag sa kanya pagkababa namin ng kalesa, si Heneral Fernando. Nag-iba ang reaksyon n’ya ng makita ako.
BINABASA MO ANG
Totally Obssesed (Completed)
Romance"Pipigilan ko ang kaligayahan ninyo." Isang katagang madalas marinig sa mga kontrabida, ngunit sa mga salitang 'yan ay may nakatagong masaklap na damdamin. S'ya si Heneral Eduardo Salvacion na umibig sa unang tingin. Kasabay ng pagtugis n'ya sa pu...